MAGLI-LIMANG BUWAN na buntis na pala si Precious Lara Quigaman na nagpakasal kay Marco Alcaraz nu’ng nakaraang Linggo sa may Hacienda Isabella sa Tagaytay.
Iyon ang announcement nila na ikinagulat ng mga malalapit nilang kaibigan.
Sa November na raw ang due nito at baby boy ang kanyang ipinagbubuntis na pangangalanan nilang Noah Alcaraz.
Hindi naman ako naimbitahan dahil hindi naman kami close nina Marco at Lara, kaya nakibalita lang ako dahil kararating ko lang nga galing Germany, ‘di ba?
Kinober ito ng Startalk at maayos naman daw ang seremonya ng Christian wedding na ginawa nila.
Nagpa-convert pa pala si Marco sa pagiging Christian para kay Lara.
Tapos, mahigit isang taong kasal na pala sila dahil nagpakasal na raw sila sa Canada nu’ng January 1, 2011. Kaya siguro nagsasama na sila niyan, hindi lang natin knows.
Anyway, dumalo naman daw ang mga malalapit nilang kaibigan at kasama nga du’n ang alaga kong si Alfred dahil nagkasama sila ni Lara sa Mutya.
Nakikita namang mahal na mahal nila ang isa’t isa kaya masayang-masaya sila sa kanilang pag-iisang dibdib.
Medyo curious lang ako dahil wala raw du’n sa kasal ang dating manager ni Marco na si Arnold Vegafria.
Ewan ko kung inimbita siya o hindi, pero dapat dumalo du’n si Arnold dahil siya naman ang nag-discover kay Marco at matagal din naman niya itong hinawakan.
MARAMI SANA akong kuwento sa inyo tungkol sa pagpapaturok namin ng stem cell sa Germany, pero maraming mga kilalang celebrities ang involved kaya wa na muna talk, ‘di ba?
Sikat nga roon ang mga Pinoy dahil ang dami palang mga kilalang celebrities at pulitiko ang nagpa-stem cell doon. Quiet lang sila dahil ayaw naman nilang ipaalam pa ito.
Ako lang naman ang kuwento nang kuwento na parang publicist na tuloy ako ng Villa Medica na siyang nagsasagawa ng ganu’ng treatment doon.
Kasama ko du’n si Lorna Tolentino at parang type pa niya yatang bumalik doon para magpaturok uli.
Ako naman, doon ko lang nalaman na may high blood pala ako at sobrang taas ng blood pressure ko na ikinaloka ng mga doktor.
Mabuti na lang Pinoy ang doktor du’n at sobrang inasikaso kami kaya natuloy rin ang pagpapaturok sa akin.
Muntik na kasing hindi ako tinuloy dahil sa mataas nga ang BP ko. Kaya pinagtiyagaan nila akong pababain ang BP para puwede na akong turukan ng stem cell.
Ngayon ay kailangang mag-rest daw muna kami ng at least two weeks para doon daw makita kung ano ang resulta ng stem cell sa amin.
Feeling ko nga babalik pa ako dun dahil ‘yun din ang payo sa akin ng doktor.
Naku! Dapat makahanap pa ako ng sponsor, ‘no! Buti na lang nandiyan si Dra. Vicki Belo na nagsagot ng lahat na gastos sa pagpunta namin sa Germany at pagpapa-treat doon.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis