Mapanganib na Paraiso

SABI SA isang television advertisement na inilabas noon ng gobyerno ay “It’s more fun in the Philippines!” Sumikat ang mga katagang ito lalo na sa panahon ng tag-init sa Pilipinas o summer. Kaya naman ngayong opisyal nang nagsimula ang summer dito sa bansa, bumabalik sa aking alaala ang “It’s more fun in the Philippines” slogan. 

Ngunit kamakailan lang, lumabas na naman sa isang international survey na ang Metro Manila ang pangalawa sa pinakamapanganib na panirahan sa buong mundo. Kung ganito ang imahen na makikita ng mga dayuhang bakasyunista sa ating bansa ay paano nga kayang nangyaring naging mapanganib sa dating paraiso?

Sa artikulong ito ay layunin kong pag-usapan kung may merito nga ba ang pahayag na pangalawa sa pinakamapanganib na manirahan sa Metro Manila o walang basehan ito.

ANONG PANGANIB nga ba ang matatagpuan sa Metro Manila? Kung ikaw ay matagal nang naninirahan sa mga lugar gaya ng Quiapo, Cubao, Tondo, Banawe at Tatalon, natitiyak kong hindi mo itatanggi ang mga panganib at karahasang tila normal nang nangyayari sa mga lugar na nabanggit. Marami pang mga lugar sa Metro Manila ang may kahalintulad na panganib na laging iniisip-isip ng sinumang naglalakad sa mga lugar na ganito.

Una nating puntuhin ang mga krimen na laging laman ng kakalsadahan sa Metro Manila. Sino ba ang hindi pa nadukutan sa inyong paglalakad sa mga mataong lugar at pagsakay sa mga masisikip na istasyon ng tren? Marahil ay halos lahat sa mga taga-Metro Manila ay may karanasan na sa alin man sa dalawang krimen na nabanggit.

Kung hindi man personal ang karanasan ay tiyak na marami tayong mga kapamilya, kaibigan at kakilala na nakapagbahagi na ng ganitong marahas na karanasan sa kanilang paninirahan o pagbisita sa Metro Manila.

Kaya naman sa tuwing lalakad tayo sa mataong kalsada ng Maynila, dadaan sa isang overpass o sa isang pasilyo ay ganu’n na lamang ang pagiging maingat at mapagmatiyag natin sa paligid na tila sa anumang sandali ay may aatake sa iyo para holdapin ka o pagsamantalahan.

Ito marahil ang isang dahilan para masabing mapanganib manirahan sa Metro Manila.

ANG PANGALAWANG pupuntuhin ko ay ang mga krimen na may kinalaman sa motorsiklo. Ayon sa tala ng Philippine National Police (PNP) nito lamang January 2014, hindi bababa sa 400 ang ninakaw na motorsiklo kada buwan.

Sari-sari ang istilo ng pagnanakaw ng mortorsiklo gaya ng sapilitang pag-agaw ng motor, pagsakay sa isang van habang naka-park at paggamit ng universal key para mapaandar ito. Masasabi na ngang kung nagmamay-ari ka ng isang motorsiklo rito sa Metro Manila, nakalagay nang tuwina sa panganib ang iyong buhay.

Ang mga kriminal na lulan ng motorsiklo o riding-in-tandem ay malaking banta sa kaligtasan ng mga tao sa Metro Manila. Hindi lang sa panghoholdap o pandurukot ginagamit ang ganitong paraan kundi lalo’t higit sa pagpatay. Marami tayong nababalitaan sa araw-araw na laging sangkot ang riding-in-tandem sa pagpatay sa kalsada.

Sa kasamaang palad, tila walang magawa ang PNP para sugpuin ang ganitong estilo ng kriminalidad. Ngayon, kapag ikaw ay naglalakad o nagmamaneho sa kalsada at may isang motor na tumigil o papalapit sa ‘yo, tiyak na kakabog ang iyong dibdib at iisiping baka ikaw na ang susunod na biktima nito.

Ito marahil ang isa pang dahilan para sabihing tunay ngang mapanganib manirahan sa Metro Manila.

ANG PANGATLO ay ang kaligtasan ng mga tao na may kinalaman sa transportasyon, partikular sa mga tren sa Metro Manila. Kamakailan lang ay pumatay na naman ang tren ng Philippine National Railway Corporation (PNRC) ng dalawang buhay. Isang lalaking papasok sa kanyang trabaho at batang lalaking naglalaro ang nagkalasug-lasog ang katawan dahil sa sinapit na trahedya sa riles ng tren.

Hindi naman ngayon lamang o miminsan ang ganitong aksidente sa mga riles ng PNRC. Katunayan ay madalas ang aksidente rito. Ang ibig sabihin ay hindi lamang maaaring isisi sa mga taong naaksidente ang kanilang pagwawalang-bahala at kapabayaan kung kaya’t nasagasaan sila ng tren. Ang PNRC at gobyerno ay may malaking pagkukulang para ayusin at gawing ligtas ang mga riles ng tren para sa mga tao.

Maging ang mga pampublikong bus ay malimit ding dahilan ng pagkasawi ng buhay ng mga pasahero nito dahil ang mga driver ay lasing, kaskasero at pabaya. Ang bus na ito rin ay mga luma at hindi na ligtas para gamiting pampublikong transportasyon.

Kung ikaw naman ay driver, sadyang napakahirap magmaneho sa kalsada ng Metro Manila. Gigitgitin ka, ika-cut at hindi pagbibigyan sa kalsada. Kapag uminit naman ang iyong ulo at bumaba sa iyong sasakyan para komprontahin ang kaskaserong driver ay mamamatay ka naman sa tama ng bala ng baril kung mamalasin ka sa salbahe at trigger happy na isang maniac driver.

Ito pa ang isang mabigat na dahilan kung bakit mapanganib manirahan sa Metro Manila.

AT PANGHULI at ang sinasabing pinakamabigat na dahilan kung bakit mapanganib manirahan sa Metro Manila.

Kung ang sentro ng bagyong Yolanda na kumitil sa libu-libong buhay at sumira sa maraming kabahayan at kabuhayan sa kabisayaan ay tumama raw sa Metro Manila, tiyak na mas maraming buhay ang nawala at wasak nang lubusan ang kabuuan ng Metro Manila. 

Ito ay sa kadahilanang hindi na ligtas ang Metro Manila sa mga atake ng tinatawag na natural calamities gaya ng bagyo  at lindol. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto ay maling-mali ang urban planning na ginawa sa Metro Manila. Natakpan diumano ang mga natural na daluyan ng tubig-ulan at tubig-dagat kung kaya’t matindi ang mga pagbaha sa Metro Manila kahit konting pag-ulan lamang sa maghapon.

Marami rin ang mga gusali sa Metro Manila na luma na at madali nang guguho kapag tumama ang isang malakas na lindol. Sa madaling sabi ay hindi handa ang Metro Manila sa ganitong mga kalamidad.

 

KUNG BIBIGYANG-BIGAT ang lahat ng mga salik na binanggit sa taas ay masasabing tunay ngang mapanganib na mamuhay sa Metro Manila at ang dating malaparaisong lugar ay nanganganib na maging mapanganib.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleLegal na Paraan Para Masingil ang Umutang
Next articleLagi na lang daw silang pinag-uusapan ni Kris Aquino
James Yap, over-exposed na, gusto nang manahimik

No posts to display