NAKAUSAP NAMIN si Raymart Santiago sa hearing ng kasong Permanent Protection Order na isinampa ng dati nitong asawang si Claudine kamakailan lang.
Napapagod na ba siya ngayon sa dami ng court hearings na kanyang pinupuntahan? “‘Pag meron kang pinaglalaban, ‘di naman nakakapagod, eh.”
Mahirap ba? “Siyempre mahirap din pero matatapos at matatapos din naman ito.”
Ayon naman daw sa abogado ni Raymart, nai-stress na raw nang sobra ang kanyang kliyente. Paano niya ito nilalabanan? “‘Andiyan ‘yung mga kaibigan ko, ‘yung mga matagal ko nang kaibigan na sumusuporta, ‘yung pamilya ko, kumpleto kaming sumusupota sa akin, ‘yun masaya, masaya.”
Masaya rin si Raymart sa pagtatanggol sa kanya ng mga kapatid. “Siyempre ganu’n naman ang magkakapatid.”
‘Di ba siya nalulungkot na nadamay sina Randy at Rowell? “Sa tingin ko wala namang sinabing masama ‘yung mga kapatid ko, pinoprotektahan lang naman ako, hindi ko alam kung anong bully roon sa sinabi nila.”
Matatandaan namang sa Instagram post ni Gretchen noon, ipinagtanggol niya si Raymart at sinabi nitong dasal niyang mapunta ang kustodiya ng mga anak nila ni Claudine sa una. Ano naman kaya ang masasabi niya rito? “Well nagpapasalamat ako, ‘yan ang mga luma kong mga kaibigan, pati sina Gretchen. Actually, una ko silang nakilala kaysa kay Claudine.”
Sa ngayon, tila malayu-layo pang matapos ang mga kasong ito, kaya let’s wait and see na lang what will happen next!!!
NAGPA-UNLAK NA ng panayam ang controversial sexy star na si Rosanna Roces matapos itong mahatulan ng guilty verdict kaugnay sa isinampang kaso sa kanya ng GMA-7 kaugnay sa paglabas nito sa ibang istasyon kahit na may kontrata pa ito sa Kapuso Network. Isa pang naging mainit na kinasasangkutan ni Osang ay ang isyu sa diumano’y mga patutsada nito sa Facebook laban kay Senator Bong Revilla, Jr.
Sa live na interview kay Osang sa Showbiz Police: Intriga Under Arrest ng TV5 last Saturday, sinabi nitong wala pa raw siyang natanggap na kopya nang naturang hatol ng korte.
Nalaman niya lang daw sa mga balita na natalo siya sa inihaing kaso ng GMA-7. Pinagbabayad siya ng dalawang milyon. Ano kaya ang naramdaman niya noong nalaman niya ito? Kuwento niya kay Cristy Fermin sa Cornered By Cristy segment ng show, “Una, hindi pa nagsi-sink in eh, unang-una kasi wala naman akong natatanggap na kahit anong copy.”
Ayon pa kay Cristy, “Tatlong estado meron ang buhay di ba? In denial, grief, acceptance. Tanggapin natin ang katotohanan na lahat ng pangarap ng mga nagpapasexy noon ikaw ang nakasambot. Pero mapagbiro ang kapalaran, ngayon hindi na ikaw ang nasa ituktok, ang bulsa mo ay wala nang laman. Okay, paaano mo hinarap ang pangyayaring ito Rosanna Roces?”
Sagot ni Osang, “Hindi kasi sanay naman akong wala. Ginagawa ko na lang joke lahat. So minsan, ‘yun nga ‘yung post ko sa FB it’s a joke. ‘Di ba ‘yung ah, parang restaurant na wala akong pera e, i-charge n’yo kay Bong. ‘Di ba ‘yung joke ‘yun. Pero it’s not mean to insult.”
Dagdag pa ni Cristy, “Sa isang panayam kasi, bakit mo itsina-charge ang dalawang milyong peso mula kay Senator Bong Revilla, may utang ba siya sayo? Meron ba siyang utang sa ‘yo bilang artista nu’ng gumawa ka ng pelikula sa kanyang produksiyon?”
Ibinitin muna ng show ang sagot dito ni Osang. Sa muling pag-ere ni Rosanna, muli siyang tinanong ni Cristy kung pabiro ba yung ipi-nost nito sa Facebook o mula sa kanyang puso.
Tugon ni Osang na natatawa, “Andami niyang pera e.”
Saad ni Cristy, “Na pinagpapaguran niya.”
Sagot ni Osang, “Ay ewan ko. Hindi ko alam, lahat naman tayo nagpapagod eh, pero hindi lahat ganun kalaki ang kinikita, ‘di ba?”
Dagdag pa ni Cristy, “Pero yun ba ang ibig mong sabihin talaga nung ilagay, i-post mo ‘yan sa Facebook na kasagsagan kasi ito ng issue tungkol kay Napoles, nadamay ang panagalan ni Senator Bong Revilla.”
Sagot ni osang, “It’s not there to insult the Revilla’s. Unang-una, nakikita ko ‘yung bata (Budoy, anak ni Jolo kay Grace). And ibinigay naman ang gusto ko na pag-aaral ng magandang eskuwelahan, ‘di ba? At natutuwa ako, hindi na siya nag-grade two, grade three na. And I’m proud. Even si Jolo nakakausap ko, at sabi ko nga, ‘Jolo natutuwa ako na si Jodi ang pinili mo, alam kong safe ang apo ko’.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato