KUNG PAGBABASEHAN ang mga news report tungkol sa nangyari kay Cavite Vice Governor Jolo Revilla noong nakaraang Sabado, iyon ay maituturing na isang aksidente. At hindi tangkang pagpapakamatay tulad ng ispekulasyon ng ilan.
Kapani-paniwala ang pahayag ng kampo ni Jolo na siya ay naglilinis ng kanyang Gloc .40 caliber nang biglang pumutok ito at tamaan siya sa kanyang kanang dibdib. Ang taong nagpapakamatay gamit ang baril, sa sentido o bibig niya pinapuputok ito at hindi sa dibdib.
Isa sa malalapit na kaibigan ng pamilya ng mga Revilla ang umamin – na ilang araw bago ang pangyayari, depressed si Jolo at apektado sa mga hindi magandang balita na pumuputok sa media hinggil sa kanyang ama.
Kaya habang nililinis niya ang kanyang baril nang araw na iyon, marahil halos wala siya sa kanyang sarili dahil sa matinding problema.
HINDI NA bago sa atin ang balitang nabaril ng isang gun-owner ang kanyang sarili habang nililinis ang kanyang baril. Ilan pa nga rito ay mga beteranong pulis na aksidenteng nabaril ang sarili at namatay habang nililinis ang baril.
Ang tatlong cardinal rule na dapat sinusunod sa lahat ng oras ng isang gun-owner para malayo sa disgrasya ay una, palaging ituring niya na loaded ang kanyang baril kahit na sa kanyang pagkakaalam ay natanggal na niya ang lahat ng bala nito.
Pangalawa, kahit na wala na itong bala, kung ito man ay nililinis o hinahawakan, hindi dapat nakatutok sa anumang parte ng kanyang katawan o ng sinuman. Dapat palagi itong nakatutok sa lupa at wala sa gatilyo ang kanyang mga daliri.
At pangatlo, huwag pinaglalaruan ang baril. Sa bahay dapat ito ay nakatago nang mabuti na hindi nakikita at naaabot ng mga bata.
ILANG TAON na ang nakararaan, nililinis ng isa sa aking staff ang kanyang baril. Sinunod niya ang pangaral ko at nakatutok nga sa lupa habang nililinis niya ito. Ang siste, ayon sa kanya, sadyang malaki raw talaga ang kanyang paa kaya nang aksidenteng pumutok ito, nahagip pa rin ang kanyang kanang paa.
Matapos kong maipagamot at gumaling, agad ko siyang pinagpahinga dahil baka sa kanyang katangahan sa susunod ay may madamay pang iba.
Isang kaibigan ko rin na opisyal ng PNP ang umamin sa akin maraming taon na ang nakaraan na natapyas ang isang parte ng kanyang bayag dahil aksidenteng pumutok ang kanyang baril nang kanyang tangkang bunutin ito habang nakasuksok sa kanyang baywang.
Nakakasa ang kanyang kalibre .45 na nakasuksok sa kanyang baywang dahil kasama siya sa isang police operation nang araw na iyon. Pag-uwi niya ng bahay at nang bunutin na niya ang kanyang baril para itabi na, biglang pumutok ito at dumaplis sa kanyang bayag ang bala.
ISANG KASAMAHAN kong kolumnista sa dati kong pinagsusulatang tabloid ay namatayan ng unico hijo dahil sa isang aksidente sa baril sanhi na rin ng kapabayaan. Naiwan sa bahay na mag-isa ang kanyang anim na taong gulang na anak kasama ang kalaro nito.
Alam ng bata kung saan nakalagay ang baril ng kanyang ama. Kaya nang mag-aya ang kalaro ng baril-barilan, agad niyang kinuha ito roon. Sa paglalaro ng dalawang paslit sa baril, aksidenteng naputukan ang anak ng aking dating kasamahan na agad na ikinamatay nito.
MALAYONG MAS mataas ang IQ ni Chairman Francisco Cumigad ng Brgy. 464 Sampaloc, Manila kumpara kay Pangulong Noynoy. At kung pag-uusapan ay leadership, langit at lupa ang agwat ng dalawa – si Chairman Cumigad ang nasa langit at si PNoy ang nasa kailalim-laliman ng lupa.
Tatlong menor de edad ang hinuli ng isa sa mga kagawad ni Chairman dahil sa paglabag sa curfew noong February 28. Nang dalhin ni Kagawad ang mga bata sa barangay hall, sa halip na ipatawag ang mga magulang nito, pinag-sit ups niya sila ng 200 beses. Kapag bumabagal na sa pag-sit up ang mga bata, binabatukan niya ang mga ito.
Pagkatapos ng sit up – o pag-eehersisyo ayon sa may topak na kagawad – pinainom niya ang mga bata ng suka na binabaran ng mga siling labuyo.
Ayon pa rin sa kulang-kulang na kagawad, hindi raw niya pinainom ng suka na may sili ang mga binatilyo, kundi binasa lang daw niya ang kanyang daliri ng suka galing sa isang balut vendor at saka idinampi niya raw ito sa labi ng mga bata.
NANG MAKARATING kay Chairman ang ginawa ng kanyang kagawad, dali-dali niyang pinuntahan ang magulang at guardian ng mga bata. Humingi siya ng taos-pusong paumanhin dito at agad na pinaimbestigahan si Kagawad. Nangako rin si Kapitan na hindi niya papayagang mangyari muli ang ganoong klaseng insidente.
Kung inyong matatandaan, makailang beses nang naperhuwisyo ang sambayanan sa kapalpakan ng mga tauhan ni PNoy at sa tuwina, sa halip na humingi ng paumanhin sa taumbayan at paimbestigahan ang mga tauhan niyang ito, kanya pa silang dinidepensahan.
Ang pinakakaya lamang gawin ni PNoy sa kanyang mga tauhang alam niyang gumagawa ng mga kabulastugan ay pasaringan na lamang sila hanggang sa tubuan ng hiya at kusang magsi-resign.
PAANO KUNG manhid ang mga pinapasaringan niya at wantusawa sa kapal ng mukha? Tulad na lang halimbawa sa nangyari sa Department of Agriculture (DA) na sa kabila ng matinding katiwalian na nabulgar, wala siyang sinibak na mga matataas na opisyal dito. Sa halip, naglagay na lamang siya ng panibagong opisyal doon sa katauhan ni dating Senator Francis Pangilinan para i-monitor ang mga kaganapan sa DA.
Sabi pa nga ng radio commentator na si Leo Obligar, si PNoy daw ang piyansador ng lahat ng mga kurakot na opisyal sa gobyerno.
Ang inyong lingkod ay napapanood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:45 am hanggang 12:30 nn. At sa T3 Enforced naman pagsapit ng 12:30 nn hanggang 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin.
Napakikinggan naman sa programang Wanted Sa Radyo ang inyong lingkod sa 92.3 FM at sa lahat ng Radyo5 sa Visayas at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833 para sa Wanted Sa Radyo. 0918-602-3888 para naman sa Aksyon sa Tanghali. At 0918-983-8383 para naman sa T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo