SA PAGTATAPOS ng pinagbibidahan niyang primetime series na Carmela, may bagong project kaagad si Marian Rivera sa GMA. Ito ay ang Marian na isang dance show naman.
“Pinag-uusapan nga namin… kailangang makapag-rehearsal na ako at makapag-taping this month,” sabi ng Kapuso Primetime Queen.
Sino naman kaya ang gugustuhin niyang maka- showdown sa kanyang dance show?
“Siyempre, uhmm… si Ate Vi (Vilma Santos), si Ms. Maricel Soriano, and Alma Moreno. Nangangarap na rin lamang ako, e gusto ko silang makasama sa stage talaga at sumayaw kami. ‘Yong showdown talaga. Sana… pumayag sila,” nangiting sabi pa ni Marian.
Magaling siyang sumayaw. Pinaghahandaan pa ba niya ang kanyang gagawing dance show?
“Siyempre naman. Sa bawat ginagawa ko, kahit soap opera ‘yan, dance show pa ‘yan, dapat… naniniwala ako na ang isang artista may assignment na dapat pagbutihin niya at i-improve pa niyang lalo ang sarili niya.”
Ano ang preparasyon ang ginagawa niya? “Matinding rehearsals. Buwis-buhay ito!” biro niya.
May mga lifting at kung anu-ano pang matitinding dance moves? “Hindi puwedeng mawala! Hahaha!”
Magsusuot din siya ng tangga? “Bakit hindi? Kakayanin ko! Hahaha! Lahat ng genre ng sayaw, sana magawa. Iyon ‘yong pangarap ko. Walang makapapantay sa nagawa ni Ate Vi noon sa Vilma, ni Alma Moreo sa Loveli-Ness, o ng Diamond Star na si Ms. Maricel Soriano. Walang makatatalo sa mga ‘yan. Pero, a… hindi ko alam! Hahaha!
“Kasi siyempre, tinitingala natin ‘yan. Kumbaga ako… tinitingala ko sila bilang magagaling sumayaw. Siyempre, iba rin naman ‘yong atake ko sa pagsasayaw. Sila ang mga inspirasyon ko para pagbutihin ko ang pagsasayaw ko.
Marami akong gagawin sa dance show na ito na hindi ko pa nagagawa. Kasi dati ang nakikita nila sa akin, more on hiphop… mor on sexy dance. So this time, mas kakaiba. May ballroom… halo-halo siya. Iba-iba ang mga dance instructors o choreographers ko sa show. Depende sa kung anong konsepto ng sayaw namin ang dancers na magiging kasama ko sa pagsasayaw sa bawat episode.”
Hindi lang basta Dance Diva kundi Dance Goddess talaga ang magiging dating niya?
“Tingnan po natin! Pero alam mo, ang importante diyan sabi ko nga… sa bawat aspeto na ginagawa mo, ang mahalaga diyan ay masaya ka sa gagawin mo at excited ka. Kapag ‘yong dalawang ‘yon ang naging kombinasyon mo, maganda ang kalalabasan.”
Nitong May 17, nanumpa na ang boyfriend niyang si Dingdong Dantes bilang commissioner at large ng National Youth Comission. Paano niya gustong suportahan ang aktor kaugnay nito?
“Si Dong kasi, alam nating artista. Pero noon pa man kasi e, hindi naman lingid sa kaalaman natin na tumutulong talaga siya higit lalo sa mga kabataan. So nakakatuwa at nakaka-proud lang na… ‘eto na talaga. Nandito na siya. Nasa estilo na siya ng pagtulong na dire-diretso na. At naniniwala ako talaga, paulit-ulit kong sasabihin na… isa si Dong sa mga magagandang ehemplo na dapat tularan ng mga kabataan.”
Siya rin naman, magandang ehemplo ring masasabi dahil sa kanyang succees story. Bago siya naging artista ay sinikap muna niyang makatapos ng pag-aaral. Graduate si Marian ng kursong Psychology sa La Salle sa Dasmarinas, Cavite. Hindi lahat ng artista ay napapagtagumpayang makakuha ng college degree.
“Iyon ang sinasabi ko. Uhm… hindi rin naman ako papayagang mag-artista nina Mama at Papa kung hindi ako nakatapos ng pag-aaral ko. Kasi iyon ang usapan namin… makatapos muna ng pag-aaral, tapos kahit ano puwede mo nang gawin. Kasi iba pa in talaga ang may natapos.”
Anong memories no’ng estudyante pa lang siya ang minsan ay gusto niyang balikan?
“Marami. ‘Yong memorization… kasi ang hirap mag-memorize! Siyempre kapag ang course mo Psych (Psychology), ang dami talagang kailangang i-memorize at mga matatalinhagang medical terms. So… ayon!”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan