TINAGURIANG DIAMOND STAR ng local entertainment, makabubuo na ng isang encyclopedia si Maricel Soriano kung karanasan din lang naman sa showbiz ang pag-uusapan. Taong 1971, sa edad na anim unang nasilayan si Maricel sa pelikulang My Heart Belongs to Daddy kasama si Tirso Cruz III at ang batang-bata ring si Snooky Serna.
Taong 1974 niya nakopo ang Best Child Actress award, kauna-unahang karangalan niya, para sa pelikulang Alaala Mo, Daigdig Ko. Nu’ng taon ding ‘yon, napanalunan niya ang kanyang second award para sa movie version ng sitcom na John ‘En Marsha. Tumakbo ng ilang taon ang show sa Channel 9 kung kaya nahasa nang husto sa comedy si Maricel dahil nakasama niya rito ang King of Comedy na si Dolphy at si Ms. Nida Blanca.
Pagpasok ng 80s, ini-launch si Maricel bilang isa sa mga Regal Babies kasama sina Snooky Serna, Dina Bonnevie, Gabby Concepcion, Albert Martinez, Alfie Anido, Jimi Melendez at ang ka-loveteam niyang si William Martinez.
Noong dekada ring ‘yon nakagawa ng magagandang pelikula si Maricel tulad ng Hinugot Sa Langit, Minsan May Isang Ina, Saan Darating ang Umaga?, Teenage Marriage, Kaya Kong Abutin ang Langit, The Graduates, Pinulot Ka Lang Sa Lupa, at Babaeng Hampaslupa.
Ang pelikula niyang Inagaw Mo ang Lahat sa Akin noong 1995 ay naging official entry sa 1996 Oscar awards.
Taong 2000, patuloy pa ring naging aktibo sa paggawa ng pelikula si Maricel: Abandonada, Mila, Mano Po, Filipinas, Numbalikdiwa, I Will Survive, Inang Yaya, Paraiso, A Love Story, at Bahay Kubo, kung saan itinanghal siyang Best Actress sa 2008 Metro Manila Film Festival.
Alam n’yo ba na kung multi-awarded sa kanyang talent sa pag-arte si Maricel, meron din siyang Gold record para sa single na Ngayon at Habang Panahon na sinulat ni Tito Sotto at theme song ng kanyang pelikulang Oh My Mama noong 1981? Napuno rin niya ang Araneta Coliseum sa 1987 concert niyang Hello, Hello Maricel, kung saan ang guest niya ay si Raymond Lauchengco.
Katulad ng ibang artista, hindi rin naman nakaligtas sa mga intriga si Maricel. Pero napanatili ng Diamond Star ang pribadong pamumuhay. Dalawa ang anak niyang lalaki, sina Marron at Sebastien.
By Eric Borromeo