WALA RAW balak magretiro sa pag-arte ang successful actor/ host/ businessman na si Marvin Agustin na isa sa host ng Artista Academy ng TV5. Ayon nga kay Marvin, hangga’t may nagbibiday sa kanya ng trabaho, magpapatuloy siyang magtrabaho.
Tsika pa nito, “Nu’ng bata nga ako, hindi ko na-imagine na mag-aartista ako. Hayun, hanap ako nang hanap ng magpapasaya sa akin. Basta namalayan ko na lang, nandidito na ako at nae-enjoy ko na ‘yung ginagawa ko, ang pag-aartista, at ngayon nga ay ang pagho-host. Sa akin naman kasi, hangga’t may magbibigay sa akin ng trabaho, magtatrabaho ako, dahil ito talaga ang passion ko.”
At ang pagiging masaya sa kanyang buhay pag-ibig ang isang dahilan kung bakit inspired ito sa trabaho. Pero ayaw nitong mag-share ng tungkol sa kanyang lovelife. Basta masaya raw siya ngayon, pero walang balak na mag-settle down o magpa-kasal?
“Basta masaya po ako! Getting married? Masarap ‘yon, pero asawa muna bago ‘yung kasal. But of course, yes! Hahaha! Pero I have kids already… ‘yun ang priorities, hindi ‘yon (kasal),” pagtatapos ni Marvin.
MARAMING KAPATID sa panulat ang nagulat dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay napapayag ang Bench big boss na si Ben Chan na umarte sa harap ng kamera sa short film na may pamagat na 25 Bens.
Maganda ang tema ng 25 Bens dahil ipinakita rito ang pakikipag-usap ni Ben sa kanyang mga sarili. Tinalo ni Ben ang mga tao na may split personality dahil 25 ang bilang ng Ben Chan na tampok sa kanyang kauna-unahang film.
Pero ang umani ng malakas na palakpakan at hiyawan ay ang veteran actress at kontrabida icon na si Bella Flores sa launching ng Benchingko, kaugnay sa 25th anniversary celebration ng Bench. Isa si Tita Bella sa mga bida sa anim na short films na ipinalabas last Friday sa MOA.
Dumagungdong sa lakas ng Palakpakan at hiyawan sa loob ng Center Stage sa Mall Of Asia dahil sa napakagaling na pagganap ng veteran actress para sa short film na Kontrabida 101 na idinirehe ni Joey Reyes.
Ipinakita ng pelikulang ito ang mga paraan kung paano maging isang magaling na kontrabida. At sa galing mag-deliver ng lines ni Ms. Bella, talaga namang nadala ang mga kapatid sa panulat at ilang naimbitahang manonood at nag-enjoy nang husto.
Kabilang din sa ipinalabas na short films ng araw na iyon ang pinagbidahan ni Piolo Pascual (Perya), Coco Martin (Horse Power), Lovi Poe (Kama), Lucy Torres-Gomez (Star Teacher) at ng President CEO ng Bench na si Bench Chan na 25 Bens. Pero may natitira pang 19 Short Films na dapat abangan.
SOBRANG SAYA ng mga naimbitahang press sa live show ng Sunday show ng TV5 ang Game ‘N Go dahil na rin sa mga unique na games nito. Plus factor pa ang magandang team up nina Edu Manzano at Joey de Leon na parehong kilala sa pagiging mahusay na hosts.
Idagdag mo pa ang riot na co-hosts na sina Gelli De Belen, Arnell Ignacio, Monica, Shalani at Daniel Matsunaga na siyang nagpapakilig sa mga kababaihan at mga kapatid sa ikatlong lahi na nanonood ng Game ‘N Go.
Tawag pansin din ang “Gaga Dan-cers” na mga Brazilian, na bukod sa magaganda at sexy ay super hataw sumayaw. Kaya naman nakakaaaliw itong panoorin. ‘Di rin naman pahuhuli ang Game ‘N Go sa naglalakihang artistang guests nito tuwing Linggo at ang naglalakihang papremyo na naiuuwi ng contestants ng kanilang mga games. Kaya naman maraming manonood na nahuhumaling na tutukan at panoorin ito.
John’s Point
by John Fontanilla