Manyikang Putik

SUMABOG KAMAKAILAN ang balita ng extra-marital affair ni CIA director David Petraeus. Dahil dito napilitan siyang magbitiw sa kanyang tungkulin. Nangyari ito, tatlong araw pagkatapos ng re-election ni U.S. Pres. Barack Obama.

Aksidente ang pagtuklas ng FBI ng lihim. Umamin agad si Petraeus at kanyang paramour subalit ‘di dito matatapos ang kontrobersiya. Series of congressional investigations pa ang isasagawa.

Si Petraeus ay isang bemedalled military general, naglingkod nang buong ningning sa giyera sa Afghanistan at Iraq. Sa edad 65, nagretiro siya nu’ng 2010 at itinalaga bilang CIA director. Katakut-takot ang paghanga ng mundo sa kanyang military genius. Kung ‘di nangyari ang kontrobersiya, posibleng Democratic presidential timber siya sa U.S. 2018 eleksyon.

Ayaw nating busisiin ang detalye ng isyu. At ‘di natin hangad na manghusga. Paghahanap ng nilalang na malinis ay halintulad sa paghahanap ng karayom sa bundok ng dayami. Diyos lamang ang may karapatang manghusga.

Ito lamang ang ating punto. Mataas o mababang nilalang, walang makaliligtas sa tukso. Lalo na kung ang tukso ay tawag ng laman. Kailangan ng tibay ng will power na humuhugot sa grasya ng Diyos ang makakahadlang.

Kaharian at kaharian ang bumabagsak sa tawag ng ganitong uri ng tukso. Sa Biblical times, halimbawa si King Solomon at marami pang iba. Sa modernong panahon, U.S. Pres. Bill Clinton ay natukso. Maraming pamilya, pangalan at kara-ngalan ang nawawasak. Luha at dalamhati dumadaloy dahil sa pagkawatak-watak.

‘Di natin alam kung saan hahantong ang kaso ni Petraeus. Masalimuot. Mapanganib. Tinitingnan kung nagkaroon ng security breakage. Ito ang mapanganib. Ang CIA ang numero unong spy agency sa mundo. Maraming military at state secrets ng iba’t ibang bansa ang alam. Saan hahantong  ito? Mula sa pagiging bemedalled general, si Petraeus naging manyikang putik.

SAMUT-SAMOT

 

SA SENSE of humor, walang hihigit kay dating Pangulong Erap. Kamakailan, nagpagkawala siya muli ng isang joke na hanggang ngayon marami pang nagkikisay sa katatawa. Sa speech sa NBI, bigkas niya: “Ako ang pinaka-lider ng X-Men. Ex-mayor, ex-senator, ex-vice president, ex-president at ex-convict.” ‘Di magkamayaw ang hiyawan at tawanan. Ganyan si Erap. Even in the most absurd situation he finds something to laugh at and be funny about. ‘Di kataka-taka: Erap is unsinkable.

SABI NI famous comedian Charles Chaplin, “A day without laughter is wasted.” Totoo ito. Naglalakbay tayo sa buhay na laging gusot ang mukha, balisa at ayaw tumawa. Laughter is the elixir of life. Nagpapahaba ng buhay. Nagdadala ng dugo sa natutulog na ugat. ‘Yong book of jokes ni Erap, “Eraptions” ay bestseller. Naka 4 na editions at tumabo ang publishers nang husto. ‘Pag kasama mo si Erap, lagi kang tatawa. Neat, nice jokes ang nasasala niya sa ano mang sitwasyon. No wonder, he’s a survivor.

‘DI DAPAT ipagbawal ang caroling sa Pasko. Ito ang liyab ng diwa ng okasyon. Tuwang-tuwa ako ‘pag may nagka-caroling sa bahay. Kahit maiingay at makukulit na batang paslit ay welcome ko. Ang Pasko ay puso ng inosenteng bata, natutulog sa sabsaban habang inaawitan ng anghel sa kala-ngitan. Ano pa bang gagandang tanawin sa buhay kundi ang little manger sa Bethlehem?

ILANG LINGGO na ang nakararaan, sinabi ni Deputy PNP Chief Allan Purisima na ang pagtaas ng crime rates ay dahil sa bloated reports ng media. Subalit saan manggagaling ang reports, ‘di ba sa kapulisan? Kung gano’n ang work attitude ni Purisima, ‘di magandang tingnan. Ang media ay partner ng kapulisan sa pakikibaka sa crime. ‘Di sila adversarial. Dapat baguhin ni Purisima ang ganitong mindset.

PUTO BUMBONG at bibingka pa rin ang traditional na amoy ng Pasko. Sa aking kabataan, mga ito ang masarap na alaala kasama ang lamig ng hangin sa simbang gabi. Salamat at na-preserve natin ang tradisyong ito. Subalit unti-unti na ring nawawala ang ibang tradisyon ng Pasko kagaya ng caroling at pagmamano sa matatanda. ‘Di na natin alam kung saan umuusad ang ating panahon at mga tradisyon. Subalit ang ating pagmamahal sa pamilya, ang umiwas sa pagkawatak-watak ay nakatatak pa rin sa ating kultura. Iba ang kulturang Pinoy.

HALOS DALAWANG dekada na rin akong naglilingkod kay dating Pangulong Erap. Ngayon, matingkad kaming magkaibigan at ako’y binibilang na niyang kasapi ng kanyang pamilya. Ibang nilalang si Erap kung malapitan mo siyang kilala. Mapagmahal at matapat na kaibigan, ‘di nag-iisa. Marami siyang taong natulungan nang palihim. Wala sa ugali niya ang mag-broadcast ng ginagawang kawang-gawa. Natural, marami rin siyang pagkakamali, ngunit sino ang wala? Walang dapat maghusga sa isa’t isa. Ang Diyos lamang ang nakaaalam kung ano ang nasa ating puso. ‘Di natin maaaring linlangin Siya. Si Erap ay maalalahanin. Bigla-bigla siyang nagpapadala ng regalo sa mga nakalimutan mong special occasion. Sagrado sa kanya ang pagkakaibigan.

SA KARAMIHAN sa atin, ang pag-usad sa pagtanda ay ‘di nangangahulugan na alam na natin ang tunay at malalim na kahulugan ng buhay. Hanggang ngayon, marami pa sa atin ang nagtatanong nito. Nasa kayamanan o kapangyarihan ba ang kahulugan ng buhay? Mga milyonaryo o bilyonaryo, nakamtan na ba nila ang fulfillment ng buhay? Malabo. Marami sa kanila ang bulag. Binulag ng salapi at kayamanan kaya sa puso at kaluluwa ay parang ipo-ipong damdamin na nagtatanong: ano ang kahulugan ng buhay?

‘DI MAGLALAON si Pangulong P-Noy ay lilipas na rin. Tatlong taon na lang. Ano kaya ang kanyang magiging achievement card? Napataas ba niya ang uri ng buhay natin? O isa lang siya sa naging leader na walang lugar sa kasaysayan. Matuwid na daan. Ano ba ito?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 11 January 7 – 8, 2012
Next articleVice Ganda, gustong magkaroon ng anak kay Derek Ramsay!

No posts to display