SAKTO KAY Martin Del Rosario ang na indie film na Marka na pinagbibidahan niya sa direksyon ni Neil Tan. Tungkol sa “anti-bullying” ang tema ng movie at sobrang nakare-relate si Martin since recently lang ay biktima siya ng cyber bullying sa internet.
May larawang naka-post na “sweet” sa isa’t isa ang dalawang guy tapos ay may caption kung saan nakalagay nang buong ningning ang pangalan ng batang aktor. Pinalalabas na mag-jowa ang dalawa habang magkaakbay at sa isang larawan naman ay tila “girl na girl” ang look ng guy.
It turned out na look-alike ito ni Martin, pero sa iba… malayo naman sa tunay na hitsura ng batang aktor. Kahit look-alike daw, malayong-malayo pa rin sa looks ni Martin.
‘Yun agad ang tinanong namin kay Martin nu’ng makapanayam namin ito. Ano ba ang reaksyon niya sa mga nagkalat na larawan nung ka-look-alike niya?
“Nung una, nung nakita ko siya, sabi ko agad, sorry…hindi ako ito! Natawa pa nga ako nu’ng nakita ko at sinabi ko talaga na hindi ako ‘yun! Hindi ko alam kung bakit name ko ang ginamit nila. ‘Pag nakita n’yo, malayo naman sa hitsura ko. Sabi nu’ng iba, hawig daw, pero titigan n’yong mabuti, tingnan n’yong mabuti… ang layo!” tawang sagot ni Martin.
Sa palagay niya, bakit siya ang napiling biktima? May mga pagdududa ba sa pagkalalaki niya?
“Sobrang hindi ko po alam! At ako po ay very much secured sa pagkalalaki ko. I know who I am. My family and my friends know the real me. Alam ko po kung ano ako at alam ko po ang gusto ko… babae!” natatawa pang sabi ni Martin.
“Actually nu’ng nalaman ko po ‘yung tungkol dun, nu’ng nakarating sa akin, hindi ko po pinansin. Artista po ako eh, at sa mga gaya naming public figure, lagi nang may mga ganyang sasabihin sa amin. Nakatingin silang (mga tao) lahat sa amin at maghahanap sila ng mga p’wedeng sabihin sa amin para masira kami.
“Hindi lang naman po ako ang biktima ng mga ganyan, marami po. Ako actually, talagang hindi ko po pinansin kasi nga wala naman akong dapat sabihin. Wala akong dapat patunayan. Kilala ko kung sino ako lalo na ‘yung mga taong malalapit sa akin… sila ang mga tunay na nakakikilala sa akin,” hirit pa ni Martin.
May intrigang bigla na lang daw siyang lumayas sa ABS-CBN 2 kung saan siya nagsimula at nabigyan ng break. Ngayon ay nasa GMA 7 na siya at masaya raw siya dahil maganda ang treatment sa kanya plus nakalatag na ang mga magagandang project na gagawin niya.
“Nagpaalam po ako sa mga bossing ng Dos. Humingi po ako ng meeting sa kanila upang makapagpaalam po ako nang maayos. Alam po ng mga boss du’n ang paglipat ko sa Siyete,” sagot ni Martin.
Pero hindi pa raw tapos ang kontrata niya sa Dos ay nagpaalam na siya? “Ganun po talaga. ‘Pag may offer po sa iba na wala ka namang ginagawa sa kanila ay mapag-uusapan po ‘yun. ‘Yun po ang ginawa ko. Since wala naman po akong ginagawa that time at naghihintay po ako, ‘eto naman po, may offer po ang GMA 7 sa akin, kaya tinanggap namin ng manager ko.”
“Naintindihan naman po ng mga big bosses sa Dos kasi nga kailangan ko rin po ‘yung trabaho. Tuluy-tuloy rin po ‘yung pag-aaral ko sa UP at irregular student ako du’n, pero kahit abutin pa ako ng 10 taon, tatapusin ko po ‘yun,” paliwanag ni Martin.
Dahil 21 na si Martin, ready na raw siyang tumanggap ng mature na roles at p’wede rin siya sa daring roles kung kinakailangan. Sabi pa ni Martin, given a chance na mabigyan ng isang launching movie na hahawakan ng batikang direktor, willing siyang maghubad, kahit magpakita pa ng puwet, pero ‘wag lang frontal.
“Dahan-dahan lang. Huwag nating biglain. Hahaha!” tawa pa ng guwapong aktor.
Ano naman ang masasabi niya sa mga mahilig mam-bully? “Sana lang, isipin nila kung sila ang nasa lugar nu’ng binu-bully nila… ano kaya ang pakiramdam nila?”
‘Nga pala, ang “Marka” ay produced ni Jojo Matias, dating Thats Entertainment member at chairman din ng Provincial Youth Development Council of Nueva Ecija, CEO ng Iskolar Ni Kuya Foundation (Nueva Ecija). Kasama rin sa indie film sina Isabelle De Leon, Ken Anderson (kapatid ni Gerald Anderson) at Jay Franco na kapwa mga bully ang role.
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer