AYON SA isang kasabihan, may dalawang bagay na hindi maiiwasan sa buhay ng tao. Ito ang kamatayan at pagbabayad ng buwis. Gaya ng kamatayan, ang buwis ay hindi maaaring iwasan at kasama na ito ng tao hanggang sa kanyang pagkamatay. Walang nakaliligtas sa pagbabayad ng buwis. Maging ang mga batang paslit ay nagbabayad ng buwis sa tuwing bibili sila ng candy sa tindahanan. Ang value added tax (VAT) ay karagdagang 12% sa presyo ng bawat bagay na iyong bibilhin sa tindahan. Ngunit ang VAT ay isa lamang sa maraming buwis na hinaharap ng mga Pilipino araw-araw sa kanilang buhay.
Kamakailan lamang ay naging malaking isyu ang pag-isnab ni PNoy sa panukalang batas na niluluto ng Kongreso at Senado hinggil sa pagbawas sa binabayarang income tax ng mga manggagawa. Nagbanta kasi ang pangulo na haharangin niya ang panukalang batas na ito. Para sa administrasyong Aquino, magkukulang ang pondo ng bansa para sa mga gastusin nito kung sakaling maibaba ang buwis mula sa income tax. Naging usap-usapan tuloy na tila hindi na sumusuporta itong si PNoy sa kanyang mga boss.
Bakit nga ba hindi sang-ayon si Pangulong Aquino sa pagbaba ng income tax ng mga manggagawa? Magkukulang nga ba ang pondo ng bansa kung ibababa ang pagbubuwis? Ano ba ang basehan ng Kongreso at Senado sa pagpapanukala na ibaba ang buwis ng mga manggagawa?
ANG MGA manggagawang nakatatanggap ng regular na sahod ang tunay na apektado ng napakataas na income tax. Ang middle class ang pinakamalaking bahagdan ng populasyon na binubuwisan ng pamahalaan. Upang maging mas malinaw kung gaano nga ba talaga kalaki ang binabayad na buwis ng mga tao, tunghayan ninyo ang halimbawang ito. Sa bawat P500,000 na kinikita ng isang empleyado sa loob ng isang taon, P125,000 kaagad dito ang kinukuha ng gobyerno bilang buwis. At sa anumang halagang hihigit pa sa P500,000 ay bubuwisan pa ito muli ng dagdag na 32%! Talaga namang nakalulula ang laki ng buwis na dapat bayaran ng isang ordinaryong Juan dela Cruz. Mabuti sana kung sa taas ng buwis na ito ay may makikita tayong kapalit. Ngunit sa oras na lumabas tayo ng ating mga bahay, ano ang natutunghayan ng manggagawang Pilipino? Iba’t ibang mukha ng kahirapan at korapsyon ang sumasalubong sa atin araw-araw. Sira-sirang kalye, mga batang namamalimos, kawalan ng serbisyong medikal para sa madla. Wala lahat ang mga ito. Sa kabilang banda, nakalulula rin ang angking yaman ng ating mga pulitiko! Nakapagtataka kung saan nila kinukuha ang pondong pambili ng kanilang magagarang sasakyan, mansyon, at mga mamahaling bagay. Isang masalimuot na usapin ng pagbubuwis para sa ordinaryong Pilipino. Karamihan ay nanghihinayang sa halagang nawawala sa kanila, na sa kanilang isip ay mas maigi sanang gastusin na lamang sa mga bagay na mas mahalaga.
NAKAKAPAGTAKA KUNG bakit ang mismong pangulo ng Pilipinas ang hadlang sa pagpapababa ng buwis para sa mga manggagawa. Ayon sa mga nangungunang ekonomista ng bansa, may sapat na surplus o savings ang pamahalaan upang mapunan ang kakulangang idudulot ng pagbawas sa income tax. Kung ito ang kaso, at hindi naman pala kukulangin ang pambansang badyet, dapat ay payagan nang bawasan ang buwis ng mga manggagawa. Ang hakbang kayang ito ng pangulo ay isang pagsuporta sa korapsyon? Alam naman natin na malaking bahagi ng badyet ng pulitiko ay napupunta lang sa mga bulsa nila.
Isa sa mga pinakamaunlad na bansa ang Singapore. Sa bansang ito naipatutupad ang lahat ng mga batas. Malinis ang paligid, walang namamalimos, at ang mga programang pang-medikal nila ay world class. Ang mga Singaporean ay larawan ng mga masasayang mamamayan. Sa kabila ng mga ito, nakagugulat na malamang 15% lamang ang income tax na sinisingil sa karamihan ng mga manggagawa sa Singapore. Kung kaya ng Singapore na mapanatili ang mataas na pamantayan ng pamumuhay sa income tax na 15%, malaki ang posibilidad na kaya rin ito ng Pilipinas. Bawasan lamang ng mga pulitiko ang pangungulimbat ng kaban ng bayan ay magagawa rin ito sa PIlipinas. Matatandaang ang Singapore ay isa sa mga “least corrupt nations”sa mundo.
MAHALAGANG BANTAYAN natin ang mga platapormang ihahatag ng mga kakandidato para sa pagka-pangulo. Kailangan nating piliin ang kandidatong magtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa at hindi ang isang pangulong walang puso para sa mga mamamayan. Suriin natin ang isyu ng pagbubuwis na ito at huwag nating palagpasina ng pagkakataon na ito.
Ang paghingi ng basbas ng Pangulo ng Senado at ng Speaker of the House ng Kongreso kay PNoy ay nagpapakita lamang na walang tunay na check and balance ang pamahalaan. Hindi kailangan ni Senator Drilon at House Speaker Belmonte na humingi ng pahintulot kay Pangulong Aquino sa pagpapasa ng panukalang batas. Dapat ay independent ang legislative branch ng gobyerno at dindi nagpapadikta sa pangulo ng bansa.
Kung hindi susoportahan ni Mar Roxas ang panukalang batas na ibaba ang income tax ng mga manggagawa ay hindi rin natin dapat suportahan ang kandidatong walang pagpapahalaga sa ikagagaan ng buhay ng mga manggagawa.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am0-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo