MATAGAL NA panahon nang walang balita sa lovelife ni Mark Bautista. Zero pa rin daw aniya nga nang makausap namin recently sa Sunday All Stars.
“Wala nga, e. Dry na dry ano?” nangingiti pa niyang sambit. “E… wala, e. Wala akong mahanap. Wala pa. Wala pa sa ngayon. So, parang… e, nagkataon na parang sobrang ang daming trabahong dumarating. Kaya sabi ko… wow. Ii-enjoy ko ito!”
Parang naging pihikan na siya sa pagpili ng liligawan o sunod niyang magiging girlfriend?
“Hindi naman choosy. Kasi minsan hindi mo naman pinipili, dumarating na lang talaga. So, kung ano ‘yong dumating na pabor ka o okey naman sa ‘yo… e, baka iyon na ‘yon talaga.”
‘Di ba mas inspiring sa isang singer o artist na gaya niya kapag may special someone?
“Yes! Totoo ‘yan. Pero… wala, e.”
Saan siya humuhugot ng inspiration sa ngayon?
“Ang dami. Aside sa pamilya ko, sa trabaho ko, sa mga nangyayari sa career ko.”
Naghahanda na sa ngayon si Mark para sa bagong musical play na kanyang gagawin, ang Bituing Walang Ningning. Base ito sa pelikulang pinagbidahan noon ni Sharon Cuneta.
“Next week ang pictorial namin. Nasa proseso kami ng paghahanap sa magpu-portray ng role ni Dorina. This coming May ito. Sa Resorts World ang venue. Si Cris Villongco, siya ang gaganap na Lavinia. Ako naman si Mico. Tapos ‘yong magpo-portray ng Dorina, hinahanap pa nga namin trough auditions.
“Alam mo ang kaibahan nito sa ibang musical na ginawa ko before… kasi para siyang naging reality show na musical. First time sa Pilipinas na ang lead role ay… parang nagpapa-contest si Boss Vic (del Rosario ng Viva Films) kung sino ang makukuha niyang bago at gagawin na naman niyang parang another star ng Viva. So, exciting siya na parang… wow, sino kaya ang makukuha? And ‘yong Dorina role is really that important. Kasi sa kanya nakasentro ang istorya. So, exciting! At saka Tagalog na naman.
First time kong gumawa ng Tagalog na straight play. Na… konti lang ‘yong kanta. Musical na konti lang ‘yong kanta. Tapos may concert ako ng April 17, sa Resorts World pa rin. Sarah (Geronimo) will be there. And… surprise guests na lang ‘yong iba.
“Happy ako sa takbo ng career ko ngayon. Iniisip ko na bihira ang ganitong opportunity na ibinibigay sa akin. Kapag nagkamali pa ako rito or hindi ko naibigay ‘yong best ko, puwede akong hindi na naman makakuha ng mga gano’ng klaseng projects. So, ginagawa ko siyang inspirasyon, ‘yong mga gano’n. Pati na rin ‘yong mga pagkakamali ko and the lessons I learned from it.”
Bukod sa musical play na Bituing walang Ningning, magsisimula na rin daw siyang mag-record ng kanyang bagong album.
“Pop album siya. Next week ako mag-start ng recording para rito. Actually, sunud-sunod nga, e. May album, may concert, may musical play. Tapos may gagawin din akong movie. Horror film siya actually. Wala pang title. And hindi pa ako puwedeng magbigay ng details about it. This is under Viva Films. Nakagawa na rin ako ng horror film dati. ‘Yong Sundo under GMA Films.
“Tapos may gagawin din akong isang episode ng Magpakailanman next week. ‘Yong story ng buhay ni Bunot, ‘yong You Tube sensation na parang Michael Bolton ‘yong boses na naka-shirtless lagi sa video.”
Maganda talaga ang pasok ng Year Of The Wooden Sheep para sa kanya. Kaya nai-inspire daw siyang lalo na pagbutihin ang trabaho.
“Yes!” nangiting pagsang-ayon ni Mark. “Itong 2015… the best!”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan