Mas Pinalawak na Tsekap para sa mga Indigent at Sponsored Program Members, Aprubado na!

ISA NA namang maituturing na milestone sa kasaysayan ng PhilHealth ang pagkakalunsad ng mas pinalawak at mas pinagbuti pang Primary Care Benefits na may kaakibat na promotive, preventive, at diagnostic services na laan para sa mga miyembro nito mula sa Indigent at Sponsored program sectors.

Malaki ang panawagan na suportahan ang Primary Health Care (PHC) services dahil kabilang ito sa nakatakdang ipatupad sa ilalim ng National Health Insurance Program at upang ganap na makamit ang Kalusugang Pangkalahatan ng Aquino Administration.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Health, inilunsad ng PhilHealth ang Tamang Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya o “Tsekap”. Ang benefit package na ito ay mas lalo pang pinaghusay sa naunang Primary Care Benefit Packages 1 at 2 na dati nang ipinatupad taong 2012 at 2014.

Bagama’t ito ay una munang ipatutupad para sa mga indigent at sponsored members, sa kalaunan, ang Tsekap ay ipagkakaloob din sa iba pang member-sectors. Sa pamamagitan ng Tsekap, bumuo ang PhilHealth ng mas komprehensibong talaan ng outpatient personal care services.

Kabilang sa serbisyong hatid ng Tsekap ay mga drugs at medicines para sa sampung (10) mga karaniwang kondisyon na maaari pang maagapan sa isang primary care set up tulad ng hika, pagdudumi na may dehydration, ubo’t sipon, pulmonya, impeksyon sa daluyan ng ihi, diabetes mellitus, alta presyon, dyslipidemia, deworming, at ischemic heart disease.

Hindi lang ‘yan. Available din ang comprehensive health profiling sa sandaling magpalista ang isang pamilya sa accredited Tsekap provider. Nariyan ang konsultasyon sa doktor, regular na pagkuha ng presyon ng dugo, pagkuha ng taas, timbang at sukat ng baywang, regular na pagsusuri ng suso, eksaminasyon ng kuwelyo ng matris para sa kanser, digital rectal examination, risk profiling para sa hypertension at diabetes, pagpapayo para sa pagtigil ng paninigarilyo, pagpapayo para sa malusog na pamumuhay, at ang oral check-up at prophylaxis para sa mga batang edad 12 taong gulang pababa.

Bukod pa rito, puwede na ring ma-avail ng ating mga sponsored at indigent members, kung kinakailangan, ang diagnostic examinations gaya ng kumpletong pagsusuri ng dugo, blood typing, pagsusuri ng ihi, pagsusuri ng dumi, chest x-ray, pagsusuri ng plema, pagsukat ng kolesterol sa dugo, pagsukat ng asukal sa dugo, creatinine, electrocardiogram, peak expiratory flow meter testing, at ang blood glucose monitoring gamit ang blood pressure meter.

Maging ang ‘No Balance Billing Policy’ ay tinitiyak na ipatutupad sa mga pampubliko at piling pribadong pagamutan na magkakaloob ng Tsekap.

Isa pang highlight dito ay ang pag-accredit ng alinmang health care institutions, maging private man o public, basta’t nakapasa sa accreditation standards para sa Tsekap. Kabilang dito ang mga infirmaries, primary care facilities, private clinics, outpatient clinics, pati na government-owned licensed hospitals.

Ang magandang balita, maaari pang pumili ang ating indigent o sponsored member ng kanilang Tsekap provider, pribado man o pampubliko, na malapit sa kanilang lugar. Sa oras na maipalista na ng Tsekap provider ang isang pamilya, gagawan na ito ng individual health profiling. Ibig sabihin, aalamin ang estado ng kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya nang sa gayon ay makaseseguro na mamo-monitor ang kondisyon ng buong pamilya. O, ‘di ba, protektado talaga kayo ng PhilHealth?

Nagtalaga na rin po ang PhilHealth ng pamantayan para sa pag-a-accredit ng mga botika o tindahan ng mga gamot na handang sumunod sa mga patakaran nito patungkol sa mabisa at wastong gamot at medisina na nakapaloob sa Tsekap package.

Isang pambihirang katangian din ng Tsekap ay ang paggamit ng EMR o Electronic Medical Records na magkatuwang na tutugunan ng PhilHealth at ng provider-facility sa kanilang IT systems. Sa pamamagitan nito, mas maginhawa pa ang transaksyon dahil hindi lamang medical records kundi maging reseta ng doktor ay puwede nang ipadala electronically sa mga partner-pharmacy, kung saan mabilis na lang ang pag-pick-up ng miyembro sa kanilang mga gamot.

Napakagandang panimula ito sa unang bahagi ng taon mula nang maipatupad ang Expanded Primary Care Benefit Package alinsunod sa polisiya na nakapaloob sa PhilHealth Circular No. 002-2015.

Hindi po tumitigil ang PhilHealth sa paghahanap ng mas mabisang istratehiya, at pagsasaliksik ng mga makabagong pamamaraan kung paano higit na mapagbuti ang serbisyong pangkalusugan dito sa ating bansa.

Huwag naman po sana nating hintayin pang lumala ang isang sakit bago natin ito pag-ukulan ng ibayong pansin. Dapat po, sa simula pa lamang, agapan na ang malubhang pagkakasakit nang makaiwas sa malaking gastusin sa pagpapa-ospital.

Napakalaking hamon po ito sa PhilHealth sa pagsusulong ng benepisyong pang-kalusugan. Pero siyempre, hindi naman po ito kakayaning mag-isa ng PhilHealth, kaya patuloy po kaming humihingi ng suporta mula sa mga government at private facilities na may kakayahang makapagbigay ng mga nabanggit na serbisyong dala ng Tsekap para sa mga pamilyang nais magpalista mula sa indigent at sponsored program.

Sa ngayon, mayroon na tayong humigit-kumulang 15,068,028 pamilya mula sa Indigent at Sponsored Programs. Muli, mabuhay ang Team PhilHealth at salamat po sa patuloy na pagtitiwala.

Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleMakabuluhan na Marso
Next articlePulitika at Hustisya

No posts to display