HINDI NA AKO ako nakalabas ng bahay nu’ng nakaraang Miyerkules dahil tinutukan ko ang libing ng dating pangulo nating si Cory Aquino na inabot na ng gabi.
Hindi ko rin napigilang umiyak nang magsalita si Kris hanggang sa inilabas na ito ng simbahan.
Naku, ‘day! Mabuti na lang inabot ng hapon ang coverage ng ABS-CBN kaya hindi tuloy naere ‘yang Wowowee at baka umangal na naman si Willie Revillame na naka-inset na naman ang coverage ng funeral procession. Di ba hari-harian talaga siya sa Dos?
Nega na naman tuloy siya sa mga tao at tinitira na naman daw sa internet dahil kalat na kalat na doon ang episode nu’ng Lunes na lumabas ang kayabangan at kabastusan niya sa Wowowee, nang pinapatanggal nito ang naka-inset na funeral procession ni Tita Cory mula La Salle hanggang Manila Cathedral.
KInagabihan, nakita pa raw itong pumunta sa burol at may mga nakakitang parang may kinakausap at nagpapaliwanag.
Pero ang lakas na talaga ng ere nitong Willie na parang siya na ang may-ari ng ABS-CBN kaya dapat namang mapagsabihan ito para hindi na siya umabuso.
Naku, ewan ko lang kung makapagpigil kami ni Joey at baka may masabi pa kami sa Startalk sa Sabado, Pero mas mabuti sigurong manahimik na lang alang-alang na lang kay TIta Cory.
NAIKUWENTO NA NOON ni DENR Secretary Lito Atienza na kinausap niya nang masinsinan si Manny Pacquiao na pag-isipan nang mabuti ang balak nitong pagtakbo bilang congressman ng Saranggani.
Ang suggestion kasi ni Sec. Atienza, mas mabuting gumawa na lang siya gaya ng Pacman dahil nakunan na niya ito noon ng lisensya, na tumututok sa mga problema sa ating mga atleta. Bale sa sports talaga ang focus nito, dahil iyun naman ang linya ni Manny.
Malaki ang magagawa ni Manny para sa ating pangkalakasan kaya dapat dito na lang siya mag-focus at sabi nga ni Sec. Atienza, sa congress pa rin naman siya niyan at nationwide pa ang sakop nito, hindi sa Saranggani lang.
Sabi naman ni Manny, naintindihan naman daw niya ang gusto ni Sec. Atienza na ama-amain niya pero nakabitaw na raw siya ng pangako sa mga taga-Saranggani kaya tutuparin daw niya ito.
Matagal na raw nangako si Manny na tutulong siya sa mga kababayan niya sa Saranggani dahil noon pa raw niya alam kung ano ang problema sa lalawigang iyun kaya hindi na raw mababago ang desisyon niya. Desidido na raw siya sa binitawan niyang pangako at tingin naman daw niya hindi siya pababayaan ng mga taga-Saranggani.
Malapit nang magsimula ang bagong sitcom ni Manny sa GMA-7 kasama si Marian Rivera at parang naglalaro lang daw sila sa set kaya nag-e-enjoy ito.
Guest daw ni Manny dito ang nanay niyang si Mommy Dionesia na tuluy-tuloy na ang pag-aartista, ha!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis