MASAYA ANG Paskong darating para kay Robin Padilla, dahil makakapiling niya ang kanyang mga anak sa araw ng Pasko with Mariel Rodriguez.
“Nandito na ang mga bata kaya hindi kami makakaalis ni Mariel. Si Mariel, nakakatuwa. Inaalala niya ang mga bata, ang galing na babae. Kung minsan, nahihiya ako sa kanya. Ang gusto ko nga d’yan, umuwi muna siya sa Lola niya, kasi nga, nasa akin nga ‘yung mga bata. Sanay ‘yan, na siya ang inaalagaan, ngayon siya ang mag-aalaga. Bonus na bonus ang dating, bonus ng lima! Ang nakakatuwa lang, ‘yung mga hindi ko kayang gawin, nagagawa niya tulad ng pamimili. Kumuha pa siya ng tagaluto. Bukod du’n, siya ‘yung naggo-grocery. Ang nakakatuwa kay Mariel, kapag narinig niyang gising na ang mga bata, babangon na ‘yun at magpapaluto na ng almusal namin, kakausapin kung ano ang gusto niyang gawin. Tatanungin kung anong gusto nilang pagkain,” pagmamalaking kuwento ni Robin.
May tsika na selosa raw si Mariel, how true? “Wala pa siyang dapat pagselosan. Darating ‘yun, huwag niyang madaliin ‘yun. Ngayon wala siyang dapat isipin, ang bait ko pa. Hahaha!
Ngayon nasa TV5 na si Mariel, marami ang nagsasabing susunod na rin daw si Robin sa Kapatid network. Tinatapos lang daw ang kontrata nito sa ABS-CBN dahil super to the max ang offer na inaalok nila sa action superstar.
“Ang tagal pa nu’n, hindi nga natin sigurado ang mangyayari bukas. Dalawang taon pa tayo sa ABS-CBN, nakasalalay sa ABS ‘yan. Sa ngayon ang bait nila sa akin, wala pa naman siguro akong dapat i-complain. At kung magko-complain ako, maririnig nila ‘yun.”
Ilang beses nang naudlot ang pelikulang dapat sana’y nagawa na ni Robin sa Star Cinema. Bakit nga ba hindi matuluy-tuloy ang project, may naging problema ba?
“Ano naman ‘yan, mutual ‘yan. Ewan ko kung sinasadya nila, minsan magbibigay sila ng pangit. Wala naman kaming choice ni Bossing, hindi naman namin puwedeng gawin ‘yun. Magsa-suggest kami, hindi naman nila nagugustuhan, hindi ko rin alam kung sinasadya nila. Pero sa TV wala kaming problema sa kanila. Lahat ng hinihingi namin, talaga naman… kaya nga ang sabi ko kanina, ang bait ng ABS katulad ng “Toda Max”. Ngayon lang ako nakasubok sa ABS… dati noon sa ABS, dadaan ka sa butas ng karayom para makapagbigay ka ng plot. Natutuwa kami ni Vhong (Navarro) na hinahayaan kami ng director sa mga batuhang linya naming dalawa. Sana sa ibang project, maging ganu’n din. Pero sa ngayon, happy ako sa show. Happy ako sa outcome ng “Guns and Roses”. Happy ako sa mga endorsement ko, happy ako sa buhay ko,” paliwanag ni Binoe.
Sa nangyayari ngayon sa buhay ni Robin, masasabi nating blessed na blessed ang action superstar sa taong ito. May asawang tunay na nagmamahal sa kanya at mga anak na nagbibigay inspirasyon para lalong siyang magsumikap sa buhay para lalong mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga mahal niya sa buhay.
“Masasabi ko hindi pa siya tatawaging blessing hangga’t hindi ko pa nagagawa ‘yung purpose. Sa ngayon, hindi pa siya blessing, kapag nagawa na namin ni Bossing ‘yun, natapos na ‘yun, saka ko sasabihin na blessing na. Sa ngayon trial pa siya,” wika niya.
Hindi man nakasali si Robin Padilla sa MMFF, willing naman siyang tumulong sa mga dara-ting pang festival tulad ng Cine-malaya, Cinema One, etc.
“Napagdisisyunan namin ni Bossing na hindi na namin pra-yoridad ang MMFF. Ang pra-yoridad namin, itong mga dara-ting pang festival na dapat ay tulungan. Ako ang pinakaunang nag-indie, unang-unang artistang naniwala, nakipaglaban at sumuporta sa indie. Walang sinumang artista ang magsasabing sila, dahil ako’y hindi nagpapabayad. Kaya ko lamang gusto sa Cinemalaya, bakit ? Baka-sakali maintindihan nila ang rebulusyon. ‘Yun din ‘yung gusto ng ibang indie makers. Ito ‘yung hindi nabibigyang-pansin. Ang sinasabi kong rebulusyon, kailangan itong mga producer at ibang director na mabigyan ng pagkakataon na baka-sakali ako makatulong. Masabing nandito si Robin Padilla, sana ‘yung ibang artista rin na nasa katayuan na mas higit pa sa akin, pumasok din du’n. Para ang Cinemalaya Film Festival, mabuhay. ‘Yun ang ibig kong sabihin, hindi ‘yung tinitignan na lang natin lagi itong MMFF. Dapat lahat ng artista makagawa,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield