NASA KASAGSAGAN NG shooting ng kanilang balik-tambalang movie sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, ang You To Me Are Everything, isang bagong romantic-comedy mula sa GMA Films at Regal Entertainment, directed by Mark Reyes mula sa script ni Aloy Adlawan.
Dito sa Manila ay nakakailang shooting days na ang sikat na loveteam, at kahit na Holy Week na next week ay work pa rin sina Dong at Marian. Sa Benguet, at hindi sa Baguio (tulad ng napabalita) ang shoot nila nang tatlong araw, March 29 to 31 (Holy Monday to Holy Wednesay).
Dahil kumalat na ang tsika sa Benguet na doon magsu-shoot sina Dingdong at Marian ng kanilang movie, eh, inaabangan na sila ng maraming fans doon.
Romantic scenes nga raw kasi ang kukunan sa Benguet at siyempre, ang lugar na iyon sa North side of the country ang magiging saksi sa romansa ng dalawa!
Sa online sites naman ay ramdam ang excitement ng solid Dongyan fans dahil sila mismo ang gumagawa ng threads at fan pages ng You To Me Are Everything at inuulan ito ng nananabik na comments ng fans na gustong muling makita ang kanilang fave na loveteam sa big screen.
Kasama rin sa pelikula sina Bobby Andrews, Manilyn Reynes, Pinky Amador, at ang Brazilian model na si Fabio Ide. May 5 na ang target showing ng pelikula, at hangad lang talaga ng fans na mas maging agresibo ang GMA sa bonggang trailer at teaser support sa network.
For us, malahaga ang network support, lalo na’t co-producer naman ng Regal ang GMA Films. Hindi lamang ang TV guestings or interviews ng mga bida, kundi ang mismong mga trailer nito. Not comparing, pero ang Star Cinema, bugbog-sarado ang trailer ng kanilang movies kaya’t pumapatok ito sa box-office dahil iba pa rin ang TV exposure.
Loyalista namang mga Kapuso sina Marian at Dong, they certainly deserve the full blast trailers na puwede nilang makuha from their mother studio.
DAHIL SA PAGPATOK ng Kimmy Dora ni Eugene Domingo sa box-office last year (na ang puhunan ay more than 20 million pero kumita ito ng mga 70 million in its more than a month showing), eh, naengganyo ang movie producers na gumawa ng comedy films this year.
Ayaw na ngang paawat ni Eugene dahil dire-diretso ang paggawa nito ng comedy flicks, at sa iba’t ibang film companies ‘yun, mind you.
Kung tama ang aming memory, ang Viva Films ang isa sa mga naunang nakaisip na mag-produce ng launching vehicle ni Uge sa pelikula, to be directed by Wenn Deramas, pero may ‘di lang naayos na detalye, kaya na-oo-han niya agad ang halos magkasabay na offer ng Spring Films nina Piolo Pascual, kaya isinilang ang Kimmy Dora. Sa husay ni Uge sa movie, blockbuster ito, kahit walang masyadong TV teaser nu’ng simula dahil lumalaki na nga masyado ang budget habang nagsu-shooting pa lang sila noon, pero dahil sa word of mouth (malaki ang tulong ng online sites), naging talk of the town ang movie nu’ng nagbukas ito nu’ng first week of September.
Now, ‘eto na si Uge sa Working Girls ng Viva, GMA Films at Unitel Pictures, kasama sina Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Jennylyn Mercado, Bianca King, at Iza Calzado, written, line-produced, and directed by Jose Javier Reyes.
Classic comedy na rin ang Working Girls ng National Artist na si Ishmael Bernal na 25 years ago na pala ang nakakalipas nang pumatok rin ito sa moviegoers noong 1980s.
Napanood namin ang buong trailer ng Joey Reyes version at aliw ang line ni Ruffa nang sinabihan siya ng ka-dialog nito na lilipat na siya (or her company) sa Angono, Rizal. Say ng hitad: “Angono? May Starbucks ba do’n?”
Mellow Thoughts
by Mell Navarro