LUTANG NA lutang ang ganda ni Marian Rivera nang dumalo siya sa 27th PMPC Star Awards For Television na ginanap noong November 24 sa AFP Theater. Siya ang nanalong Best Drama Actress para sa pinagbidahan niyang primetime series ng GMA 7 na Temptation Of Wife.
Ang iba pang nominado para sa nasabing kategorya ay sina Carla Abellana (My Husband’s Lover), Janice de Belen (Ina, Kapatid, Anak), Jodi Sta. Maria (Be Careful With My Heart), Judy Anne Santos (Huwag Ka Lang Mawawala), Kim Chiu (Ina, Kapatid, Anak), Maja Salvador (Ina, Kapatid, Anak), at Nora Aunor (Never Say Goodbye).
Bago tawagin ang winner, hindi umano kaba kundi excitement ang mas nangibabaw kay Marian.
“Siyempre sa mga ganitong pagkakataon eh, mas do’n ako sa nai-excite ako,” sabi nga niya nang makausap namin after the awards night.
Pangalawang beses nang manalo ng acting award ni Marian. Ang una ay sa Silver Screen Awards For TV sa Entertainment Press Society last year para sa mahusay rin niyang pagganap sa epic seryeng Amaya na pinagbidahan din niya sa GMA 7.
Masarap daw sa pakiramdam kapag sa pinaghihirapang trabaho ay may nagiging magandang bunga gaya nga ng natatanggap niyang recognition ngayon para sa kanyang husay as an actress.
“Actually lahat naman ng artista eh, pinaghihirapan ang trabaho nila. Sa lahat po ng pagod ng mga artista, napapawi iyon kapag nakatatanggap ng mga ganitong karangalan.”
Wala si Dingdong Dantes para maging escort niya sa Star Awards For TV. Nasa Macau kasi ito at nananood ng katatapos na laban doon ni Manny Pacquiao laban kay Rios. Pero bago ang awards night, nagkausap naman daw sila ng aktor.
“Sabi niya goodluck. Siyempre nando’n siya kay Kuya Manny ngayon na… nanalo tayo! Kaya ang saya-saya ko rin.”
‘Yun na!
SI KC Concepcion ang nanalong Best Drama Supporting Actress sa 27th PMPC Star Awards For Television na ginanap sa AFP Theater kagabi, Sunday, November 24. First acting award niya ito para sa unang pagganap din niya sa role na medyo may pagka-kontrabida sa Huwag Ka Lang Mawawala kung saan pangunahing tampok si Judy Ann Santos.
Masaya raw siya sa natanggap niyang recognition na ito. Noong bata pa siya, binibitbit lang daw siya ng Mom niyang si Sharon Cuneta sa mga taping o shooting nito. Naging inspirasyon daw niya ang Megastar nang naengganyo siyang pumasok na rin sa pag-aartista.
“Ngayon, may award na rin ako!” masiglang sabi ni KC. “Siguro minsan, nasa dugo po talaga ang pag-aartista. But I’d like to thank everyone who helped me sa aking craft bilang isang aktres.
“Sa lahat ng mga naging director ko, ito ang pagkakataon ko na pasalamatan sila. And also my Mom. My family. At si Ate Juday,” banggit din niya kay Judy Ann Santos na naging co-star niya sa nasabing primetime series ng ABS-CBN. “Na tinuruan niya akong maging mabuting tao. Mabuting artist. Big sister ko po siya. Parte na po siya ng pamilya ko.”
“Parang kahapon lang, kinakabahan ako na sampalin siya sa eksena,” tawa pa niya. “Pero nagawa ko dahil she believes in me more than I believe in myself.”
Abut-abot din ang pasasalamat ni KC sa ABS-CBN at sa lahat ng bumubuo ng production team ng Huwag Ka Lang Mawawala.
“Natutuwa ako sa one hundred percent na suporta nila sa akin. So, thank you for creating a character na hindi ko ever iniisip na magagampanan ko sa buong buhay ko. First time kong ma-nominate for an acting award. Tapos nanalo ako. That’s why this is so special.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan