Manny Pacquiao, more stressed with public appearances than fight with Hatton

MAS ABALA PA kesa sa makina ngayon ang Pambansang Kamao. Patung-patong ang kanyang schedule. Halos wala na siyang pahinga ngayon dahil pagkatapos ng isang kompromiso, meron pang kasunod ‘yun.

Biro nga namin sa kanya nu’ng Sabado nang gabi nang magkakuwentuhan kami, mas mukhang napagod pa siya sa kanyang mga pinupuntahan ngayon dito kesa sa nakaraan nilang laban ni Ricky Hatton na hindi man lang siya pinagpawisan.

“Oo nga, ano?” Pagsakay naman ni Manny Pacquiao sa aming biro. May meeting siya sa Renaissance nu’ng gabing ‘yun kasama ang Team Pacquiao, meron silang pinaplanong proyekto na para sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan sa GenSan.

Maraming inikutan ang kuwentuhan namin ni Pacman sa telepono. Sa gitna ng kaingayan ng kanyang grupo, nagkakaintindihan pa rin kami, dahil siya na mismo ang naglalakas ng kanyang boses.

Ang una naming pinagtuunan ng tanong ay ang kasalukuyang kontrobersiyang lumiligalig kay Martin Nievera. Hindi na basta ang National Historical Institute lang ang kumakalampag ngayon sa Concert King sa hindi raw nito wastong pagkanta ng Pambansang Awit, meron na ring mga pulitikong nakikisawsaw sa isyu.

Malungkot si Pacman sa nangyari kay Martin. Ayon sa kanya, ni hindi siya nagdalawang-salita sa singer nu’ng kausapin niya ito, pero ganito pa pala ang kahihinatnan ng kabutihan nito sa kanya.

“Ang dami-dami nang kumanta noon, pero bakit si Martin lang ang pinansin nila? Kung ganu’n pala at may batas na sinusunod sa pagkanta ng National Anthem, ‘di sana, pati ‘yung mga naunang kumanta, ginanyan na rin nila?” Emosyon ng mabangis na boksingero.

Tungkol naman sa mga pulitikong nakikisali sa usapin para lang maging pamilyar ang kanilang pangalan para sa darating na eleksiyon, hindi na nagkomento pa si Manny, buntong-hininga lang ang kanyang isinagot sa aming tanong.

NAKAKUWENTUHAN DIN NAMIN ang kanyang assistant trainer na si Buboy Fernandez. Siya ang kababayan ni Pacman na kapag nagbibigay ng instructions sa Ingles si Coach Freddie Roach, isinasalin niya naman sa Bisaya.

Hindi dahil sa hindi maiintindihan ‘yun ni Manny, alam nilang tatlo ang lengguwahe ng boksing, pero may dahilan kung bakit sa Bisaya pasigaw na ibinibigay ni Buboy ang mga gustong mangyari ni Coach Freddie.

“Marunong mag-Ingles ang mga Mexicano at Briton, kaya para hindi maintindihan ng coaching staff ng kalaban ang gustong atake ni Coach Freddie, sinasabi ko naman ‘yun kay Manny sa Bisaya.

“Hindi nila naiintindihan ang dialect namin ni Manny, kaya hindi nila napaghahandaan ang mga instructions ni Coach Freddie sa kanya. Palagi kaming ganu’n,” kuwento ni Buboy.

Binanggit ni Buboy na nawalan ng komunikasyon sina Ricky Hatton at Coach Floyd Mayweather, Sr., sa sobrang pagkahilo raw siguro ng Briton sa unang dalawang pagbagsak nito sa unang round pa lang, hindi na nakuha ni Ricky ang depensang itinuturo ng kanyang coach.

“Bumaba ang dalawang kamay niya, masyadong open. E, si Manny pa naman, ‘yung mga ganu’n ang talagang inaabangan niyang masingitan! Ayun, isang left hook lang, tumumba na siya!” Kuwento pa ni Buboy.

Pero talagang kahit si Buboy Fernandez, ginugulat ng pamatay na kamao ni Pacman. Sanay na siyang makita ang Pambansang Kamao sa kanilang ensayo sa Wild Card Gym, pero ginugulat pa rin siya ngayon ng kanyang alaga.

“Simple lang siya, pero para siyang bull sa ring. Matindi, kapag tumatama ang suntok niya, napapailing din ako. Sobrang lakas ni Manny ngayon, maganda talaga ang kundisyon niya!

“Masikap naman kasi ‘yung tao. Masipag siya sa practice, hindi niya kami binibigyan ng sakit ng ulo. Talagang pang-champion ang working attitude niya,” papuri ni Buboy Fernandez kay Pacman.

Totoong-totoo.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleBea Alonzo, insecure with Sarah Geronimo?
Next articleIza Calzado and Alfred Vargas say no to Long Distance Relationships

No posts to display