NAAALALA N’YO pa ba ang sikat na telenobelang Marimar noong dekada ‘90? Marami ang humanga sa alindog ni Thalia, ang sikat na bida sa Mexican telenobelang ito. Ngayon naman ay tila inaasahang magmamarka ng parehong kasikatan ang nabubuong tambalan sa 2016 presidential election na Senator Miriam Defensor-Santiago at Senator Bongbong Marcos o ang tambalang MARIMAR!
Naunang naghain ng certificate of candidacy (COC) si Senator Marcos at sa panahong ito ay umaasa pa ang senador na makakatambal niya si Davao Mayor Rudy Duterte. Ngunit matapos ang paghahain ni Senator Miriam ng kanyang COC, tila nagliwanag ang lahat para sa dalawang senador hinggil sa posible nilang pagtatambal.
Nagpahayag si Senator Miriam ng kanyang interes para sa posibleng pagkuha niya kay Senator Marcos bilang bise presidente. Gayun din naman ang interes na ipinakita ng kampo ni Marcos sa ideyang ito. Kaya naman hinihintay na lamang ngayon ang pormal na deklarasyong ng team MARIMAR. Gaya ng telenobela, tiyak na lilikha ito ng ingay at popularidad. Tiyak din na magbabawas ito ng boto sa mga sikat at mabibigat na tambalan gaya ng team “BINGO” nina Binay at Gringo, team “RORO” nina Roxas at Robredo, at ang nangunguna sa survey na team “Poz” nina Senator Grace Poe at Senator Chiz.
ANO NGA ba ang tinatawag nilang x-factor para sa team Marimar? Ano ang bumubuo sa pagkatao nilang dalawa na tila lumilikha ng isang puwersa para sa labanang 2016 presidntial race. Una na siguro ang pagtinging sila ay kapwa intelektuwal at ang misteryo sa pagkatao ng dalawang ito. Hindi kasi maitatanggi ang angking talino na laging ipinamamalas ni Senator Miriam sa publiko sa tuwing siya ay may panayam sa TV o ‘di kaya ay sa tuwing naka-televise ang Senate hearing.
Ang lahat ay tutok sa bawat reaksyong sasabihin ni Senator Miriam. Tila nagmistulang mga mag-aaral ang publiko at kapwa senador ni Miriam tuwing maglilitanya siya ng kanyang nalalaman tungkol sa batas at sa pilosopiya ng buhay. Tinitingala rin siya ng maraming mag-aaral sa elementarya, sekondarya, at kolehiyo dahil sa husay niya sa pagsasalita at lalo na sa mga malalalim niyang bokabolaryo. Ang kanyang tapang at pagtutuligsa sa mga kamalian sa gobyerno ay hindi rin matatawaran. Sinasagasaan niya ang sino man at tila wala siyang kinatatakutan.
Subalit sa kabila ng mga ito, may bumabalot pa ring misteryo sa pagkatao ni Senator Miriam. Marami ang nagsasabing tila may kakaibang dating ang pag-iisip ng senadora. Minsan nang naging usap-usapan ang pagsasabi niya sa isang panayam ng reporter sa TV, kung saan ay sinabi niyang “…of course I lied!” sabay tawa ng malutong. Ito ay sa konteksto ng kanyang pagpusta noon na hindi maipakukulong ni dating Pangulong Gloria Arroyo si dating Pangulong Erap.
SINABI NG senadora na tatalon siya sa eroplano kung maipakukulong si Erap, kaya naman binalikan si Senator Miriam ng reporter pagkatapos maipakulong si dating Pangulong Erap. Ang simpleng tugon ng senadora sa reporter “…of course I lied”, sabay isang malakas at malutong na halakhak. Isa lamang ito sa maraming kakaibang reaksyon ng senadora sa mga naging panayam sa kanya. Masasabing dito maiuugat ang mga negatibong pagtingin naman laban sa kanya.
Naging popular din ang one on one interview ng mamamahayag na si Korina Sanchez kay Senator Miriam hinggil sa pagkamatay ng kanyang anak na lalaki at ang naging tugon niya tungkol sa Diyos. Marami ang tila nawalan ng kumpiyansa sa kanya nang magbigay siya ng kanyang personal na pahayag hinggil sa kahinaan ng Diyos at kaduda-duda nitong kapangyarihan. Dahil siguro ay isang Kristiyanong bansa ang Pilipinas, kaya hindi maiiwasang marami ang nadismaya sa pagkatao ng senadora.
Si Senator Marcos naman ay inihahalintulad sa kanyang ama na isang matalinong tao. Sabi nga ng matatanda ay kung ano ang puno ay siya rin ang bunga. Kaya naman maraming pangkaraniwang tao ang nagsasabing matalino ito gaya ng kanyang ama na si Fernidand Marcos. Kilalang nagtapos ng batselyer at masterado sa prestihiyosong paaralan na Harvard University si Senator Marcos. Ngunit tila dito rin siya pinupulaan ng maraming netizens kung tawagin.
DAHIL SA teknolohiya ay napakadali na kasing magsiyasat ng mga datos hinggil sa pagkatao ng mga sikat nating personalidad sa Pilipinas gaya ni Senator Marcos. Naging usap-usapan ang ‘di umano’y pagsisinungaling ng senador sa kanyang tunay na college degree. Marami ang nagsasabi na bagama’t nasa listahan siya ng mga mag-aaral ay wala naman si Senator Marcos sa listahan ng mga alumni ng Harvard University. Kung ganoon, hindi rin siya maaaring nakapagtapos o nakapasok man lang sa prograng masterado.
Misteryoso rin ang pagkatao ni Senator Marcos dahil sa naging bali-balita noon na napatay sa Europa ang tunay na Bongbong Marcos at ibang tao na ang kilalang Bongbong Marcos ngayon. Hindi rin makawala ang senador sa naging kasalanan ng kanyang ama sa mga Pilipinong naging biktima ng Martial Law at diktadurya noong panahon ng dating Pangulong Marcos. Kaya naman hinamon ni Pangulong Noynoy si Senator Marcos na humingi ng tawad sa mga Pilipino. Kung hihingi man ng tawad si Senator Marcos, makatutulong kaya itong paliwanagin ang kanyang pagkatao sa madilim na anino ng kanyang ama?
Ano nga ba ang maipapangako ng team MARIMAR sa mga Pilipino? Paano nila iaahon ang sarili sa mga negatibong pagtingin sa kanila? Dapat ba silang pagkatiwalaan? Bilang mga responsableng botante, tungkulin nating siyasatin nang maigi ang mga kandidatong kumakatok sa ating puso.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo