NAGPAUNLAK NG isang tell-all interview ang Diamond Star na si Maricel Soriano kay Korina Sanches sa Rated K noong Linggo. Bihira ang ganitong mahabang panayam kay Maria, dahil mailap siya sa media lalo na noong kasagsagan ng reklamo ng kanyang dalawang katulong laban sa kanya.
Sa kuwento ni Maricel, inamin nito na sumailalim nga siya sa isang depresyon kaya naman halos dalawang taon siyang nag-time-out. Ang time out ay ang term ni Maricel sa panandaliang pagkawala sa sirkulasyon.
Kuwento pa nga niya, “Alam mo ang tawag ko dun ay ‘time-out’. Time out lang ‘yun, di ba? Kailangan natin, lahat tayo, kailangan natin ng ganu’n, eh.”
Pabiro tinanong ni Korina si Maria, “Parating nagugulat ang tao sayo kasi pag minsan lu-li ka, lulubog-lilitaw. Medyo matagal tagal ata ang bakasyon mo? ‘Yan ba ay sinadya mo?”
Tugon niya, “Oo sinadya ko… madaming rason, parang gusto kong magtago…. Number one kasi, pagka meron kang dinaramdam, ako gusto kong mapag-isa habang hinahanap mo ‘yung sarili mo. I will share it with people na alam ko na tunay kong kaibigan o ‘yung mga taong tunay na nagmamahal sa akin at inuunawa ako in every way. Isi-share ko sa mga taong ganu’n ‘pag tapos na. Ayaw ko silang bigyan ng problema. So usually, ‘pag meron akong dinaramdam, na dinadala na mabigat, nawawala ako, nagha-hibernate, ganu’n.”
Almost two years nga siyang hindi visible sa limelight at inamin naman ng award-winning actress na nakabuti ‘yun para sa kanya. Dagdag pa niya, “Almost (two years). Pero healthy naman ‘yung nagyari sa akin.”
Binigyang-linaw ni Maricel ang mga naging sanhi ng kanyang pansamantalang pagkawala. Una na nga rito ay ang pagpanaw ng kanyang inang si Rosalinda Martinez last July 2009 sa edad na 65. Inamin niyang hindi siya naging handa sa pagkawala nito. Para raw nayanig ang mundo niya noong pumanaw ang ina.
“Yanig na yanig ako. Kung may nagawa akong maganda o mabuti, gusto ko… kung mabibigyan pa ko ng isang chance para mapasaya ko siya ulit.”
Pangalawa ang usapin sa puso. Inamin ni Maricel na may lamat ang kanyang puso sa ngayon na parang ayaw na raw muna niyang umibig. Parang naibhuos na niya lahat dati ang kanyang pagmamahal kaya naman kung meron man daw susuunod ay siya na dapat ang pagbuhusan ng pag-ibig.
Tanong pa, “Did you go through depression?”
Tugon ni Maricel, “Yeah, I did.”
Dagdag pang tanong ni Korina, “Na talagang pag sinabi mong depression ay parang nawalan ka na ng pag-asa?”
Ani Maricel, “Wala, oo, ay hindi healthy, hindi talaga masaya ‘yung nandu’n ka sa situation na ganu’n.”
At talagang tinulungan daw niya ang sarili para makalabas sa pagsubok na ‘yun.“Oo, oo. Tinulungan ko talaga kasi kung hindi, siguro until now nandudu’n pa ako. Malungkot pa rin ako, eh ayoko nang maging malungkot. Gusto ko na talagang muling masaya. Alam mo Tita K, kung na-appreciate ko lahat ‘yung mga nangyari sa akin, noon sa buhay ko, sa career ko, lahat ‘yung mga bagay na ‘yun na-appreciate ko, pati ‘yung mga bagay na parating pa lang, na kumakatok pa lang, appreciated ko lahat ‘yun.”
Labis-labis naman ang tuwa at kaligayahan sa puso ni Maricel dahil sa kanyang mga kaibigang nandidiyan para sa kanya kahit daw sa madilim na bahgi ng kanyang paglalakbay. “Sila ‘yung mga taong tunay na concern kasi pag meron kang ginawang mali no hindi tama sa paningin nila ipinapaliwanag nila sayo, ini-enlighten ka kung bakit. Andiyan sina Shirley kuan, Si Veana Fores, si Malou Fagar.”
In and out, lilitaw lulubog, taas baba, itong mga kaibigan niyang ito daw ay nandidiyan pa rin para sa kanya. Dugtong pa niya, “Hindi sila nagsasawa sa akin. ‘Yung totoong kaibigan sasabihin nila ‘yung totoo, no matter how painful it is.”
Panghuling tanong ni Korina, “Kung ako si Mang Dolphy at masasalubong kita at tatanungin kita, masaya ka ba?”
Napaisip muna bago sumagot si Maria ng, “Almost there.”
Ano pa kaya ang kulang? Sagot nito, “Hindi ko ma-pinpoint sa iyo kung ano talaga, pero nararamdaman ko na… paparating na.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato