LUHA NGA BA ng “buwaya” ang iniiyak nina Mariel Rodriguez at Pokwang nu’ng huling araw ni Robin Padilla sa Wowowee?
Bakit daw nu’ng nawala si Willie Revillame, ni hindi sila umiyak? Ni hindi man lang nila binabanggit sa TV na nami-miss na nila si Willie? Baket ke Robin, paiyak-iyak pa sila?
‘Yan ngayon ang katanungan sa isang diyaryo.
In my opinion, totoong luha ‘yon. Luha ng lungkot. Luha ng panghihinayang. Hindi luha ng buwaya. Ako’y naniniwala na ‘yun ang damdamin ng mga girls, eh.
Na sa maikling stint ni Robin sa Wowowee eh, sobrang naparamdam ni Robin ang respeto, pagmamahal at pag-aasikaso sa kanilang mga kababaihang hosts.
Kung hindi sila naiyak sa pagkawala ni Willie eh, ‘yun ang itatanong namin sa kanila ‘pag nakita namin sila, promise.
KUNG KAMI NAMAN ang tatanungin, hindi kami naluha, pero nanghinayang kami para kay Willie Revillame. Kasi, ang laking oportunidad ang kanyang pinakawalan nang gano’n-gano’n na lang.
Puwede namang humingi ng bakasyon nang pormal. Puwedeng siya mismo, magsabi kung hanggang dalawang buwan, tatlong buwan o isang taon muna siyang magpapahinga.
Pero ‘yung “magalit” siya sa management at kay Jobert Sucaldito on air at pagkatapos ay hindi na siya pumasok kinabukasan at ‘yun pala’y kailangan niya na munang magpahinga, parang hindi graceful ang exit.
Anyway, nandiyan na ‘yan. Ilang dagok na rin naman sa buhay ang dinaanan at naranasan ni Willie, “maning-mani” na lang sa kanya ‘yan.
Mabuti nga’t hindi adik si Willie sa casino, sa alak, at hindi rin waldas. Kaya I’m sure, sapat na ang kanyang mga naipon para bumuhay sa kanya.
Pero at the end of the day, iisipin pa rin ng mga tao, ba’t nga ba nagkagano’n na lang si Willie? At kay Willie, at the end of the day, hawak niya ang buhay niya at kaya niyang desisyunan at pangatawanan kung ano ang kanyang sinabi.
Pero kung kami ang tatanungin. Kung sakaling hindi na bumalik si Willie, mas mabuting baguhin na lamang ang buong show, lalo na ang title. Pero ewan kung may “laban” ang kaso ni Willie kung sakaling papalitan ang title.
Anyway, suggestion lang naman. Mas maganda kung gawin na lamang itong parang Eat… Bulaga! para hindi naman nakasasawa na ‘yun at ‘yun ang mukhang makikita at mapapanood mo araw-araw.
In that case, magkakaroon pa ng mystery ang mga artista, dahil hindi na sila pagsasawaan, bagkus meron nang pananabik factor.
Mas magandang ngayon pa lang ay tumuklas na ng mga potential na TV host. Para naman maiwasang ma-overexpose si Luis Manzano.
Imagine, nu’ng Sabado, napanood mo na sa Wowowee, nandu’n pa sa E-Live tapos, nasa Pilipinas Got Talent pa. Mahusay kung sa mahusay si Luis, pero nakawawala ng excitement kung siya nang siya.
Subok naman ng iba, para may variation. Kumbaga sa biskwit, assorted sana para iba-iba ang inihahain sa bisita.
Oh My G!
by Ogie Diaz