MAS BLOOMING pa at talagang refreshing ang aura ni Marian Rivera sa ngayon. Bakit naman hindi. Lahat kasi ay nasa kanya na. Bonggang career, masayang lovelife, at financial stability. Ano pa nga ba ang mahihiling niya kapag gano’ng kumpleto na lahat ang mga pinapangarap at gusto niya sa buhay.
“Eh, gano’n talaga ang nagagawa ng prayers!” nangiting reaksiyon ni Marian nang makausap namin sa Party Pilipinas. “At saka kapag masaya ka, talagang wala nang kapantay iyon. Oo.”
Excited daw siya na may pelikula raw siyang nakatakdang gawin ng co-host niya sa Extra Challenge na si Richard Gutierrrez.
“Sana makaabot ng Valentine’s day next year ‘yong showing nito. Pero hindi pa kami nagsisimula dahil ‘yong schedule ko sa Temptation, medyo naghahabol din kami, eh. Pero sana, makapag-shoot na kami soon. Excited na kasi ako to do a movie again with Richard. Tentative title nito… My Lady Boss. Matagal din kaming hindi nagkatrabaho ni Richard. Hanggang heto, nagkasama kami sa pagbabalik ng Extra Challenge. So, nagkaroon ulit kami ng bonding. At ang maganda niyan, kasi may bonding kami sa Extra Challenge. Tapos magmu-movie kami. Hindi na mahirap mag-adjust for us na magka-partner ulit kami sa pelikula. At saka magaang katrabaho kasi si Chard, eh. Oo.”
Mahirap ang ginagawa nila ni Richard sa Extra Challenge. Sobrang nakapapagod. Saan pa siya humuhugot ng energy para sa iba pa niyang commitments gaya nga ng paspasan ding taping for Temptation of Wife?
“Naniniwala kasi ako na kapag gusto mo ang ginagawa mo at nag-i-enjoy ka, walang pagud-pagod. Kahit magalus-galusan ka pa d’yan, okey lang ‘yan.”
‘Yong role niya sa Temptation of Wife, sinasabing kakaiba talaga kumpara sa mga papel na nagampanan na niya in the past. Masyado kasing weak ang character niyang ito na kayang tiisin lahat ng pang-aapi, pati pangloloko at pagtataksil ng asawa to the point na kayang magbulag-bulagan at magpakatanga.
“Oo nga, e. Ay, hintayin nila. Malapit nang maiba ang drama ko dahil maghihiganti na ako sa kanila,” sa mga karakter na nang-aapi sa kanya ang ibig niyang sabihin.
‘Yong character niya bilang si Angeline, extreme opposite ng kung ano talaga siya sa totoong buhay na matapang at palaban.
“Ah, siguro hindi ko gagamitin ‘yong palaban na term. Kasi siguro mas pipiliin ko… alam ko kung nasaan ako, sa lugar ko. Ngayon, wala naman sigurong masama na mag-react lalo na kung tama ka. Pero huwag ‘yong term na palaban.”
Sa mga kahinaan ng character ni Angeline, ano ang talagang hindi niya ma-imagine na mapapasakanya in real life?
“Buong Angeline, mahirap siya, eh. Mabigat ‘yong character. Iyakin siya. At matiisin talaga siya. Lalo na harap-harapan na siyang niloloko, okey pa rin. As long as love niya si Marcel.”
Pero siya ba, sa totoong buhay, pupuwedeng kayanin niya na okey lang kung lokohin siya dahil sa sobrang pagmamahal?
“Ay, hindi. Wala naman sigurong taong gustong lokohin ng partner niya, hindi ba?”
Pero may ibang handang magtiis at magpakamartir alang-alang sa pag-ibig?
“Sila ‘yon!” sabay halakhak ni Marian. “Sila ‘yon. At saka ano, masaya ako sa buhay ko ngayon, mapa-career man. Mapa-lovelife. Mapa-family. Ang saya, eh. Ang saya-saya lang. Power of prayers talaga.”
May initial plans na siya sa parating na Kapaskuhan?
“This Christmas, parang mag-u-overlap kami ng taping ng Temptation. Tapos may Extra Challenge pa ako. Parang ang bakasyon ko lang yata… December 23, 24, 25. Sa 26 back to work na ako. Kahit sa December 30, may taping pa rin ako.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan