SA DAMI NG mga negatibong sinasabi at nasusulat tungkol kay Marian Rivera, nakatutuwang isipin na hindi naman siya nagpapaapekto sa mga pang-iintriga sa kanya. Malalaman na lang kung affected siya, kapag nangyari na habang sumasagot at nagpapaliwanag siya tungkol sa isyu ay umiiyak siya. Pero kung wala naman siyang paki, tinatawanan lang niya ang mga pang-iintriga sa kanya. kaya naman lalo siyang kinaiinisan ng mga kontra sa kanya.
Katulad na lamang nitong huli, pinagdududahan ang sincerity ni Marian sa kanyang naging pagdalaw sa hospital nu’ng manganib ang buhay ng child actor na si Buboy Villar dahil sa sakit na dengue. Sikat na sikat daw kasi ang bagets dahil sa kanyang kahusayan sa pag-arte, kaya nagpakitang-gilas ang girlfriend ni Dingdong Dantes, at sinamantala ang pagkakataon na mayroong TV crew ng GMA-7 para buong-ningning na maipakita kuno na bait-baitan siya.
Unfair din naman iyon kay Marian, dahil nasa plano na rin naman niya talaga na dalawin at tulungan ang pamilya ni Buboy tungkol sa pangangailangan sa kanyang pagpapagamot, lalo pa nga’t pati na ang isa pang kapatid ng child actor ay napasabay ring dinapuan ng dengue.
Nagparamdam na rin kasi ang pamilya ni Buboy, na dahil sa laki ng kanilang gagastusin sa hospital, kailangan na rin nila ng tulong pinansiyal. Kaya lalong nagbigay ng panahon niya si Marian para sa kaibigang nagka-dengue.
Ito ang isa sa kapuri-puring ginawa ni Marian. Kasi, sa totoo lang, sobrang natakot na si Buboy sa kanyang buhay nu’ng nakaratay siya sa hospital. Habang may sakit, gusto pa rin niyang magtrabaho, dahil siya na ang tumatayong breadwinner ng kanilang pamilya.
Down na down ang bagets, pero nang malaman niyang dadalawin siya ni Marian ay nabuhayan ng loob ang damdaming-bata niya, dahil parang ate na ang turing niya kay Marian. Gumanti lang naman ang magandang aktres, dahil napakalaki ng naging suporta sa kanya ng bibong pag-arte ni Buboy sa mga pinagbidahan niyang teleserye, gaya ng Dyesebel at Darna.
NAGWAKAS NA NGA ang pinagbidahang teleserye ni Andi Eigenmann, ang Agua Bendita sa ABS-CBN, kung saan masasabing isang malaking tagumpay ito para sa Kapamilya network. Dahil hindi lumaylay ang rating ng nasabing palabas, mula sa paglabas ng child star na gumanap na bida, hanggang sa magdalaga na nga siya, na ginampanan ng anak ni Jaclyn Jose. Nakalikha na naman ang Dos ng bagong artista, dahil sikat na sikat ngayon ang pamangkin ni Cherie Gil.
Wala pang bagong teleserye na ipinangangalandakan ang ABS na muling pagbibidahan si Andi. Pero pinaplanong bigyan siya ng isa pang matinding project.
Habang nagpapahinga muna siya sa telebisyon, hindi naman siya mababakante. Habang showing pa rin ang kanyang first movie, ang Mamarazzi ni Eugene Domingo, may dalawa pa siyang pelikulang gagawin, una ay ang movie na ilalahok sa darating na Metro Manila Film Festival-Philippines, at makakasama rin siya sa remake ng pelikulang Temptation Island ng Regal Films.
Habang nasa plano pa lang ng ABS ang bagong teleserye ni Andi, maraming suhestiyon ang natatanggap ng network, na dapat ay fantasy ulit ang pagbidahan ng magandang young actress. Pasok sana kung magkaroon ng remake ang teleseryeng Marina na pinagbidahan noon ni Claudine Barretto. Mukha kasing sirena ang anak ni Mark Gil, dahil hindi nakakasawang pagmasdan ang kagandahan ng kanyang mukha.
Ang malaking problema lang, kung magiging sirena siya sa teleserye, baka hindi na pumayag si Jaclyn. Kasi, kung mermaid ang gagampanan ni Andi ay sa tubig na naman siya maglalagi. Nagkaroon na kasi dati ng problema sa pagbibida niya sa huli niyang teleserye, dahil nabababad siya sa tubig, na nagiging dahilan ng madalas niyang pagkakasakit. Hindi kill joy si Jaclyn para sa tuluyang pagsikat ng kanyang anak. Kaya lang, bilang mommy, mas gugustuhin pa niya na siya ang magsipag na magtrabaho, kesa naman makita lagi ang kanyang anak na nagkakasakit dahil sa pag-aartista nito.
ChorBA!
by Melchor Bautista