ALAM N’YO ba, ayon sa isang artikulo na aking nabasa mula sa Business Insider na naisulat ni Lauren F. Friedman, sa henerasyon ngayon, kakulangan sa tulog ang nagiging problema ng mga kabataan lalo na’t karamihan sa mga bagets ay napakahilig na magpuyat dala na rin ng mga sari-saring sanhi tulad na lang ng mga social networking sites at mga tambak na proyekto sa eskwela.
Puyat to the max pa talaga ang aabutin nila lalo na kung nakasanayan na nila na pagsabayin ang dalawang sanhi na aking nabanggit. Kung iisipin, ilang mga accounts ba tulad ng Facebook, Twitter, Instagram, Tumblr ang mayroon sila. Minsan, ang pagsasabing “titignan ko lang notifs ko sandali” ay nauuwi sa magdamag.
Idagdag mo pa ang paggawa ng mga takdang aralin, naku po. Baka nga makatulog ka pa. Sa Amerika nga, 40 % ng mga tao roon ay nakakakuha lamang ng mababa sa pitong oras na tulog lamang. At kalahati ng populasyon nila ay may problema na sa pagtulog o ‘yung tinatawag sa Ingles na “sleeping disorder”. At sa isang poll, nasa mas o menos anim na oras na lamang ang naitututulog ng mga tao sa araw-araw. Kung aalalahanin walo hanggang sampung oras na tulog ang dapat natin makuha gabi-gabi.
Ayon din sa nasabing artikulo, ang pagpupuyat ay may nakaakibat na hindi magandang epekto sa kalusugan ng tao. Ang ilan sa mga nabanggit ay:
Pagiging iritable – Ayon sa isang research, kadalasan sa sanhi ng “emotional distress” tulad na nga ng pagiging iritable sa mga tao, sa bagay o sa mga pangyayari sa paligid ay ang kakulangan sa tulog. Kaya nga naman ang kasabihan na “magbiro ka na sa lasing huwag lang sa bagong gising” ay dapat palitan ng “magbiro ka na sa lasing huwag lang sa puyat na ginising.”
Pagbigat ng timbang – Naku po, alam n’yo ba na kapag puyat ang isang tao, nagkakaroon ng “hormonal imbalance” sa katawan niya. Nagreresulta ito sa paghahanap ng pagkain nang madalas. Ikaw ba naman gising sa magdamag, tingnan ko lang kung hindi ka nga magutom. Pagkulang ka rin sa tulog o kapag ikaw ay puyat malaki ang tsansa na manabik ka sa mga pagkain na nakatataba tulad ng matatamis na cake, ice cream o chocolates o kaya sa mga mamantika na pagkain.
Paglabo ng mata – Hindi dahil nakatutok ka magdamag sa screen ng iyong mga laptops, cellphones o tablets kaya lumalabo ang mata mo. Kasama na rin ‘yun pero ang mas sanhi ng iyong paglabo ng mata ay dahil sa pagpuyat ng madalas. Dahil ayon sa research, kung ikaw ay madalas magpuyat, dumidilim, dumodoble o lumalabo ang iyong paningin. Kung gaano ka katagal gising o mulat ang iyong mata, mas malaki ang tyansa na maranasan mo ang mga problema sa mata na aking nabanggit.
Iilan lamang ‘yan sa sangkatutak na rason kung bakit ang pagpupuyat ay dapat ng iwasan. Kaya mga bagets, gamitin ang oras sa tamang paraan. Magpahinga at matulog kung kinakailangan. Huwag itong sayangin para lang mag-aksaya ng oras sa pag-like ng status o DP ng crush mo o kaya pag-abang sa tweet ng idol mo. Huwag mo ring isabuhay ang kasabihan ng mga bagets ngayon na “mas mabuti nang walang tulog kaysa walang gising.” Dahil kung puro gising ka, naku, mapapaaga ang pagtulog mo… forever.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo