TOTOO KAYA ang nakarating sa aming balita na nagtaray raw si Marian Rivera sa isang nagtitinda ng relo sa isang sikat na mall sa bansa.
Ang siste raw, bumili ng relo si Marian at habang pinapaliwanag daw ng nagtitinda ng nasabing expensive watch kung paano i-operate ang relo, hindi raw nakikinig ang GMA star at nagmamadaling binayaran ang relo at umalis sa shop ng relo.
Nagulat na lang daw ang mga staff ng tindahan ng relo ng biglang dumating si Marian at galit na galit na tinalakan ang naturang mga staff sabay sabing, “Ang mahal-mahal ng relo n’yo, hindi naman gumagana! Nasaan ang manager n’yo gusto kong makausap!” Walang pakundangang pagtataray raw nito na hindi inaakala na ang taong tinatalakan niya ay ang manager na pala ng nasabing bilihan ng relo, na mahinahon at may respetong nagtanong naman ng, “Ano po ba ma’am ang problema ng relo na binili n’yo sa amin?”
Na sinagot naman daw ng galit na galit na actress. “Hindi gumagana ‘yung relo na binili ko! Ang mahal-mahal ng pagkabili ko, sira naman!”
Kaya naman kaagad-agad na kinuha ito ng naturang manager at tiningnan ang relo at may pinindot lang at gumana kaagad, sabay sabing, “Ito lang po ma’am ang pipindutin, para gumana ‘yung relo.” Sabay bigay kay Marian.
Bigla raw nag-iba ang ihip ng hangin at nawala ang pagiging mataray ng GMA star na marahil ay napahiya sa kanyang inasal. Kaya naman pagkakuha na pagkakuha nito ng biniling relo ay mabilis itong umalis na hindi man lamang humingi ng dispensa sa kanyang ginawang pananalak sa mga staff at manager ng watch store.
MARAMING HUMANGA sa acting ng Star Magic talent na si Benjamin De Guzman na dating member ng defunct group na Gigger Boys na kinabibilangan nina Sam Concepcion, Enchong Dee, Robi Domingo, Enrique Gil at Arron Villaflor sa katatapos na Mother’s Day offering ng Maalaala Mo Kaya na pinagbidahan ni Rica Peralejo na may titulong ‘Drawing’ na ipinalabas noong May 11.
Ginampanan ni Benjamin ang anak na panganay ni Rica. Hindi nga nagpatalbog pagdating sa acting ang ABS-CBN young actor dahil sa bawat eksenang magkasama sila ni Rica, bigay na bigay pagdating sa aktingan ang young actor.
Mabigyan nga lang daw ito ng magagandang proyekto ng ABS-CBN, pupuwede na itong ihanay sa kanyang co-Gigger Boys na may kanya-kanya nang malalaking proyekto. Bukod sa galing sa pag-arte, mahusay ring sumayaw, kumanta at mag-host si Benjamin na may travel show sa TFC.
HINDI LANG sa Canada patok ang tambalang John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo, dahil kahit sa iba’t ibang sulok ng Amerika ay mabenta ang dalawa.
Katunayan nga, nang mapadapo kami sa Seattle, USA, kung saan nagtatrabaho bilang supervisor ang kababayan nating sa Utah na naninirahan na si Mr. Rodrigo Navarro na nagpahayag na, “Click na click ‘yung pelikula rito ni John Lloyd at Sarah, maraming mga taong nanonood! Pati nga ‘yung asawa kong puti, gustung-gusto niya si John Lloyd, lahat yata ng soap ni John Lloyd napanood na niya. Gusto ngang umuwi ng Pilipinas para makita at mapanood nang personal si John Lloyd. Kaya nga nagpaplano kaming umuwi at isa sa itinerary namin ang manood ng ASAP para makita si John Lloyd ng misis ko.”
At kahit nga sa Los Angeles California USA ay hit din ang tambalan ni John Loyd at Sarah Geronimo. Tsika nga ni Ms. Marcie Lagazon Calderon na matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa USA, “Sobrang galing kasing umarte ni John Lloyd, tapos bagay na bagay sila ni Sarah. Kinikilig kami sa kanila, kaya nga nu’ng ipinalabas ‘yung pelikula nila rito, nanood talaga kami. Sana nga mag-show silang dalawa rito. Siguradong papatok at maraming manonood, kahit magkano pa ang ticket nila, maraming manonood.”
Bukod kina Sarah at John Lloyd, sikat din sa Amerika sina Ryzza Mae Dizon, Coco Martin, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Vice Ganda at German Moreno, dahil lagi raw silang nanonood ng Walang Tulugan with the Master Showman.
John’s Point
by John Fontanilla