NAGTAGUMPAY SINA JENNYLYN Mercado at Becky Aguila na maipakulong si Mel Pulmano, dating PA ng dalawa. Daang libong piso raw ang natangay ni Mel mula sa aktres at sa manager.
Pero nabigo si Becky Aguila na mabawi ang 2.5 million pesos na tinangay sa kanya ng isang Budol-Budol Gang. Hindi rin niya nakasuhan ang mga ito dahil peke lang daw naman ang mga ginagamit na pangalan. Nakapagpiyansa ang mga nahuling miyembro ng grupo nang masukol ng mga pulis-San Juan.
Naturingang matalino si Becky na sa kanyang mga interview ay pa-Ingles-Ingles pa, pero napaniwala siya ng mga taong nu’n lang niya nakilala. Natangayan siya ng milyong halaga nang walang kalaban-laban.
Dati’y hindi naniniwala si Becky sa hipnotismo, pero ngayon, ‘yun ang itinuturo niyang dahilan kung bakit siya parang naging robot na sunud-sunuran na lang. Kusang-loob pa siyang nagbigay ng malaking halagang ni hindi nga niya naiintindihan ang negosyong inialok sa kanya.
“Maayos silang kausap, mga professionals sila, you will never doubt their capacity dahil meron pa silang mga documents at pictures ng mga negosyo raw nila.
“Dalawang grupo ang nag-post na interested buyers ng property ko, pareho ko naman silang in-entertain, pero wala akong kaalam-alam na magkakuntsaba pala sila para lokohin ako.
“It was not an overnight transaction, one month tumagal ang pag-uusap namin, magbabayaran na kami nu’ng Japanese para sa property ko nu’ng sabihin niya sa akin ang kailangan niya para sa pearl farm niya sa Palawan.
“Maliliit daw ang mga napo-produce nilang Mikimoto pearls, kaya kailangan nila ng pearl growth enhancer, kapag hindi raw siya nakakuha nu’n, baka magsarado ang company nila na may 280 people.
“Nakakaawa raw naman ang mga tauhan niya kung magsasara sila, in need daw talaga ng product na ‘yun para malalaking pearls na ang mai-produce. ‘Yun namang second group na ka-transaction ko, meron daw silang alam na mapagkukunan, pero kaliwaan, so sinabi ko naman ‘yun sa Japanese.
“Nagpaalam siya na pupunta muna sa Davao para asikasuhin ang chromite business daw niya. Nu’n namang dumating ang stocks ng pearl growth enhancer from the second group, kaya with the promises na kukunin ng Hapon ‘yung mga products, ako ang nag-abono ng pambayad.
“Grabe, September 22, 500 thousand ang ibinigay ko. The next day, kasama pang nag-withdraw nu’ng tao ang driver at staff ko, two million pesos naman,” napapailing na lang ang manager sa kanyang napasukang indulto.
TULAD NG INAASAHAN, pinagapang na parang bata ni Manny Pacquiao si Miguel Cotto sa lona kahapon sa kanilang pagduduop. Gusto pa sanang ipatapos kay Pacman ng mga miron ang panghuling round, pero naawa na ang referee sa Puerto Rican, dahil sarado na ang magkabilang mata nito sa lahat ng mga suntok na iniregalo sa kanya ni Manny.
Mabagsik talaga ang mga kamao ni Manny. Para magsarado ang mga mata ng kanyang kalaban ay nangangahulugan lang na ganu’n katindi ang kanyang mga suntok. Nakakaawang tingnan ang anak na lalaki ni Cotto habang pinagmamasdan nito ang burog-burog na mukha ng kanyang ama.
At ang markadong katangian ng pagiging mapagkumbaba ng Pambansang Kamao ay muling lumutang. Bago at matapos ang kanyang laban ay pagdarasal muna ang kanyang inuuna. Wala siyang kayabang-yabang at kailanman ay hindi niya ipinagmalaki ang kanyang kakayahan bilang boksingero.
Mula sa Las Vegas, nakuha namin ang mensaheng ito, “Sa Bellagio Hotel naka-check-in ang buong pamilya ni Krista Ranillo, nagkita sila ni Jinkee sa Wynn Hotel, pero wala namang nangyaring eskandalo. Edukada si Jinkee, alam niya naman kasi kung saan siya nakapuwesto sa buhay ni Manny.
“In short, hindi siya squatter, siya ang mayhawak ng puso ni Pacman,” kumpletong mensahe ng aming kaibigang nasa Las Vegas.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin