HINDI PA RAW sure kung sa Biyernes na ang balik dito sa bansa ni Manny Pacquiao dahil ini-enjoy daw muna nito ang moment nila ni Jinkee.
Ang dami kasing tsismis doon sa Amerika na apektado raw si Manny sa isyu nila ni Jinkee kaya hindi ito gaanong nakapag-concentrate sa nakaraang laban nila ni Juan Manuel Marquez.
Pero pinabulaanan ito ng mga nakabantay Roon kay Manny dahil okay naman daw ang mag-asawa at sobrang sweet na nga raw sila nu’ng pagkatapos ng laban.
Kaya as of presstime, hindi pa raw sure si Manny kung babalik na ba talaga siya rito sa BIyernes dahil gusto raw muna nitong magkaroon sila ng moment na mag-asawa.
Hindi na lang daw nila pinapansin ang mga intriga, basta ang importante masaya sila at okay na sila uli.
Sa totoo lang, kahit ano pang maglalabasang kuwento, hindi na dapat magpaapekto si Jinkee, ‘no! Siya naman talaga ang legal wife. Huwag na siya magpaapekto sa mga gustong agawin sa kanya si Manny. Nakikita namang ang pamilya pa rin ang mahalaga kay Pacman kaya magpakasaya na lang sila!
MALAKI ANG PASASALAMAT ni Maricel Soriano kay Mother Lily dahil binigyan ito ng pagkakataong makapagtrabaho uli sa gitna ng mga pinagdaanan nitong intriga.
Si Maricel nga ang bida sa Yesterday, Today and Tomorrow na isa sa mga entries ng Regal Films sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.
Wala raw silang problema sa shooting nito, pero umiiwas muna si Maria sa mga press na gustong mag-interview sa kanya.
Nu’ng pictorial nito nu’ng Linggo, humarap naman siya sa press pero iniiwasan nitong pag-usapan ang tungkol sa kaso nito sa dati niyang kasambahay at sa iba pang isyung kinasangkutan niya.
Basta sinabi lang ni Maricel na may pinagdaanan siyang unos sa buhay na wala naman daw siyang magawa kundi harapin ito.
Binanggit lang niya ‘yung pagkamatay ng Mommy na hirap daw siyang kayanin. Wala na siyang ibang binanggit pa na ibang isyu.
Darating naman daw ang araw, magsasalita rin si Maricel. Pero mas gusto niyang manahimik na muna ngayon dahil dinidinig pa ang kasong ito.
Ang gusto na lang naman daw niya ay bumalik sa trabaho at harapin daw ang dapat harapin.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis