NAGPAPASALAMAT PALA ang buong staff ng Carmela kay Bulacan Vice-Governor Daniel Fernando dahil tinulungan silang maipa-blotter ang mga taong lasing na nanggulo sa taping nila sa isang bar sa Malolos nu’ng nakaraang Biyernes ng gabi.
Mabuti nga at walang nadamay na mga artista. Pero kawawa naman ang lighting director ng drama series na ito ni Marian Rivera dahil pinagtulungan siyang saktan ng tatlong taong lasing na ‘yun.
Nagpipilit daw silang pumasok sa bar na ‘yun na sarado dahil magti-taping nga roon ang Carmela.
Pinakiusapan daw sila nu’ng lighting director na bumalik na lang kinabukasan dahil nagti-taping nga sila, pero naghamon pa sila ng suntukan.
Siyempre tatlo ang nanuntok sa ‘yo paano mo nga naman matalo ‘yun?
Pati nga raw si Direk Dom Zapata ay nakatikim din ng sapak sa isa sa mga nanggulong ‘yun, kaya humingi na sila ng tulong.
In fairness kay Marian, hindi siya nagpabaya, ha?! Talagang pinuntahan niya ‘yung lighting director nila para i-check kung okay ito.
Itinatago pa naman sila ng mga staff at baka lalong pag-initan kung makakita sila ng mga artista.
Kaya nag-decide na raw ang production staff na i-pack-up ang taping at pinauwi na ang mga artista, para hindi na sila madamay sa gulo. Pero hindi talaga sila umalis hangga’t hindi sila naayos.
Natigil na ang mga taong ito nang ipinarating na nila kay Vice-Gov. Daniel Fernando at nu’ng dumating na ang crew ng GMA news.
Pareho yata silang nagpa-blotter, pero ipinarating na ito ng mga nasaktan sa Camp Crame dahil mukhang may kaya raw itong mga taong nanggulo sa kanila.
Kaya siguro, hind na muna sila magti-taping doon at baka mapag-initan.
In fairness kay Marian, lumalabas talaga ang pagka-Cavitena niya at hindi ito natakot na samahan ang mga katrabaho niya sa Carmela.
Siyanga pala, naging close na sina Dra. Vicki Belo at Marian nang kinuha itong endorser ng Belo Beauty. Hindi lang siya endorser lang kundi kaibigan na rin, at sa pagiging matapang at palaban ni Marian, I’m sure ipagtatanggol niya si Dra. Belo kapag nahaharap ito sa intriga.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis