IPINASILIP NA sa wakas ng Kapamilya Network ang upcoming light romance-comedy series nila na ‘Marry Me, Marry You’ na pagbibidahan ng bagong Kapamilya na si Janine Gutierrez at ng dating Kapuso na mas sumikat sa ABS-CBN na si Paulo Avelino.
Bago pa man natuloy ang paglipat ni Janine Gutierrez sa ABS-CBN early this year ay nagsama na sila ni Paulo sa pelikulang ‘Ngayon Kaya’ na hindi pa rin ipinapalabas sa mga sinehan o online streaming. Intended dapat ang pelikula sa 2020 Metro Manila Summer Film Festival, pero mukhang sa telebisyon muna natin sila mapapanood.
Sa mga kasalan at lipatan na nangyari sa showbiz the past few weeks ay isang fictional wedding naman ang nagpakilig sa mga madlang pipol.
Sa 10-minute video na pinost ng Dreamscape Entertainment sa kanilang Facebook page noong Miyerkules ay nainterbyu ang mga cast and key production crew members. Ibinahagi nila kung bakit sila excited sa proyektong ito at kung ano ang kanilang nararamdaman na sa wakas ay tuloy na tuloy na ito.
Hindi naman lihim sa lahat na in real-life ay may non-showbiz girlfriend si Paulo Avelino at si Janine Gutierrez naman ay going strong ang relasyon sa dating Kapamilya turned Kapuso na si Rayver Cruz. Nag-asaran lang ang dalawa tungkol sa posibilidad ng pagpapakasal sa totoong buhay. Kahit na sila ay ‘taken’ na in real-life ay hindi pa rin maipagkakaila ang kanilang chemistry.
Sumunod naman na nagsalita ang mga veteran actors na sina Cherry Pie Picache, Vina Morales, Edu Manzano, Theresa Loyzaga, Joko Diaz, Lito Pimentel, Jett Pangan at ang bagong Kapamilya na si Sunshine Dizon.
Nagsalita rin ang mga direktor ng programa na sina Dwein Baltazar at Jojo Saguin.
Kasama rin sa proyekto ang mga promising stars ng Kapamilya network na sina Adrian Lindayag, Keann Johnson, EJ Jallorina, Iana Bermudez, Luis Vera Perez, Fino Herrera at isa pang bagong Star Magic talent na si Jake Ejercito.
Wala pang final playdate ang ‘Marry Me, Marry You’, pero ngayon pa lang ay marami nang excited sa kasalang ito!