MISTULANG PARANG inamin na rin ni Marian Rivera na kasal na sila ni Dingdong Dante nang tanggapin niya ang 1st Gintong Palad Awards trophy kamakalawa sa One Esplanade dahil sa ginagawa nilang pagtulong ni Dong sa mga kababayan natin noon at hanggang ngayon.
Sa speech kasi ni Marian, buong pagmamalaki at pinagdiinan sa harap ng kapwa awardee ng Gintong Palad Awards na, “Buong buhay ko ay inialay ko na kay Dingdong. Para sa aking “kabiyak”.” Na naging dahilan tuloy ng sigawan sa loob ng Esplanade.
Aside kay Marian, binigyan din ng parangal ng 1st Movie Writers Welfare Foundation Gintong Palad Awards sina Angel Locsin, Robin Padilla, Jolina Magdangal, Wilson Tieng, Ricky Reyes, atbp.
Sayang nga lang at hindi magkatabi sa upuan sina Marian at Angel dahil nakatabi ng huli sina Gov.ER Ejercito at Robin Padilla. Sa kabilang hanay nakaupo ang dyowa ni Dingdong.
Sa gagawa ng intriga, ngayon pa lang ay gusto ko nang iklaro na walang naganap na isnaban kina Marian at Angel. Kung nagkataon na magkatabi pa nga ang dalawa ay sigurado kaming magtsi-tsikahan ang dalawa dahil kapwa masaya at maaliwas ang mukha ng dalawa.
Samantalang marami ang nagtanong at nagtaka nang dumating kasi si Robin sa Gintong Palad Awards ay naka-uniform ito ng Navy na akala namin ay galing ng shooting.
Nalinawan lang ang lahat nang sa speech ni Binoe nang tanggapin ang special award dahil sa walang katapusan nitong pagtulong sa mga kababayan partikular ng kanyang mga kapatid sa pananampalataya.
Ayon kay Robin, suot niya ang uniform ng tagapagtanggol ng bansa para bigyang-parangal sa mga ginagawang pagtulong ng mga ito pagdating sa kagipitan tulad ng nangyaring bagyong Yolanda na maraming kababayan natin ang namatay.
“Kaya po ako nakasuot ng Navy, bilang pagsaludo at pasasalamat sa mga ginagawa nilang kabayanihan at pagtulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo.
“Nakalulungkot pa nito ay sila pa ang nasisisi samantalang sila nga ang dapat pasalamatan. Ang nasa itaas na namumuno dapat ang sisihin at hindi sila dahil sila ang nauunang nag-aalay ng kanilang serbisyo pagdating sa pagsagip at pagtulong sa mga nasalanta natin mga kababayan.
“Sa lahat po ng mga sundalo, Navy, Marine, at iba pa, saludo po ako sa inyo at kayo ang dapat bigyang-parangal,” pahayag ni Robin.
INABANGAN PALA ni Robin Padilla ang episode last Wednesday ng Adarna, first primetime fantaserye na pinagbibidahan ng kanyang anak na si Kylie Padilla pero nadismaya at nalungkot daw siya.
“Nadismaya naman ako. Inaabangan ko pa naman ang paglabas ko pero wala naman. Pero thankful ako sa GMA-7, dahil matagal nang inaasam ng anak ko na magkaroon ng isang project na tulad ng Adarna. Seven years old pa lang si Kylie, gusto niyang lumabas na isang taong ibon at ito nga ay natupad sa Adarna,” say pa ni Robin.
Pumayag kasi si Robin na magkaroon ng cameo role sa Adarna bilang ama ni Kylie. Nagtaping na siya pero hindi nga nagawang ilabas sa episode last Wednesday at ilalabas naman daw sa susunod na araw.
Hindi nakasama ni Robin si Mariel Rodriguez nang tanggapin nito ang kanyang trophy sa Gintong Palad Awards dahil nakatakda magpunta ng Cebu ang kanyang misis that day.
Ayon kay Binoe, kasama niya si Mariel nang araw na ‘yun pero naka-schedule ng 11 pm ang flight nito papuntang Cebu kaya hinatid niya ito sa airport bago nagpunta ng awards night.
“Sa Bisaya siya (Mariel) pupunta at ako naman sa Mindanao para maiparating naming mag-asawa ang tulong,” say pa ni Robin.
Samantala, kinumpirma ng manager ni Robin na si Betchay na mananatiling Kapamilya ang sikat na action star. Hindi raw ito aalis sa ABS-CBN.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo