KUNG SI MANNY Pacquiao lang ang tatanungin, gusto niyang tantanan na siya ng mga intriga. Pero talagang nananatiling umaapoy ang mga isyung kinasasangkutan niya lalung-lalo na ‘yong tungkol sa rumored affair nila ni Krista Ranillo.
“Actually, nananawagan ako na sana tama na,” ana’ng world boxing champ. “Like ‘yong Krista issue. Sana tigilan na nila si Krista kasi kawawa naman ‘yong tao. Kawawa naman ‘yong pamilya niya.
“Napakabait na tao ‘yon. Laging madasalin. At pati ‘yong pamilya niya, madasalin. Magkaibigan kaming dalawa. Sana tigilan na ang issue kasi tapos na naman ‘yong shooting namin sa Wapakman, so dapat, tigilan na.”
Kahit anong pagdi-deny ang gawin ni Manny, hindi nito kayang burahin ang usaping may ugnayan nga sila ni Krista. Lalo pa’t patuloy ang paglabas ng kung anu-anong kuwentong nagdidiin na totoo nga diumano ang tsismis sa kanilang dalawa.
Pati nga ang nalalapit na laban niya kay Mayweather, naiintriga na rin. Dahil ito sa napabalitang proposal ng huli na magpa-Olympic drug test daw si Manny bago ang kanilang nakatakdang laban next year.
“Olympic drug testing? Agree ako do’n. Honest naman tayo na tao. Wala naman tayong ano… Baka silang nagsasabi, sila ang gumagawa. Like ‘yong steroid na sinasabi nila.
“Hindi ko nga alam kung ano ‘yong steroid, eh. Wala akong idea ro’n. Tapos sinasabi nila na gumagamit ako.
“Ako kaya malakas, dahil nagdadasal ako sa Panginoon. And I work hard kaya lagi akong successful sa mga pangarap ko.”
Kung may mga negatibong usapin man tungkol kay Manny, meron din namang positive. Gaya na nga lang ng pagkakasali niya kamakailan sa Time Magazine’s People Who Matter list.
“Pasalamat tayo na malaking karangalan na mapasama tayo sa Time Magazine. At siguro, napakalaking achievement ‘yan para sa ating mga Pilipino. Sa ating bansa.”
Dahil sa napakalaking tagumpay at mahirap pantayang achievements ni Manny bilang world boxing champ, sinasabi pa ngang naungusan na niya ang isa pang legendary icon sa larangan ng pandaigdigang boxing arena na si Mohammad Ali.
“Ayokong i-compare ‘yong na-achieve ko. Kung anuman ang nagawa ko sa boxing, siguro it’s because sa tulong ng Panginoon at sa tulong ng mga tao na laging sumusuporta,” reaksiyon pa ni Pacman.
TANGGAP NI KATRINA Halili na hindi pa rin maiiwasang matanong siya about Hayden Kho. Lalo na’t mainit pa rin ang usapin hinggil sa napabalitang tangkang pagpapakamatay nito kamakailan. Idini-deny ito ng binatang doctor. Pero may mga saksing nagpapatotoo nito at nagsasabing sila pa nga raw ang tumulong dito.
“Hindi ko alam kung ano ang iku-comment ko tungkol diyan. Sabi niya (Hayden) hindi totoo. Sabi ng mga lumantad na witness, totoo. Bahala na po sila kung ano nga ba. Ayokong pag-aksayahan ng panahon ang news tungkol diyan.”
Magpa-Pasko na. Pero nananatiling napakahirap kay Katrina na ibigay ang kapatawaran kay Hayden sa ginawa nito sa kanya.
“Kaya ko naman pong magpatawad. Ang problema, paano mo nga ibibigay ang kapatawaran sa isang hindi nga humihingi ng tawad? Hindi inaamin ang nagawang mali. At ni hindi nga niya alam na nagkamali siya.”
So, she really wanted to see Hayden behind bars?
“Opo. Gusto kong mabigyan siya ng kaukulang parusa sa kasalanan niya. At ‘yong korte na po ang bahala. Sa pag-usad ng kaso, ipagpapatuloy ko lang kung ano ang ipinaglalaban ko.”
Parang siya ang sinisisi ni Hayden na nasira raw ang propesyon at buhay nito nang dahil sa kanya?
“Bakit ako? Ang buhay at career ko rin naman, nasira, ah! Sana malinawan siya tungkol sa mga nangyari. Basta ako, tuloy lang ang laban ko. Gusto kong managot lahat ng dapat managot,” panghuling nasabi ni Katrina.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan