AYON kay Mark Anthony Fernandez, hindi pa raw niya nagagamit ang full potential niya bilang isang aktor kaya gusto pa niyang makagawa ng maraming makabuluhang pelikula.
“Pakiramdam ko hindi ko pa talaga naabot yung peak ng pagiging artista o bilang aktor ko. Gusto ko pang mas may marating kasi dito naman na ako lumaki, ito yung pinag-aralan ko,” pagtatapat ni Mark Anthony sa interview namin.
Hindi pa raw peak ng career niya yung time ng Gwapings.
“Hindi pa, pakiramdam ko hindi pa,” wika niya. “At sa tingin ko wala namang age limit. Tapos makikita naman natin, may FPJ, may Dolphy, kumbaga, tumanda po sila sa industriya, yung erpat ko din po. So ako, kumbaga, kailangan ko lang isang magandang proyekto na magugustuhan ng publiko.
“Yung Gwapings day, oo malakas yung appeal, pero movie-wise, dalawa lang po yung nagawa naming pelikula, eh. So, sa tingin ko, hindi pa talaga ako nakakagawa ng maraming magagandang projects.
“Ang pinakamagandang pelikula na nagawa ko lang or yung naging hit movie ko siguro mga tatlo pa lang siguro, so feeling ko kulang pa yung mga nagawa kong makabuluhang proyekto,” kuwento ni Mark.
Ibinalita rin ni Mark sa amin na nagbabalak ang Viva Films na i-remake ang ilang pelikula ng tatay niyang si Rudy Fernandez at posibleng siya raw ang magbida rito. Pero habang pinaplano pa ang tungkol dito ay inilagay muna siya ng Viva sa MMFF movie na Miracle In Cell No. 7.
Eh, ano ba ang favorite movie niya na ginawa ng kanyang tatay noong nabubuhay pa ito?
“Pinakapaborito kong movie niya yung Lumuhod Ka Sa Lupa – Eddie Garcia, Jackielou Blanco, Ricky Davao. May Markang Bungo din siya, Bingbong Crisologo, ang dami,” sagot ng aktor.
La Boka
by Leo Bukas