[imagebrowser id=404]
NAGISING KAMI sa natanggap naming tawag sa cellphone kahapon ng alas-otso ng umaga. Nasa kabilang linya si Lady Camille Espeña, anak ni Tita Swarding at co-host niya sa isa sa kanyang mga radio program.
Humihingi ng paumanhin sa amin si Lady Camille dahil hindi raw makapagde-deadline ng kanyang column si Tita Swarding. Okay lang naman, saad namin sa kausap.
Mula nang magsimula ang Pinoy Parazzi, sa loob ng halos limang taon at kalahati, hindi pumalya sa kanyang column si Tita Swarding. At ipinagmamalaki niya na ito ang kaisa-isang pahayagang pinagsusulatan niya.
Pero ang nakagugulat, ang dahilan ng aming kausap kung bakit sa unang pagkakataon, hindi makapagsa-submit ng kanyang column si Tita Swarding. Patay na si Tita Swarding.
Sa pakikipag-usap namin kay Betty “Ate Betchay” Batucan (may bahay ni Tita Swarding), alas-siyete ng gabi ng Sabado, nakaramdam ng hirap sa paghinga si Tita Swarding. Sa kabila ng hiling niya at ng mga anak na dalhin siya sa ospital, tigas sa pagtanggi si Tita Swarding. Hanggang bandang alas-7:30, nag-decide na si Ate Betchay na dalhin siya sa ospital sa ayaw at sa gusto niya.
Idiniretso nila sa emergency room ng Quezon City General Hospital (QCGH) si Tita Swarding. Samantala, inasikaso naman ni Ate Becthay ang request at referral para mailipat sa Lung Center of the Philippines ang asawa, dahil nga matagal na itong may sakit na emphysema. Naayos naman ni Ate Betchay ang lahat ng kinakailangan, handa na rin para ilipat sa nasabing ospital si Tita Swarding, pero pagdating niya QCGH, pasado alas-12:00 ng hatinggabi (May 12), bumigay na si Tita Swarding dahil sa kumplikasyon sa sakit na emphysema sa edad na 60.
Nauna nang isinugod si Tita Swarding sa QCGH nitong nakalipas na April 20, sumakit ang tiyan niya, pumutok ang appendix. Naoperahan naman siya at nanatili sa intensive care unit (ICU) sa loob ng 12 araw. Pagkatapos niyon ay may tatlo o apat na araw siyang nanatili sa hospital bed bago iniuwi sa kanilang bahay noong May 7.
“Mula nang iuwi namin sa bahay si Tita, lagi na siyang matamlay, halos ‘di na kumakain at parang malungkot. Nito lang Sabado siya naging masaya uli. Nakikinig siya ng kanyang radio program. Si Morly Aliño ang nag-host sa kanyang program kasama ang anak naming si Lady Camille. Inipon pa niya kaming lahat sa kanyang kuwarto, pati ang lima niyang apo,” malungkot na salaysay sa amin ni Ate Betchay.
Romulo Espeña ang tunay na pangalan ni Tita Swarding na ipinangak noong Nobyembre 22, 1952. Sabi ni Ate Betchay, mahigit 40 taon na sa showbiz si Tita Swarding bilang kolumnista at brodkaster. Nagsimula si Tita Swarding bilang technician sa Super Tunog Pinoy radio noong 70’s, hanggang sa kunin siyang announcer ng may-ari ng radio station na si Jun Villar, na siya ring nagbigay ng bansag sa kanya bilang ‘Tita Swarding’.
Pagkaraan noo’y kung saan-saan na ring radio station napunta si Tita Swarding kabilang ang DWOO at DWSS, hanggang sa kunin siya ng DWIZ at DZRH, kung saan siya nanatili hanggang sa araw ng kanyang pagpanaw.
Nagkaroon ng TV talkshow si Tita Swarding noong 90’s, ang Actually ‘Yun Na! sa RPN 9, kasama sina Kris Aquino, Willie Revillame at Arnell Ignacio.
Nakasama na rin sa ‘di mabilang na pelikula ang batikang brodkaster, pinakahuli ay sa indie film na I Luv U, Pare Ko na pinagbidahan nina Rocco Nacino at Rodjun Cruz na kamakailan lang ipinalabas.
Nai-feature na rin ang kanyang true to life story sa Maalaala Mo Kaya, kung saan si Vhong Navarro ang gumanap sa kanyang papel, habang si Manilyn Reynes naman ang gumanap sa karakter ni Ate Betchay.
Naulila ni Tita Swarding ang kanyang may bahay na si Ate Betchay at mga anak na sina Niño Ian, Nhica, Lady Camille, Kariz, at Guyrich, at limang apo. Isa pang anak ni Tita Swarding, si Tyric ang nauna nang pumanaw.
Nakalagak ang mga labi ni Tita Swarding sa San Fernando Funeral Homes sa Balintawak. Nakatakda na man itong ilibing, Huwebes o Biyernes, sa Holy Cross Memorial Park sa Novaliches. Hinihintay lang ng buong mag-anak ang pagdating ni Niño Ian na nagtatrabaho sa Qatar.
Sa pamilya ni Tita Swarding, isang taimtim na pakikiramay sa kanyang pagpanaw mula sa mga bumumubo ng Pinoy Parazzi.
Maraming-maraming salamat, Tita Swarding, sa pagiging bahagi ng buhay namin… at paalam. Sumalangit nawa!
Ni Dani Flores