LUMALAKI NA ITONG isyu ng National Artist Awards na dati’y wala naman ito sa kamalayan ng masa.
Ngayon, biglang na-curious ang karamihan kung ano ba talaga itong National Artist at ano ang batayan ng pagpili dito.
Marami ang kumukuwestiyon sa pagkapili kay Cecile Guidote-Alvarez dahil bahagi siya ng NCCA na National Commision for Culture and Arts kaya delikadesa na lang daw sana, in-out na lang muna niya ang sarili niya.
Tinira din nang husto si Carlo J. Caparas dahil sa napasama siya sa listahan ng mga National Artist na paparangalan.
Nagkaroon ng rally nu’ng nakaraang Biyernes, sinagot naman ng presscon ng NCCA.
Nu’ng Sabado, guest namin ang mag-asawang Carlo Caparas at Donna Villa at maayos nilang sinagot ang mga pambabatikos sa kanila.
In fairness naman kay direk Carlo J. Caparas, hindi niya ito hiningi. Hindi naman siya nagpalapad ng papel kay Pres. GMA para piliin siyang National Artist. Nagtatrabaho lang daw siya nang maayos at marami naman ang naniniwalang karapat-dapat siya sa parangal na ito.
Sabi nga ni Donna, nu’ng may mga napili noon na National Artist, wala naman silang tutol at natutuwa pa nga sila. Bakit hindi na lang daw sila matuwa ngayon para sa asawa niya?
Basta sabi ni direk Carlo J, kahit ano pang sabihin nila, tatanggapin nito ang naturang award dahil ibinigay ito sa kanya. Malaking insulto naman daw sa presidente kung tatanggihan niya ito dahil lang sa reklamo ng mga sinasabi niyang elitista.
Tama na raw na sinagot niya ang mga paninira nitong mga kumukontra sa kanya. Pagkakaabalahan na lang daw niya ngayon ang sarili niya sa pelikulang tinatapos niya, ang trilogy na Sa Ngalan ng Busabos, Hawak Kita, Hawak Mo at Hiwaga ni Lolo Hugo.
MAMAYANG GABI NA magsisimula ang Darna at malaki ang expectations ng karamihan sa bagong fantaseryeng ito ng GMA-7 dahil Marian Rivera pa naman ito. Kung titingnan n’yo ang trailer nito, talagang pinaghandaan nang husto.
Bongga rin ang itatapat ng ABS-CBN 2 sa pagsisimula ng Darna, pero malaki ang kumpiyansa kong wagi ito dahil marami na ang nag-aabang kung kaya ba ni Marian ang sikat na heroine na ito.
Nagkita nga sina Marian at Gov. Vilma Santos sa burol ng dating Pangulong Cory Aquino, at nag-wish ng good luck si Gov. Vi kay Marian. Natuwa naman ang bagong Darna pero siyempre nakakadagdag pressure sa kanya kung tatangkilikin ito ng mga manonood.
Basta sabi na lang ni Marian, ibinuhos na nila ang lahat para mapaganda lang itong bagong Darna kaya sana maganda naman ang resulta nito.
Bukod kay Marian, matindi rin ang mga makakalaban nito at mukhang kinakarir din nang husto ng mga kontrabida na sina Ehra Madrigal bilang Babaeng Lawin, Francine Prieto bilang Babaeng Tuod, Maggie Wilson bilang Babaeng Linta, Nadine Samonte bilang Babaeng Impakta at siyempre ang sikat na si Valentina na si Iwa Moto. Pero ang pinakahari ng mga kontrabida dito ay si Paolo Contis bilang si Kobra na ama ni Valentina.
Abangan n’yo mamaya pagkatapos ng 24 Oras.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis