HINDI NAMAN DAW kontrabida ang image ni Mommy Divine, ina ni Sarah Geronimo, kay Mark Bautista. Mayroon kasing imaheng nalikha ang dakilang ina ni Sarah ng pagiging overprotective sa anak.
“In fact, para nga akong part na ng pamilya nila,” sabi pa ni Mark. “Sa tagal na nagkakasama-sama kami sa concerts abroad, may pagkakataong nagkakasakit na ako. Sila pa ‘yung nagbibigay ng gamot.
“Sa Dubai noon, sobrang na-appreciate ko sila dahil may dalawang shows kami sa isang araw, gala at matinee, wala akong boses. May ubo pa ako. Sila pa nina Mommy Divine at Daddy Delfin ang natataranta sa kondisyon ko.”
Time nga lang daw ang makapagsasabi kung finally, masusungkit na ni Mark ang matamis na “oo” from Sarah. After six years of being together, doon lang pala napagtanto ni Mark na gusto na niyang seryosohin ang panliligaw kay Sarah, na hanggang ngayon naman, naroroon ang assurance sa kanya, basta lang maghintay siya.
Nagbibiro pa nga raw si Sarah kung kaya nitong maghintay kahit 40 years old na si Mark, o kahit umabot pa ng 80. Tinatawanan na lang ito ni Mark.
Meanwhile, labas na ang “Sana’y Dinggin Mo,” ang bagong single (na likha ni Jimmy Borja) from his new album entitled I’ll Be The One under Viva Records. May duet din sila ni Sarah sa nabanggit na album.
May pinaplano ring birthday concert si Mark this August sa Aliw Theater. Pero, marami ang nagka-clamor for another round of shows here and abroad para sa Pop Icons na kinatatampukan ni Mark with Piolo Pascual, Christian Bautista, Erik Santos, at Sam Milby.
“Eighty to ninety percent sure na ‘yung sa U.S.,” sabi pa ni Mark. “Hopefully, may repeat ‘yung concert namin dito sa Manila.”
KINAKABAHAN NOONG UNA si Robi Domingo sa pagiging VJ (videojock) ng MYX. Nanibago siyempre siya noong parang ang kinakausap lang niya ay ang kamera. Mahirap na trabaho raw ang pagbi-VJ, kailangang maging spontaneous daw siya.
“You gotta have a lot of ideas. Pero, ayos na ako ngayon,” nangingiting sabi pa ng cute na Atenistang tampok sa pang-hapong serye tuwing Linggo ng ABS-CBN, ang Your Song presents… Boystown.
Maganda ang epekto ng trabahong ito kay Robi dahil nahahasa ang pagsasalita niya, enunciation and sharing of ideas. Pati confidence dahil babad na babad daw siya sa kamera.
“Wala kasing nakikita kung hindi ikaw lang,” sabi pa ng binata. Second year college na si Robi, sa Ateneo de Manila, taking up BS Health Sciences. Pre-med course daw ‘yun with a touch of management.
Instead of watching TV sa set, ang ginagawa na lang niya, dinadala niya ang books niya and just work on them. Kasama si Robi sa grupong kung tawagin ay Gigger Boys. Astonished siya noong una dahil parehong kaliwa raw ang mga paa niya, pero sa sobrang pagsasanay, hayan at nakasasabay na siya sa mga mahuhusay niyang kasama sa hatawan.
Humahataw na siya nang husto kasama sina Dino Imperial, Enchong Dee, Chris Gutierrez, AJ Perez, Sam Concepcion, at Arron Villaflor, na mga tampok din sa Boystown.
Calm Ever
Archie de Calma