IPINOST LANG namin sa Instagram account ang 6th Bridal Shower ni Marian Rivera ay ang dami nang nag-react.
Bakit daw anim na? Ba’t daw ang dami-dami? Ilan daw ba dapat ang bridal shower ng ikakasal? At bakit araw-araw na lang na hindi pa ikinakasal sila eh, halos araw-araw may okasyon?
Siyempre, to the rescue naman ang nakaiintindi at may malawak na pang-unawa.
“Ano ba’ng pakialam n’yo? Pera n’yo ba ang ginagastos sa bridal shower? Eh, sa gusto siyang bigyan ng mga kaibigan nila ni Dingdong Dantes, ano’ng magagawa n’yo?”
Me nagsabi pa ng, “Can’t you just be happy for the both of them?”
At ‘yung isang comment na nabasa namin sa isang site, ang sabi, “Wala kayong karapatang umepal dahil unang-una, hindi n’yo pera ang ginagastos sa bridal shower.
“Kung naiinggit kayo, magpa-bridal shower din kayo at walang makikialam sa inyo. Kanya-kanyang trip ‘yan, kaya walang basagan ng trip!”
Bridal shower kasi ‘yon ng Belo Medical Group kay Marian para naman sa ilang piling-piling kaibigan sa press.
Kung last time ay si Karylle ang binigyan ng Belo Bridal Shower, this time naman ay si Marian na loyal endorser din ng Belo at gift din ‘yon ng kanilang Ninang Vicki Belo.
And at the same time, gusto ring i-promote ni Marian na sa lahat ng soon-to-be bride ay bonggang i-avail ang Belo
Bridal Collection para gawin silang pinakamagandang bride.
Kaya sa mga umeepal, wish na lang Dingdong and Marian the best sa kanilang next chapter in life.
Wag nang bitter.
Ang ampalaya, kinakain. Hindi inuugali.
KAHIT TAYO’Y natetensyon na rito sa bagyong Ruby, ‘yung iba nama’y bising-busy sa paghahanda sa Kapaskuhan.
At sa mga ganitong pagkakataon ay hindi malakas ang mga sinehan dahil nga sa Christmas rush.
Pero ayaw patinag ng pelikulang #Y, dahil sa December 10 na ang showing nito sa may treinta ring sinehan.
Ito ang pelikulang produkto ng Cinemalaya na napanood na namin at masasabi naming one of the best sa nakaraang taunang film festival.
Mahusay na direktor itong si Gino Santos at maging ang kanyang mga artistang sina Elmo Magalona, Slater Young, Sophie Albert, Coleen Garcia and Chynna Hortaleza ay napaarte niya nang totoo.
Kuwento itong #Y ng mga kasalukuyang estado ng ilang mayayamang bagets na hindi nagugutom o kumakalam ang sikmura pero biktima ng depression o maling barkada o kawalan ng time ng mga busy parents.
Medyo na-shock lang kami rito sa ending at kayo na ang humusga kung gusto n’yo ‘yung ending or maiintindihan n’yong ganon kasi ang mga kabataan.
O dapat happy ending dahil ‘yun ang inaasahan n’yo sa mga pelikulang napapanood natin.
You be the judge.
Oh My G!
by Ogie Diaz