NABUHAY NA NAMAN ang isyu sa pagbubuntis ni Andi Eigenmann nang magsalita si Mark Gil sa The Buzz nu’ng nakaraang Linggo.
Sabi nga sa akin ng mga bading, naging trending daw ito sa Twitter at sa ibang social network sites dahil ma-tindi ang mga sinabi ni Mark laban sa nakabuntis kay Andi. Hindi naman niya binanggit ang pangalan nitong nakabuntis sa anak niya, pero obvious namang ang young actor na si Albie Casiño ang tinutukoy niya.
Halatang galit si Mark pero malinaw ang mga sinabi niya at nakakabagabag dahil umiiyak itong nagsalita para kay Albie.
Kinuwestiyon pati ang pagpapalaki sa kanya ng magulang niya, kaya ewan ko kung sasagutin ito ng young actor o ng magulang niya.
Sabi nga ni Mark kung hindi raw ito pananagutan ng nakabuntis sa anak niya, kaya raw nilang harapin ‘yun dahil marami raw silang puwedeng maging Daddy sa magiging anak ni Andi.
Sinabi na rin pala ni Mark na baby girl ang ipinagbubuntis ni Andi at sinabi raw ito sa kanya nu’ng nakaraang Father’s Day pa.
Si Andi naman ay tahimik lang sa ngayon, pero napakaganda niya nu’ng dumalo ito sa event ng Preview magazine na Best Dressed Ball. Ayaw na lang niyang magsalita para tahimik na lang, lalo na’t buntis pa siya kaya dapat positive na lang at huwag nang i-entertain ang mga negatibong bagay.
Marami naman ang sumusuporta kay Andi at sa pamilya nito. Pero ang pakiusap na lang nila, huwag na raw sana itong husgahan. Intindihin na lang daw sana ito sa kanyang kalagayan ngayon.
NGAYONG ARAW NAMAN ang susunod na hearing ni Maricel Soriano sa Barangay Poblacion sa Makati kaugnay sa inireklamo laban sa kanya ng dalawang kasambahay nito.
Ewan ko kung sisipot si Maricel dahil wala pa ring kaso kung hindi ito sisipot ngayong araw. Meron pang isang pagkakataon na puwede niyang siputin.
Kung hindi pa rin siputin ni Maricel ang pangatlong hearing, iaakyat na sa piskalya ang kaso at baka umabot pa ito sa korte.
Kaya dapat harapin na ito ni Maricel o ng representative niya dahil hindi naman puwedeng basta na lang niya itong dedmahin.
Ang dami na ngang nagkukomento sa kinasangkutan ngayon ng Diamond Star kaya dapat harapin niya ito at ipagtanggol naman niya ang kanyang sarili para malaman naman ng mga tao ang kanyang panig.
HINDI KO NAPIGILANG maiyak nang dumalo ako sa birthday party ng bestfriend kong si Pinky Tobiano sa Golden Acres.
Naging panata na pala ito ni Pinky na i-celebrate ang kanyang kaarawan sa mga matatandang inaalagaan sa Golden Acres.
Nakapanghihina nang nakasalamuha ko roon ang ilan sa mga matatandang nakatira roon dahil nakakaawa talaga sila.
Merong isang matandang kalbo roon na humingi sa akin ng wig dahil gusto naman daw niya may buhok. May mga sugat daw siya kasi sa ulo kaya kinalbo na ito, kaya ‘yun lang wig ang hiningi niya sa akin.
Tinanong ko kung ilang taon na siya, katutuntong lang daw niya sa edad na 64. Iniwan na raw siya roon ng mga kamag-anak dahil wala na raw siyang pakinabang.
Naluha talaga ako dahil magkasing-edad lang pala kami, tapos nagtatrabaho pa ako. Doon ko talaga na-realize kung gaano ako kamahal ng Diyos dahil sa edad kong ito, napapakinabangan pa ako at hindi pa umabot sa ganu’ng sitwasyon.
Bilib talaga ako kay Pinky dahil doon ko nakita ang sincerity niya sa ipinakitang concern niya sa mga matatanda. Napaka-meaningful naman ng pag-celebrate niya ng kanyang kaarawan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis