KUNG PAGBABASEHAN ang sumbong ng isang aminadong gumagamit ng Shabu, si PO3 Hector Cardinales ng Floodway Police Community Precint (PCP) Taytay, Rizal ay mas masahol pa sa isang adik ng Shabu.
Si Bernardo Aguja na taga-Tenement R-3 San Lorenzo Ruiz, Taytay, Rizal ay dumulog sa Wanted Sa Radyo noong nakaraang Miyerkules, June 26.
Ayon sa kanya, noong June 22, Sabado, kinalawit siya ni Cardinales habang nakatambay sa harap ng kanyang bahay. Nagulantang na lamang daw si Bernardo nang siya’y hatakin ni Cardinales. Sa paghatak daw sa kanya ng pulis, agad siyang plinantahan ng isang sachet ng Shabu at kinaladkad papuntang presinto.
Pagdating ng presinto, siya ay ikinulong habang pinagpo-produce ng P5,000.00 kapalit ng kanyang kalayaan. Kinuha rin daw ang kanyang cellphone at susi ng bahay. Habang siya raw ay nasa kulungan, walang awa siyang halinhinang pinagbubugbog ng mga pulis doon.
Saka lamang raw siya pinakawalan pagkatapos niyang makapagbigay ng hinihinging pera at iwan ang kanyang cellphone.
PERO ‘DI naglaon, pagkatapos naming masinsinang makausap si Bernardo, inamin din niyang siya ay gumagamit ng droga at ang isang sachet ng Shabu na nakuha sa kanya ni Cardinales ay pag-aari niya.
Bagama’t aminado si Bernardo na ‘di siya plinantahan ni Cardinales at ang nakuhang droga sa kanya ay pag-aari niya, minarapat ko pa ring aksyunan ang kanyang sumbong – hindi para sa kanya kundi alang-alang sa bayan.
Ang mga katulad ni PO3 Cardinales sa ating kapulisan ang walang karapatan na manilbihan sa PNP. Sila ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lumalaganap ang problema ng droga sa ating bayan.
Ang dapat na ipataw na parusa sa mga katulad ni Cardinales – pagkatapos niyang masibak sa serbisyo – ay kailangang masintensiyahan ng pagkakakulong na mas higit pa sa sintensiya ng mga adik o pusher na kanyang nahuhuli.
HINDI TULAD ng mga adik na ang mga nakukumpiskang mga Shabu sa kanila ay kanilang binili para sa pansariling gamit, ang mga pulis-patolang tulad ni Cardinales ay nanghuhulidap ng mga adik para kikilan sila at pagkatapos ay ibibenta para pagkakitaan ang Shabu na kanilang nakumpiska.
Ang iba sa mga hulidaper na tulad ni Cardinales ay hindi na ibinibenta ang Shabu na kanilang nakukumpiska at iyon ay hinihitit na lamang nila. Kaya kung tutuusin, mas masahol at mababa ang uri ng mga pulis na ito kaysa sa pagkatao ng mga hinuhuli nilang adik at pusher.
Ang mga pulis na tulad ni Cardinales ang isa rin sa mga dahilan kung bakit lumalaganap ang nakawan at holdapan sa ating bayan. Ang mga kamag-anak ng adik na nahuhuli ni Cardinales, halimbawa, ay mapipilitang magnakaw o mangholdap para lang may pambigay sa kinikikil niyang pera.
Si Cardinales ay nabibilang sa grupo ng mga pulis na miyembro ng tinatawag na KKK (Kalawit, Kulong at Kikil) gang.
WALA NA akong pakialam sa pera at cellphone na nakuha kay Bernardo ni Cardinales dahil malay natin iyon ay galing sa nakaw rin. Pero may pakialam ako dahil pinagkakakitaan ni Cardinales ang mga pusher at adik sa halip na ang mga ito ay tinutuluyan niyang ipakulong.
Ang mga pusher at adik na kanyang pinakawalan ay babalik din sa dating gawain. At ang masahol dito ay ang mga pinakawalan niyang adik na mas magiging puspusan sa pagnanakaw o panghoholdap ngayon para may ipantustos sa kanilang bisyo at pambigay na rin sa mga nanghuhulidap sa kanila tulad ni Cardinales.
Makailang beses naming tinawagan si Cardinales para kunin ang kanyang panig ngunit tumanggi ito.
Shooting Range
Raffy Tulfo