NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Gusto ko pong ireklamo ang mga school sa Sevilla, Bohol dahil nakasanayan na po kasi nilang manghingi ng manok, beer, soft drinks at kung anu-ano pa tuwing closing ng school year. Nanghihingi sila ng mga ito para sa mga bisita nila sa school. Kapag hindi po makapagbigay ng manok ay magbabayad ng P150.00. Sa hirap po kasi ng buhay ngayon, sana ay wala nang ganoong pangongolekta. Kawawa naman po ang mga tulad naming maliit lang ang kinikita.
- Isa po akong concerned citizen dito sa may Villa Carmen, Mariveles, Bataan, reklamo ko lang po iyong coast guard station sa Corregidor Island dahil nanghihingi po sila ng P100.00 para sa bawat bangka pero wala naman pong resibong ini-issue. Sana po maaksyunan ninyo.
- Baka puwede n’yo pong mapagsabihan ang mga sakay ng mobile patrol na may plate number na SJG 965 sa may Baras, Tanay, Rizal dahil sobra-sobra po kung manghingi sa aming mga biyahero.
- Pakitawag po ang pansin ng mga kinauukulan para po magtalaga sila ng pulis sa may P. Villanueva Street sa Pasay dahil talamak po ang holdapan na nangyayari rito. Nakatatakot na po ang riding-in-tandem dito.
- Tulungan n’yo po kami na maipatanggal ang piggery at bodega ng langis dito sa may Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Mabaho po kasi at nakasusuka ang amoy ng kaning baboy. Nagreklamo na po kami sa munisipyo pero wala po silang aksyon.
- Reklamo po namin ang drainage dito sa Beata, Pandacan dahil napakatagal na pong nahukay pero hanggang ngayon ay wala pa ring improvement.
- Hingi lang po kami ng tulong dahil palaging sarado ang basketball court namin kaya hindi magamit ng mga kabataan. Dito po kami sa Sta. Barbara, Iloilo.
- Pakikalampag naman po ang DepEd Catanduanes dahil ang karamihan sa mga adviser na teacher dito sa San Andres Vocational School ay palaging late at hindi uma-attend ng flag ceremony. Ang principal naman kundi late ay lagi ring wala.
- Irereklamo ko lang po ang Catmon National High School dahil naniningil ng para sa PTA, SSG, athletic fee, red cross, school paper, at iba pa. Halos P300.00 ang sinisingil. Kapag hindi raw po nakapagbayad ay hindi makapag-e-exam ang bata.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo