HINDI NABAHALA SI Marian Rivera sa mga balitang mababa raw ang ratings ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang kung ikukumpara sa Dyesebel at Marimar.
“Hindi naman kasi ganu’n kasadsad, tulad ng sinasabi nila. Medyo exaggerated iyon, dahil may dapat pa rin akong ipagpasalamat. Naiba ang role ko rito. Sa halip na magsasayaw ako, nasubukan ko naman ang aksiyon, ang mag-drama. Ayaw lang siguro ng mga tao, lalo na ng mga bata na ako ang aggresive sa role ko rito. Mas gusto nila na ako ang sinusuyo at nilalapitan ng mga lalaki na dapat lang naman. Masagwa nga naman na ako pa rito ang lumalapit sa manok. Tsaka, hindi naman lahat ng oras, mataas ang magiging rating ng bawat telebabad ko. Basta hindi nalalayo sa dati, ipagpasalamat na natin sa Diyos at sa mga televiewers.”
May bagong alas si Marian na kailangan bantayan. Hindi lamang angWalang Pera project nila ni Mike Enriquez mula sa GMA News and Public Affairs, na tumatalakay sa global recession o epekto ng pandaigdigang krisis sa pananalapi ng ating bansa, kundi ang matinding hatid ng pagtatambal nila ni Dennis Trillo sa 10th lenten offering ng APT Films na ipalalabas sa Holy Week.
Hindi lamang istorya ng Sugat ng Kahapon ang maghahatid ng panibagong tagumpay kay Marian, kundi hamon din sa tatag ng Marian-Dingdong Dantes tandem.
Magaling na aktor si Dennis. Napakagaling. Posibleng pakainin niya ng alikabok si Dingdong kapag ipinalabas na ang proyektong sinulat ng Palanca Hall of Famer na si Jun Lana, at ang ‘ika nila’y sensitibong pagkaka-direk ni Mac Alejandre. Kailangan natin ang mga istoryang tulad nito na nagpapakita kung ano ang nagagawa ng puso sa buhay ng dalawang nilalang.
Hindi laging pag-ibig ang naglalapit sa dalawang tao. Higit ang bigat na hatid ng pagmamahal sa kapwa na binabasbasan ng pagmamalasakit, ang naghahatid sa kanila sa higit na kaligayahan.
Muling mamahalin si Dennis sa kanyang role bilang isang person with mental retardation na tinulungan ni Marian. Isang maybahay naman ang aktres na laging inaabuso ng kanyang asawa. Magkakalapit ang kanilang damdamin dahil magkapit-bahay sila. Walang nag-aalaga kay Dennis nang mamatay ang kanyang lola at si Marian naman ay nangangailangan ng pagkakataon upang maging kapaki-pakinabang sa kapwa.
Papasok ang mga “kontrabida” na laging napapanood sa TV. Ang mga “pakialamerang” kapitbahay na binigyan ng kahulugan ang pagkakaibigan nina Dennis at Marian. Halos mapatay si Marian ng kanyang asawa, nang iparating sa kanya ng makakating-dila ang hinala nila tungkol kina Marian at Dennis.
Aakyat sa mataas na lebel si Marian sa proyektong ito. Kung sinadya ng APT Film na tuklasin ang isa pang talent ni Marian sa pamamagitan ng pagtatambal nila sa dalaga sa premyadong actor na si Dennis, dapat lamang na abangan.
NANGHIHINAYANG SINA VICTOR Wood, Claire dela Fuente at Eva Eugenio (dating Jukebox King and Queens dahil hindi nila nakasama si Mega Sharon Cuneta sa taping nila ng Sharon noong Lunes. Ganu’n din sina Bugoy, Sheryn Regis, comedian Hans (Pooh’s tandem) sa Make Me Laugh episode, lalong-lalo na sina Sam Milby, Angel Locsin, Diether Ocampo. Pero, may malaking sorpresang inihahanda naman ang megastar para sa kanila sa Linggo.
by Chit Ramos