ANG BULOK na karne kapag umalingasaw, hindi maitatago ang tindi ng baho nito. Talaga yatang matindi ang kultura ng pagnanakaw sa gobyerno natin at kahit sa tuwid na daan ni PNoy ay maaamoy ito.
Nitong nakaraang araw ay pumutok sa lahat ng mga balita ang bahong inilantad ng mga testigong hawak ng NBI hinggil sa isyu ng P10 billion pork barrel scam. Utak umano ang businesswoman na si Janet Lim Napoles na konektado sa JLN Group of Companies na humawak ng maraming government-funded projects.
Ang mga pekeng government-funded projects ay sa papel lamang at pawang mga pangalan ng driver at katulong sa bahay ni Napoles ang isinapapel bilang mga opisyal. May malaking kickback mula sa pondong makukuha ang mga mambabatas na maglalaan ng kanilang pork barrel dito.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, maraming mga mababatas ang sangkot umano sa scam. Sinasabing sila ay nagpagamit ng kanilang mga pork barrel.
Samantala, pinayuhan ni House Speaker Belmonte ang NBI na magdahan-dahan sa pinakakawalan nilang impormasyon dahil sa nasasadlak ang mga mambabatas sa Kongreso sa isang trial by publicity. Nanawagan naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga kapwa nito senador na sangkot sa PDAF scam na mag-leave muna habang iniimbestigahan.
ANG SALITANG pork barrel ay galing mismo sa literal na kahulugan nito. Ito ay mga taba ng hayop na inilalagay ng pamahalaan sa isang barrel at ipinagugulong pababa mula sa bundok papunta sa mga kabahayan. Pinag-aagawan ng mga gutom na tao ang mga pira-pirasong taba ng hayop na nahuhulog sa barrel habang ito ay gumugulong. Ginagawa ito noong unang panahon sa Europa.
Kung tutuusin, hindi mahalaga ang pork barrel sa trabaho ng mga mambabatas. Ang paggawa ng batas ang pangunahing mandato ng Konstitusyon sa kanila.
Pork barrel ang dahilan kung bakit nalilito ang botante sa tunay na trabaho ng mambabatas. Kapag nangako ang kongresista na magpapagawa ng kalsada, nalilimutan ng botante na ang kanyang iboboto ay dapat gumawa ng batas na tutulong sa kanya.
Ang resulta nito ay ang pagkapanalo ng walang alam sa paggawa ng batas na kongresista. Kung walang mahuhusay na kongresista na gagawa ng batas, lalo na tayong maiiwan ng mga karatig-bansa.
Kung pork barrel ang dahilan sa problemang ito, simple lang ang solusyon, tanggalin na ang pork barrel.
ANG ISANG konrgresista ay makatatanggap ng halagang aabot sa P75 milyon mula sa pork barrel. Ang political dynasty ay hindi na bago sa Kongreso. Sa mahigit na 300 miyembro, halos iilang pangalan lang ang naghahari rito. Kung may 12 magkakamag-anak sa Kongreso, halos P1 bilyon ang pagsasaluhan ng pamilyang ito.
Bagay talaga ang terminong “house rules” sa lehislaturang sangay ng gobyerno dahil magkakapamilya talaga ang bumubuo nito.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM. Ang WSR ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo