SI PUERTO Princesa City Mayor at senatoriable candidate Edward Hagedorn ay isa sa nabibi-lang sa mga daliri na mga pulitiko na hindi balimbing. Siya ay kasalukuyang tumatakbo bilang isang independent candidate.
Bagama’t matalik niyang kaibigan si dating Pangulong Joseph Estrada, magalang niyang tinanggihan ang paanyaya nito na sumanib at maging kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA), kung saan isa sa mga haligi ng partidong ito ay ang dating pangulo.
Tinanggihan din niya ang paanyaya ng Liberal Party na kung saan kasama sa coalition ang partidong bumitbit sa kanya sa pagka-mayor – ang Nationalist People’s Coalition. Bukod dito, matalik din niyang kaibigan si Pangulong Noynoy, ang pinakahaligi ng LP.
Sa pagtakbo niya bilang independent candidate sa halip na sumanib sa alin man sa dalawang nabanggit na partido ay isang malaking sakripisyo – isa na rito ay ang mawala sa kanya ang maimpluwensya at malawak na machinery ng UNA o LP, bukod pa sa suporta sa pera na matatanggap niya mula sa alin mang partidong ito.
Ang sakripisyong ito ay ginawa niya alang-alang sa kanyang paninindigan na hindi niya susuwagin ang kanyang mga kaibigan alang-alang lamang sa pulitika. Ito ang tatak ng isang totoong kaibigan.
Hindi natitinag ang kanyang prinsipyo dahil lamang sa isang ambisyon. Ito naman ang tatak ng isang totoong tao.
ISANG MALAKING kapalpakan ang ginawang pag-veto o pagbasura ni P-Noy sa Senate Bill 3217 o House Bill 6203 na kung saan pinatatanggal ang minimum height requirement para sa mga nais maging miyembro ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology. Ang current height requirement para sa mga miyembro nito ay 5’4” pataas para sa mga kalalakihan at hindi bababa sa 5’2” naman para sa mga kababaihan.
Ayon sa mga tagapagsalita ng Pangulo, kinailangan daw para sa mga gustong maging pulis, jailguard at bumbero na maabot ang minimum height requirement upang magawa nila nang mabuti ang kanilang trabaho. Lalo na raw pagdating sa pagbabantay o pag-e-escort ng mga kriminal.
Ang mga pananalitang ito ng mga nguso ni P-Noy ay isang kabalbalan at kabobohan na rin. Walang kinalaman ang sukat ng taas ng isang pulis o jailguard upang magawa niya nang maayos ang kanyang trabaho.
Ang kapalpakan ng ating gobyerno sa kakulangan ng mga kagamitan para sa mga pulis at jailguard upang maging epektibo sana sila sa kanilang trabaho ay pinupunuan ng isa pang mas matinding kapalpakan – ang pagdiskitahan ang kanilang height.
Ang nangyaring pagwawala ng PBA import na si Jamelle Cornley sa isang presinto ng PNP matapos siyang arestuhin dahil sa pag-iiskandalo sa Sir William’s Hotel sa Timog, Quezon City ay magandang halimbawa.
Halos isang dosenang pulis ang nagtangkang ipasok siya sa loob ng kulungan ngunit dahil 6’5” ang height ni Cornley at 240 lbs. ang timbang, nakuha niyang bastusin ang mga arresting officer na malayong mas maliit sa kanya.
Sa puntong iyon wala nang kinalaman ang height ng mga pulis para naging epektibo sana sila sa pag-neutralize sa nagwawalang animo’y asong ulol na si Cornley. Ang kinailangan doon ay ang taser gun, stun gun, tear gas at batuta. Ito ang mga standard equipment ng mga miyembro ng police force sa Amerika at sa ibang bansa. Samantalang dito sa atin, ni batuta wala ang ating mga pulis. Ito ay isang malaking kapalpakan at kahihiyan sa ating pugad ng kurap na gobyerno.
Shooting Range
Raffy Tulfo