PARA SA mga tinaguriang Martial Law babies, ang pagdagdag ng taon sa kanilang edad ay may kasing kahulugan lamang sa pagdagdag ng taon mula nang ibinaba ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law. 43 na ang nakararaan nang gapiin ng isang batas militar ang karapatan ng mga Pilipino sa ilalim ng diktadurya ni Marcos.0
Mula sa aking pagtatanong, pagsasaliksik, at pag-aaral hinggil sa mga Martial Law babies, mayroong iisang katangian ang bumubuo sa pagtingin at kamulatan nila habang sila ay nagkakamalay sa panahon ng Martial Law. Ito ang pagtinging may kaunlaran sa panahon ng pamumuno ni Marcos. Mayroong mga magagandang gusaling ipinatatayo gaya ng ospital, tanghalan para sa sining at arte, pasyalan at mga parke, at ang isang makabagong tren na pinaaandar ng kuryente.
Hindi gaanong binabanggit o hindi kasing dalas kung paano pinag-uusapan ang Martial Law ngayon sa mga paaralan o maging sa lansangan kumpara noong panahon mismo ng Martial Law. Tila walang lugar para pag-usapan ang madilim na mukha ng Martial Law noon dahil iba ang tutok ng media, pahayagan, at maging sa mga paaralan ay pawang magagandang katangian ng gobyernong Marcos ang tinatalakay.
ITINATANONG NG mga Martial Law babies kung alin sa kanilang karanasan ang sumupil sa kanilang mga karapatan bilang mga Pilipino. Kasama ba rito ang pagpapahinto ni Marcos sa palabas na Voltes V noong 1978? Pagsupil ba ito ng karapatang makapanood ng isang anime?
Likas na bayolente ang mga tagpo sa anime na Voltes V dahil may mga suntukan, patayan, at konsepto ng paghihiganti sa istorya nito. Ito ang pagpapaliwanag ng mga magulang noon sa kanilang mga anak. Kung susuriin mo ngayon ang kuwento ng Voltes V, masasabi mo ngang tama naman ang ebalwasyon ng gobyerno noon sa palabas na Voltes V na may pagkabayolente ito.
Sa kamulatan ng mga Martial Law babies, bukod sa pagbabawal na ipalabas sa TV ang Voltes V at manatili sa kalsada ng mga bata pagsapit ng gabi, pawang mga magagandang alaala ang namulat sa mga mata ng mga batang Martial Law. Tila isang maunlad na pamayanan ang Pilipinas dahil ang mga nagmamahalang “condo” ngayon sa Quezon City at iba pang lungsod sa Metro Manila ay isang bersyon lamang ng pabahay noon sa panahon ni Marcos para sa mga mahihirap.
Bago pa man ibinaba ang Martial Law noong 1981, binuksan ang pabahay sa mga informal settlers sa Kamaynilaan noong 1979 na tinawag sa pangalang BLISS. Ito ay isang Human Settlement Project na pinamunuan noon ni dating First Lady at Metro Manila Governor Imelda Marcos.
Tila wala namang mali sa panahon ng Martial Law at lahat ay nasa ayos. Ang ekonomiya ay tila masigla at patuloy ang pagpapatayo ng maraming gusali, factory, at shopping malls sa Cubao, Quezon City. Maaliwalas ang buhay noon para sa mga batang Martial Law. Maging ang pagkamatay ni Ninoy at libing nito na dinaluhan ng mahigit sa milyong tao ay hindi kapansin-pansin sa mga batang lumalaki sa panahon ng diktadurya ni Marcos.
Ang mga Martial Law babies ay ang mga magulang ng maraming kabataan ngayon. Ang mga batang lumaki sa Martial Law ay ilan sa mga guro ng kasaysayan ngayon. Ang mga laki sa panahon ni Marcos ang mga taong pumupuri sa gobyernong Marcos noon.
SA PAGSILIP muli ng marami sa anibersaryo ng Martial Law, tila may naghahating pananaw sa kasaysayan nito. Ito ang pananaw ng mga Martial Law babies at pananaw ng mga mulat na ang isip sa katotohanan noong idineklara ang Martial Law. Hindi na ako nagugulat kung marami sa kabataan ngayon ang may pakiramdam na tila maayos naman ang palakad noon ni Marcos kumpara sa kahirapan ngayon. Ang karamihan kasi sa kanilang mga magulang ay laking Martial Law o tinaguriang Martial Law babies.
Ang problema sa mga Martial Law babies ay pinalaki sila ng pamahalaan sa isang kasinungalingan. Isang mundo na puno ng panlilinlang. Ang mga guro noon sa elementarya ay gapos sa aral na ang dapat ituro sa mga kabataan ay ang kabutihan ng pamahalaang Marcos sa kabila ng mga pag-torture, pagpatay, at pagdukot sa mga nakikibaka laban sa gobyerno.
Ipagmalaki na maunlad ang Pilipinas sa kabila ng pagkabaon nito sa utang. Hindi rin makapagpahayag ng katotohanan ang media dahil pag-aari ito ng pamahalaan. Tanging ang lansangan lamang ang digmaan ng mga nakikibaka sa kalupitan ni Marcos, ngunit hindi ito tanaw ng mga Martial Law babies na nakakubli sa kanilang mga tahanan.
Ang tunay na istorya ng buhay sa ilalim ng Martial Law ay tila ibinaon na sa limot ng mga maalikabok na libro ng kasaysayan dahil hindi na sila nababasa. Mas madaling panoorin ang mga video sa social media na hindi naman sapat at lubos ang pagpapaliwanag sa likod ng mga palabas at litratong ito.
Ang tunay na istorya ng Martial Law ay naging malinaw lamang para sa ilang Martial Law babies na piniling pagdudahan ang mga magagandang alaala nila noon, dahil mas makatotohanan ang mga hinaing ng mga biktima ng Martial Law sa panahon ngayon, na patuloy pa ring sumusumpong ng hustisya mula sa kasalukuyang pamahalaan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo