NU’NG LINGGO NANG hapon ay tumawag ang isang kaibigan namin, nakita raw nila si Willie Revillame at ilang kaibigan sa isang restaurant sa Subic, masaya raw ang grupo.
Nagtataka tuloy ang aming kausap, ang inaasahan siguro nitong makita ay isang lulugo-lugong Willie dahil sa pagkawala niya sa Wowowee, pero kabaligtaran ang kanyang nakita.
“Mukha pa nga siyang fresh na fresh, parang nakapamahinga siya nang husto, hindi siya mukhang haggard tingnan,” pahabol pa ng aming kausap.
Maagang umalis si Willie at ang kanyang mga kaibigan nu’ng Linggo nang umaga, dinalaw niya sa Subic ang ipinare-renovate niyang yate, mas maganda nga namang nakikita niya ang paggawa nu’n dahil hindi naman barya-barya lang ang nagagastos sa pagpapakumpuni ng yate.
Bukod sa kanyang yate ay kasabay ring ginagawa ngayon ang renovation ng bagong bili niyang bahay sa Ayala Heights, ‘yun ang mansiyon ng may-ari ng ABS-CBN na si Mr. Gabby Lopez, napakalawak ng bakuran nito at ang floor area ng bahay ay mahigit sa one thousand square meters.
Napakalaki pa ng kakaining budget ng bahay, nabili niya ‘yun sa halagang 86 million, kung susundin ang lahat ng gustong mangyari ngayon ni Willie sa kanyang mansiyon ay hindi lalayo ang kabuuang halaga nu’n sa isandaang milyong piso.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagtatayo ng kanyang building sa may audience entrance ng ABS-CBN, hindi naman nahinto ang paggawa ng mga karpintero mula nu’ng hindi na siya nag-report sa Wowowee, matagal na ring napaghandaan ni Willie ang pagdating ng tag-ulan sa kanyang buhay.
At sa tanong ng mga nakakausap namin kung ano ang gagawin ni Willie kapag hindi na siya bumalik sa Wowowee ay walang pag-aagam-agam kaming sumagot.
Si Willie pa? Oo nga’t napakarami niyang naipupundar mula sa kanyang pamamayagpag ngayon ay hindi siya materyosong tao. Siya na mismo ang nagsabi na ipinanganak siyang hubad, kaya aalis siyang hubad din sa mundo.
Si Willie Revillame ang klase ng taong hindi mapagkapit sa hindi niya kaya, hindi siya matatawag na butiking yumakap sa poste, kaya nahulog.
Positibo ang kanyang pananaw sa buhay, kung talagang maiipit siya sa isang sitwasyon, napakarami nga namang paraan para makapagbawas-makapagbenta siya ng mga ari-arian nang hindi pa rin siya maghihirap at makapagbubuhay-milyonaryo pa rin.
MAAGA PA LANG kahapon ay nagtawagan na sa amin ang mga dati naming kasamahan sa DZMM, sila rin ang mga nagsitawag sa amin sa unang dalawang pagra-rally sa tapat ng Sgt. Esguerra gate ng ABS-CBN ng mga tagahanga ni Willie Revillame.
Sila mismo ang nandu’n, sila ang nakakakita sa mga nagaganap, kaya sila ang dapat at kailangan naming paniwalaan. Nadagdagan pa ‘yun ng pagpapatotoo nang tumawag ang isang kaibigan naming nasa palibot din ng Dos ang negosyo, nakita nila ang mga taga-suporta ni Willie na may hawak na mga placards at streamers, kaya bumagal ang kanilang takbo nu’ng tumapat sila sa mga nagra-rally.
Sabi ng aming spy kahapon nang umaga, “Unti-unti nang nagdaratingan ang mga supporters ni Willie, marami nang nandu’n sa may audience entrance, may dala-dala silang mga placards.
“’Yung guard mismo ang nagsabi sa amin kanina, mas malaking rally daw ito, gusto raw nilang maipaabot sa network ang kagustuhan nilang bumalik na si Willie sa Wowowee,” kuwento ng aming source.
Kahit sa loob ng studio ng Wowowee ay nakunan nu’ng Sabado ang matinding pagkasabik kay Willie ng manonood, nagpapakita rin ng mga placards ang mga studio audience, ganu’n na talaga sila kasabik na makita uli sa gitna ng entablado ng Wowowee ang mahal na mahal nilang TV host.
Sabi nga namin, matigas man ang loob ngayon ni Willie dahil sa hinahanap niyang proteksiyon na hindi niya nakita ay makapagpapalambot na ‘yun ng kanyang kalooban, mahal na mahal ni Willie ang kanyang programa at ang mga taong mula pa noon ay walang sawang sumusuporta sa kanya.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin