NAKAUSAP NAMIN nang personal si Mayor Herbert Bautista sa set ng pelikulang niyang Lumayo Ka Nga Sa Akin sa Malolos, Bulacan. Ito ang trilogy movie ng Viva Films at reunion nila ni Maricel Soriano. Katatapos lang mag-47th birthday ng butihing alkalde ng QC last May 12. Nasa bahay lang si Bistek, walang birthday party naganap dahil ang family niya, nasa abroad.
Nakatanggap naman ng birthday greeting si Herbert mula kay Kris Aquino the day before his birthday. Tuloy pa rin pala ang communication nilang dalawa. “Gagawa kasi kami ng pelikula ni Kris,” sagot ng comedian/ politician. Katatapos nga lang ng meeting nina Herbert at Kris para sa movie project na pagsasamahan nila with child star na si Bimby Aquino Yap. Ang balita, pang-Metro Manila Film Festival ito. Nagkaroon na nga ng story pitching sina Herbert at Kris. Pareho silang nagko-contribute ng mga ideas na magagamit sa pelikula. Hindi sure si Herbert kung pang-MMFF ang movie nila ni Kristeta, hangga’t hindi nasisimulan.
Pero teka, may isang aktor pang makakasama sina Herbert at Kristeta. Pero nang malaman ng Queen of All Media ang pangalan nito, ang tanging nasabi ay, “My God…” ‘Yun na…
HANGGANG NGAYON, solid pa rin ang samahan nina Mayor Herbert Bautista at Maricel Soriano. Magkasama ang dalawa sa isang episode ng Lumayo Ka Nga Sa Akin ng Viva Films. Hindi malilimutan ng actress ang friendship nila nu’ng time na ginagawa nila ang Kaluskos Musmos sa RPN 9. Walang halong kaplastikan ang turingan nila sa isa’t isa bilang magkapatid, ate ni Bistek si Mary.
Kahit ngayon lang magkakasama sa pelikula sina Herbert at Maricel, alam ng Diamond Star ang mga kaganapan sa personal na buhay ni Herbert. “Tinatanong ko siya, pero hindi nagsasalita. Pero may humahabol sa kanya. Hahahaha! Ano ba ‘yun?” say ni Maria.
Asawa ni Herbert ang role dito ni Maricel, pero kakaiba. “Luka-luka as usual. Forte ko ‘yan, in character! Hahaha! Maganda, nakakaaliw,” wika niya.
As a comedian, hindi pa ba kinakalawang si Herbert? “Para mong sinabi na, nagbabago ba si Jun Nardo? Ganoon ba? Ikaw na! Hahaha! Para mong sinabing may kupas ito ‘pag sinabi mong ganoon si Herbert,” paliwanag ni Mary.
Kapag magkausap sina Maricel at Herbert, hindi mapigil ng actress na hindi matawa sa magaling na comedian/politician. “Obvious ba? Ano ‘yon? Ganoon, tawang-tawa? Magaling siya! You know, there was a time when I produced “Mary Potter” before and trying to get my tandem before sa “Kaya ni Mister, Kaya ni Misis” kasi walang Cesar Montano that time. They were trying to get Bayani Agbayani that time. And he was so in demand! We couldn’t get him.
“And then sabi ko, I was the one who thought of him (Herbert). Sabi ko, ‘Bakit ba kayo nahihirapan? Ang dali-dali n’yan. Si Herbert, he was so good at that time when we got him! Kasi ang ganda talaga ng tandem namin. Hanggang sa naipasok ko pa si Dick (Paulate). So, tatlo kami, mortal kaming magkakaaway roon. Papaano hindi kagaganda eh, noon pa man, meron na kaming Kaluskos Musmos. Kahit hindi na nga magkatinginan, talikuran pa, si Dick, parang ganoon. May chemistry kahit nakatalikod. Kaya kahit ilang taon kaming hindi magkita at isalang mo na kami,” kuwento ni Maricel.
Palibhasa magaling na actress si Maricel kaya hindi nawawalan ng movie project. Katatapos lang niyang manalo as Best Actress for television para sa seryeng Ang Dalawang Mrs. Real. Kailan kaya uli siya gagawa ng soap? “Nasa manager ko na ‘yan. Ginugulat na lang ako n’yan. Basta if the price is right, spin a win, Jeanne Young. Go lang nang go! Hahaha!” natatawang tugon ni Mary.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield