NOONG DECEMBER 31, 2011, alas-dos ng madaling-araw, huli na nang mapansin ni Yusop Ladjabangsa, Jr. na may malalim na butas sa unahan ng highway na tinatahak niya. Sumemplang sa butas na iyon ang kanyang minamanehong motor na siyang ikinamatay niya.
Si Yusop ay anak ni PO3 Yusop Ladjabangsa Sr. Isinumbong ni PO3 ang nangyari sa kanyang Junior sa WANTED SA RADYO noong nakaraang Biyernes. Ang aksidente ay naganap sa Poblacion, Alfonso Lista, Ifugao.
Ang ganitong klaseng aksidente ay halos nagiging pangkaraniwan nang pangyayari sa mga kalsada sa probinsiya sanhi ng kapabayaan ng mga contractor pati na ng DPWH. Nagsasagawa sila ng mga road repair at hinahayaang nakatiwangwang ang mga binungkal nilang kalsada nang mahabang panahon. Ang masaklap pa, wala man lang silang nilalagay na mga karatula para bigyang-babala ang mga motorista upang maiwasan ito.
Noong nagdaang Disyembre, nag-long drive kami ng aking pamilya papuntang Cagayan Valley. Magmula Isabela hanggang Cagayan, hindi ko mabilang ang dami ng mga kalsadang under construction na nakatiwangwang na nadaanan namin at walang mga early warning signage. Masuwerte kami sapagkat kabisado na ng aming driver ang mga lugar na may matagal nang nakatiwangwang na mga nire-repair na kalsada roon. Gayon pa man, makailang beses din kaming muntik-muntikan nang masadsad kung hindi lang dahil sa maingat magmaneho ang aming driver.
Pagbalik namin ng Maynila, December 27, agad kong tinawagan si Usec Romeo Momo ng DPWH para ipaalam sa kanya ang mga nasaksihan naming problema. Nangako si Momo na paiimbestigahan niya ang aking itinawag sa kanya pati na ang mga problema sa mga highway sa ibang mga probinsiya.
Ngunit hindi pa siguro nakapag-iimbestiga si Momo, ang kaawa-awang motoristang si Yusop, Jr. ay nasawi dahil sa kapabayaan ng mga walanghiyang kabaro ni Momo sa DPWH.
NGUNIT HINDI lang sa mga lansangan sa probinsiya makikita ang kapabayaan ng mga taga-DPWH kundi maging mismo rito sa Maynila, masasaksihan ang kanilang saksakan ng kapulpulan. Isama na rin natin dito ang mga taga-MMDA.
Noong nakaraang Linggo ng gabi, pauwi na kami galing sa isang mall, ilang mga road construction ang aming nadaanan sa gitna ng EDSA na nakatiwangwang. Bagama’t binakuran ang nakatiwangwang na nire-repair na kalsada, wala itong mga reflectorized early warning signage para magbigay-babala. Mabuti na lang at medyo mabagal ang takbo ng mga sasakyan ng mga oras na iyon dahil sa traffic.
Ngunit may mga pagkakataon din na hindi maiwasang magkaroon ng road repair sa EDSA at ito ay kinailangang abutin ng ilang araw. Wala naman akong nakikitang problema rito dahil ito’y isang proyektong kailangang gawin.
Pero sana man lang hasain ng mga taga-DPWH at MMDA ang kanilang mga mapupurol at kinakalawang ng kukote. Dapat, ilang araw bago sila magsagawa ng repair, maglagay sila ng karatula na kapansin-pansin sa mismong parte ng EDSA kung saan magaganap ang pag-aayos para magbigay ng paalaala – nang sa gayon ay makapaghanda ang mga motorista na madalas dumaan sa parteng iyon ng EDSA. Para pagdating sa mismong araw ng pagre-repair, maaaring gumamit ng ibang ruta o dili kaya, sumakay na lang ng MRT ang mga regular na motoristang dumadaan sa lugar na iyon. At dahil dito, hindi magkakabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa araw ng repair.
Shooting Range
Raffy Tulfo