MARAMING TAON na’ng nakararaan, ako ay ang mismong producer ng aking mga TV shows at co-producer ng aking radio program. May karamihan din ang buong bilang ng aking mga empleyado noon.
Nang mga panahong iyon, isa sa aking empleyado ang mahilig magdididikit sa akin. Sa tuwing magkakaroon ang aming grupo ng story brainstorming, kapansin-pansin ang agad na pagpanig niya sa aking mga sinasabi. Ang lahat ng bagay na masarap pakinggan sa aking tenga ang madalas niyang bukambibig.
At dahil doon, mabilis niyang nakuha ang aking kalooban. Pero napansin kong mahilig siyang maghanap ng kamalian ng kanyang mga kasama para isumbong sa akin. Lalo pa kapag ang mga kasamahan niyang iyon ay magaling magtrabaho at napapalapit sa akin, kaya agad niyang hinaharang at sinisi-raan.
Hindi rin tumagal ang aming samahan dahil nabisto ko ang kanyang pagkatao at mga kalokohan.
HINDI NAGKAKALAYO ang sarili kong kuwento sa mga kuwentong nakakalap ko na kasalukuyang nangyayari sa Malacañang. Sa mga beteranong reporter na naka-beat sa Malacañang, sila ang makapagsasabi na noon pa man, kahit sino pa ang pangulong nakaupo, ito ay isang snake pit – lungga ng mga ahas. Sa madaling salita, lungga ng maraming traydor.
Idudugtong ko na rin ang aking bagong imbentong salita, ang Malacañang ay isa ring lungga ng mga linta. Kapag pinagsama mo ang dalawa, ang kalalabasan nito ay salitang “Lintas”.
Maraming mga tauhan si Pangulong Noynoy na magagaling magtrabaho at tulad niya ay tumatahak ng matuwid na daan. Ang siste, may mga taong nakapaligid sa kanya na walang ginawa kundi ang magsipsip at manira ng mga kasamahan.
Kapag nakita ng mga Lintas na ito na may mga taong lumalapit o napapalapit na kay P-Noy, agad nila itong hinahanapan ng kuwento para maetsa-puwera.
May kuwentong nakarating sa akin na noong panahon na si Erap ang presidente, minsan nang magbiyahe raw siya sa abroad sakay ng isang chartered airplane, ang lahat ng mga sipsip sa kanya ay kasama niya sa first class. May ilang tao raw na loyal sa kanya, na kasama rin sa nasabing flight, pero hindi nakadidikit sa kanya dahil hinaharang ng mga Lintas, ay nakaupo sa economy.
Nang malaman daw ni Erap na nasa economy ang mga kaibigan niyang ito, hinanap niya sila at umupo siya sa kanila at nakipagkuwentuhan nang ilang oras din. Ayon pa rin sa kuwento, nang mawala na raw si Erap sa puwesto, ang mga kaibigan niyang ito ang siyang nakadikit pa rin sa kanya, samantalang ang mga Lintas niya noon ay hindi na siya kinikilala.
SI MAR Roxas ay isa sa mga tauhan ni P-Noy na kanyang tunay na mapagkakatiwalaan. Tulad ni P-Noy, mula rin sa maganda at mayamang angkan si Roxas kaya kailangan niyang pangalagaan ang mabangong pangalan ng kanyang pamilya.
Ang nakalulungkot, si Roxas ay pinag-iinitan ngayon ng mga Lintas. Ang hindi alam ni P-Noy, ang mga Lintas na ito, sa kanyang likuran, ay gumagawa ng kanya-kanyang mga katarantaduhan.
Dapat huwag kalimutan ni P-Noy ang ginawang sakripisyo ni Roxas nang siya’y magpaubaya kay P-Noy at kinalimutan ang kanyang ambisyon sa pagtakbo sa pagka-presidente para sa isang kaibigan. Iyon ay isang napakadakilang sakripisyo.
Hindi ko kakilala si Roxas pero alam ko, maging ng sambayanan, na si Roxas ay isang hindi makasariling tao at marunong magsakripisyo alang-alang sa bayan. Dapat huwag hayaan ni P-Noy na mapunta sa wala lamang ang kabayanihan na ginawa ng kanyang tunay na kaibigang ito.
Shooting Range
Raffy Tulfo