NAIMBITAHAN KAMI sa 18th birthday ng anak ng kaibigang Maribel ‘Lala” Aunor last Sunday. September pa lang, nakatangap na kami ng invitation sa FB namin mula sa reyna ng Apat na Sikat of the 80’s and only last Thursday, a few days before the big event ay muling nagpaalala siya sa amin about the party ng anak niya.
Wow debut! Pero ayaw raw ni Ashely ng debut party na naka-gown siya with matching 18 candles or 18 roses (which is which ba?).
Very 70’s ang theme ng party na ginawa sa Blue Leaf sa City of Dreams sa Parañaque. Maganda ang production design na very hippie ang dating. From props to the color palette; swak sa konsepto na gusto ng celebrant.
Kasama ng ilang mga kaibigan ni Ms. Lala sa entertainment press, kahit malayo (sa kabila na sa magkabilang dulo kami, manggagaling kami ng Quezon City), kasama sina Ms. F at ang kaibigang namin na si Engr. Johnny, sumugod kami.
Happy Hippie Holiday ang theme ng party. Ang saya. Lahat ng mga bisita, in full costume as required. Pero knowing ang showbiz press, si Mercy Lejarde lang ang sumunod sa costume requirements. The rest of us ay nag-miron na lang sa gilid.
Sa 18th birthday party ni Ashley namin unang narinig ang komposisyon ng “The Rockstar” na anak ni Ms. Lala na kabilang sa album ng ate niyang si Marion. Ang ganda ng himig at titik ng “Ako Siguro”. May hugot. Pang-emote, ‘ika nga, na bagay sa boses ni Marion na this time, kapag pinag-ukulan ng pansin ng Star Music at mai-promote, ito marahil ang kanta na maglilikha sa kamalayan ng mas nakararami lalo pa’t ang imahe ni Marion ay hindi masa.
Sabi ni Ms. Lala sa amin, plano nga raw ni Ashley na isama sana ang kanyang komposisyon sa Himig Handog P-Pop Love Songs next year na malaki ang chance na mag-win kung hindi man nasa top three when we heard it na pinagsaluhang kantahin ng magkapatid sa party na maisama ito sa album ng kanyang ate. “Gagawa na lang daw siya ng isa pa,” text information sa amin ng ina.
Sa party, dumalo rin siyempre ang loving mom ni Ms. Lala na si Mamay Belen na minsang nag-alaga kay Nora Aunor noong nagsisimula pa lang itong sumali sa mga singing contest.
Sa mga bagets ngayon na ang mundo at kamalayan ay nasa liga nina Marion, Sarah Geronimo, Daniel Padilla, at JaDine; sikat as in sikat ang apatang grupo nina Ms. Lala. Si Lala, kapartner niya si Arnold “Notnot” Gamboa; Winnie Santos (na nakababatang kapatid ni Vilma) at Dondon Nakar.
Happy kami kay Ms. Lala dahil happy siya sa dalawa niyang mga anak. Kahit isang single mom, naitaguyod niya nang maayos ang mga anak na sina Marion at Ashley na bukod sa pagiging mababait ay super talented pa.
Sa totoo lang, hindi nga yata akmangt sabihin na masuwerte si Ms. Lala sa mga anak niya, kundi it should be the other way around. Suwerte sina Marion at Ashley sa pagkakaroon ng isang ina, kaibigan, at barkada sa katauhan ng isang Ms. Maribel Aunor.
Reyted K
By RK VillaCorta