PARA SA MGA masusugid na tagasubaybay ng WANTED sa TV5 na gumigimik tuwing Biyernes ng gabi o dili kaya ay hindi puwedeng magpuyat, may good news kami sa inyo. Kapag nakaligtaan ninyong panoorin ang WANTED sa Biyernes – na kadalasan ay pumapasok na ng pasado alas-dose ng madaling-araw at Sabado na, ito ay mapapanood sa mas maagang timeslot sa Aksyon TV sa Biyernes pa rin, sa Channel 41 pagsapit ng 8:45 pm.
May kasunod na replay ito pagdating ng Linggo, 3:30 pm sa Aksyon TV pa rin. Sa Cignal Cable, ang Aksyon TV ay mapapanood sa Channel 1, at sa Channel 7 naman pagdating sa Destiny. Kung kayo ay subscriber ng SkyCable, ito ay mapapanood naman sa Channel 61.
ISANG MODUS OPERANDI ng panggagantso na target ang mga kalalakihan ang lumalaganap ngayon sa text. Isa ang inyong SHOOTING RANGE sa mga nakatanggap ng nasabing text. At siyempre, tulad ng inaasahan, hindi ko pinatulan.
Sa nasabing text, humihingi ng tulong ang isang nagpapakilalang bagong graduate na estudyanteng babae na gumagamit ng first name ng isang kilalang sexy actress. Nakasaad sa text na kailangan niyang lumuwas ng Maynila mula probinsiya dahil sa isang job interview sa sikat na multinational company.
Kailangan daw niya na makapunta sa nasabing interview na naka-schedule pagkalipas ng ilang araw. Nagmamakaawa ito sa paghingi ng tulong. At ang punchline? Gagawin niya ang lahat basta matulungan lang siya. Sa huli, nagbigay ito ng kanyang website.
Bagamat agad kong binura ang text at hindi na nag-aksaya pa ng panahon, mahuhulaan ko na kapag pinuntahan ko ang website ng texter na iyon, matutunghayan ko ang larawan ng isang inosente, maganda at kaakit-akit na mukhang kolehiyala.
‘Di ko na siguro sasabihin pa sa inyo ang mga susunod na mangyayari kapag ako ay ignorante at nakipag-communicate sa nasabing texter.
NAALALA KO TULOY ang isang konduktor ng bus na pumunta sa WSR noong nakaraang taon. Na-in love siya sa isang babae na sa text lamang niya nakilala at naging “girlfriend” matapos itong humingi ng tulong sa kanya. Ni minsan hindi nakipag-eyeball sa kanya ang “girlfriend” niyang ito at tanging litrato lamang nito, na nakuha niya sa internet, nasisilayan niya ang mukha. Kahit pa nadugasan na siya ng malaking pera, hindi pa rin niya matanggap ang katotohanan na ang babaeng nasa litrato na hawak niya ay hindi mismong iyon ang nakikipag-communicate sa kanya.
Kaya napasugod sa WSR ang nasabing konduktor dahil nag-text daw sa kanya si “girlfriend” at humihingi ng saklolo para huwag siyang sapilitang maipakasal sa ibang lalaki ng kanyang amain. Sa halagang limang libo, papayag na raw ang amain ni “girlfriend” na huwag na itong ipakasal sa isang pa-ngit na Intsik. Kailangan daw na agad na maipadala ang pera para hindi na matuloy ang kasal.
Itanong ninyo kung ano ang hitsura ni “girlfriend” sa litrato? Manliliit ang litrato ng pinagsamang mukha ni Anne Curtis at Solenn Heussaff. Maging ang inyong SHOOTING RANGE ay halos mangilabot sa kilig. Nang itapon ko ang litrato at sinabi ko sa nasabing konduktor na iyon ay props lamang ng isang modus, pinulot niya ito at muling isinilid sa kanyang wallet saka lumisan na lang na mabigat ang kalooban.
Shooting Range
Raffy Tulfo