SUMUSUPORTA ang Kapuso actress na si Marian Rivera sa mga local brands na katulad din ng ini-endorse niyang mga produkto ng Beautederm Home na mga locally made.
Ayon kay Marian, ibinenta na niya ang kanyang mga branded na damit at gamit at wala na raw siyang itinira pa.
“Wala na siya, binenta ko at binili ko ng mga katutubong damit. Namulat ang mata ko nung inendorso ko ang Kultura at nakita ko kung gaano kaganda at ang galing ng Pinoy sa paggawa talaga ng iba’t ibang klaseng produkto.
“Siguro dumarating talaga sa pagkakataon na ang tao nahihilig sa ganun at kapag may konti kang pambili nabubulag ka sa mga ganung pagkakataon. Iniisip ko sa sarili ko na bakit hindi ako magsuot ng isang bagay na alam kong makakatulong ako sa ikauunlad ng Pilipinas kahit sa maliit kong pamamaraan.
“Siguro ang pagsusuot ko ng local ay way na rin of showing na sinusuportahan ko sila. Pati mga anak ko local na rin (ang sinusuot),” pagtatapat pa niya.
Teka lang, naimpluwensyahan din kaya ni Marian ang Beautederm CEO na si Rhea Tan? Sa posts kasi ni Rhea sa kanyang Facebook account ay idinispose na rin niya ang kanyang mga branded bags and shoes.
Samantala, masaya si Marian na finally ay nagkaayos na sila ng dating manager at discoverer na si Popoy Caritativo.
“Well, siguro tama yung sinabi niya sa Instagram na meron talagang pagkakataon na kailangan mo talagang ipagpaliban na panahon para mag-heal ang mga sugat na nasaktan. Hindi ko na ii-elaborate si Popoy kasi siyempre hindi naman ako nakipagbati para alam mo yon…
“Basta mahal ko siya mula noon hanggang ngayon at kung nasaan man ako ngayon at utang na loob ko yon sa kanya. At ang utang na loob na ito ay tatanawin ko hanggang nabubuhay ako,” pahayag niya.