UMPISAHAN KO ang espasyong ito sa pagpapaabot ng aking taos-pusong pasasalamat, sampu ng aking mga kapatid, sa lahat ng tiwala, simpatiya at suporta na aming natatanggap mula sa sambayanan hinggil sa nangyaring pambubugbog sa kapatid naming si Mon.
Samu’t saring suporta ang akin nang napakinggan mula sa mga taong tumawag, nagpadala ng text message at mga nakausap nang personal, na karamihan sa kanila ay hindi ko kakilala at nakasalubong lamang sa kalye, ang labis na nagpaantig ng aking damdamin.
Pero ang isang pagpapaabot ng suporta na masasabi kong bukod-tangi at labis na tumatak sa aking puso ay nagmula sa isang empleyado ng housekeeping ng isang hotel na aming tinuluyan ng aking buong pamilya nitong nakaraang Mother’s Day weekend.
Sinabi niyang, “Sir, humihingi ako ng pasensiya sa lahat ng nangyari nang dahil sa pagtatanggol ninyo sa aming mga maliliit nabugbog si Sir Mon at nasuspinde pa kayong magkakapatid”.
Sinabi ko sa kanya na wala siyang dapat ihingi ng pasensiya at ginawa lang ng kuya ko ang dapat lang niyang gawin, at ‘yun ay ang pagtanggol sa ground stewardess sa NAIA na binubulyawan at inilalagay sa kahihiyan sa harap ng maraming tao.
Idinagdag ko rin sa kanya na buong pakumbaba na tinatanggap namin ang aming pagkakasuspinde dahil sa ginawa naman naming pagtanggol sa aming kapatid na naapi.
SA KABILANG banda may mangilan-ngilang text messages naman na pumasok sa aming text hotline na nagungutya at isa nga roon ang nasabing buti nga raw ang nangyari sa amin para mabigyan kami ng leksyon dahil mga “pakialamero at sawsawero daw kami”.
May katotohanan naman ang kanyang sinabi. Nakikialam talaga kami kapag may naaapi. At nakikisawsaw kami sa kaguluhan lalo pa na kung sa kaguluhang iyon may maliit na taong inaapi.
Noon pa man, matagal ko nang sinasabi sa aking mga tagapakinig sa WANTED SA RADYO na ang mga naaapi ang aking mga Boss. Sila kasi ang literal na bumubuhay sa aking programa. Kung hindi dahil sa kanilang pagtitiwala at pagdudulog sa WSR para magsumbong, walang Raffy Tulfo sa radyo.
Kaya, kung dumating man ang oras na ako’y mapahamak dahil sa pagtatanggol sa mahihirap, buong-puso kong tinatanggap dahil sila ang naglalagay ng pagkain sa hapag-kainan ng aking pamilya. Ang WSR kasi ay isang pure public service program na ang tanging layunin ay ang ipagtanggol ang karapatan ng mga naaapi lalo pa ng mga maliliit nating kababayan. Ang WANTED SA RADYO ay mapapakinggan sa 92.3fm Radyo5 at Aksyon TV Channel 41.
NAIS KO rin kunin ang pagkakataong ito upang muling humingi ng kapatawaran sa lahat ng tagapakinig ng T3 dahil sa mga nabitiwan naming mga salita – kami nina Ben at Erwin – noong May 7 episode ng nasabing show sa pagdepensa kay Kuya Mon.
Ang aming mga pananalitang iyon na lumalabas na parang pagbabanta laban sa mga bumugbog kay Kuya Mon ay bugso ng damdamin – lalo na sa mga oras na iyong sariwa pa ang mga pangyayari at paulit-ulit na nakikita namin sa lahat ng mga palabas sa telebisyon ang video sa YouTube na kinukuyog ang aming kapatid, na tinuturing namin na para na ring ama simula nang kami ay maging ulila sa ama.
Binibigyan ko ng assurance ang publiko na ako, sampu ng aking angkan, ay hindi mananakit ng sino mang tao na naging sangkot sa pambubugbog kay Kuya Mon sa NAIA at ipinapaubaya na lang namin ang lahat sa korte.
Shooting Range
Raffy Tulfo